Lunes, Hunyo 28, 2010

KAPAG NASAKTAN KA

Sa isang kalagayan, kahit paano, tayo ay nagdurusa. Ang bawat tao sa sanlibutan ay dumadanas ng kanya-kanyang dalahin ng kagipitan.

Kapag ikaw ay may matinding pagdurusa, walang sinumang tao sa sanlibutan ang makapipigil sa takot na panloob at malalim na pagtitiis. Hindi ang matalik na mga kaibigan ang makakaunawa sa pakikipaglaban na pinagdadaanan mo o sa sugat na idinulot nito sa iyo.

Mayroon bang pamapahid para sa biyak na puso? Mayroon bang lunas para doon sa malalalim na kirot na panloob? Maibabalik ba ang mga pira-piraso na mabuo muli at mapalakas muli ang puso? Oo! Sigurado! At kung hindi, kung ganon ang Salita ng Diyos ay isang panlililang lamang at ang Diyos ay nagsisinungaling. Hindi maaring mangyari iyon!

Hindi ipinangako ng Diyos sa iyo ang isang buhay na di daranas ng kirot. Ipinangako niya sa iyo “ang daan ng pagtakas.” Ipinangako niya na tutulungan ka na dalhin ang iyong kirot. Lakas ang ibibigay para muling makatayo ka kapag nanghina ka at matutumba.

Sinabi ng mapagmahal nating Ama, “Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na di dinanas ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipinahihintulot na kayo’y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon” (1 Corinto 10:13).

Ang inyong Amang nasa langit ay may matatag na matang nagbabantay sa inyo. Ang bawat kilos ay minamatyagan. Bawat patak ng luha ay iniipon sa botelya. Kasama mo siya sa bawat kirot na dinadanas mo. Nadarama niya ang bawat kirot. Hindi niya papayagan na malunod ka sa iyong sariling mga luha. Hindi niya papayagan na manghina ang iyong isipan dahil sa kirot. Ipinangako niya na darating siya sa tamang sandali, upang punasan ang iyong mga luha at bigyan ka kaaliwan sa iyong pagdadalamhati.

Mayroon kang kakayahan na aliwin ang iyong puso at magbunyi at magalak sa Panginoon. Ang mata ng Diyos ay nasa iyo—at inutusan niya tayong tumayo at pagpagin ang lahat ng kinatatakutan na nagdudulot ng pagdududa.