Miyerkules, Setyembre 28, 2011

ANG INA NG LAHAT NG MGA KASALANAN

Makagagawa ako ng listahan ng isang katalogo ng mga kasalanan na madalas na ginagawa ng mga Kristiyano, ngunit wala isa man dito ay makatutumbas sa kasalanan na nais kong pag-usapan. Ang ina ng lahat ng mga kasalanan—yaong isa na nagsilang sa lahat ng iba pang kasalanan—ang kasalanan ng kawalan ng pananalig!

Hindi ko tinutukoy ang kawalan ng pananalig ng isang pinatigas na makasalanan. Ang kawalan ng pananalig ng mga tampalasan, mga hindi naniniwala sa Diyos ay hindi man lamang makauuga sa Diyos. Hindi, ang bagay na nakapagbibigay poot sa Diyos nang higit pa sa anuman ay ang kawalan ng pananalig at nakagugulong pagdududa noong mga tumatawag sa kanya sa pangalan Niya! Ang kanyang mga anak na nagsasabi na “Ako na na kay Jesus,” gayunman ay mga nagdududa, may takot at kawalan ng pananalig sa kanilang mga puso ay nakapagbibigay dalamhati sa kanya ng higit pa sa anuman!

Gaano kalubha na dinadala ng Diyos ang kasalanan ng kawalan ng paniniwala! Nagbabala si Judas sa iglesya sa pamamagitan ng mga salitang ito: “Kahit na alam na ninyo ang lahat ng ito, nais ko pa ring ipaalala sa inyo na matapos iligtas ng Panginoon ang bansang Israel sa lupain ng Egipto, pinuksa niya ang mga taong hindi nananalig sa kanya” (Judas 5).

Si Judas ay nagpapaalala sa mga mananampalataya ng paninindigan ng Diyos patungo sa kawalan ng pananalig! Sinasabi niya, “Dala ko para inyong alaala ang sinasambit na poot ng Diyos patungkol sa kawalan ng pananalig ng kanyang mga iniligtas na mga tao. Sa pagligtas niya sa mga tao, pagkatapos ay pupuksain yaong mga hindi nananalig!”

Minamahal, naniniwala ako na tinawag ako ng Diyos upang ilagay ang kanyang iglesya sa pagpapaalala ng katulad na mga bagay! “Nangyari iyon sa kanila bilang babala sa iba, at isinulat upang tayo namang nabubuhay ngayong mga huling araw ay maturuan” (1 Corinto 10:11). Maaring hindi na puksain ng pisikal ng Diyos ang kanyang mga tao katulad ng ginawa niya sa Lumang Tipan ngunit ang kanyang paghuhusga sa ating kawalan ng pananalig ngayon ay espirituwal at ang mga ito ay ganoon din kabigat.

Ang kawalan ng pananalig ay nakawawasak ngayon katulad din noon. Maaring hindi tayo magiging asin, ngunit tumitigas pa rin ang ating mga batok at nagiging masaklap! Ang lupa ay hindi bumubuka para lamunin tayo ngunit nilalamon tayo ng kaguluhan, kabigatan at mga suliraning pampamilya. Ang apoy ay hindi bumababa at nilalamon tayo ngunit ang ating espirituwal na pamumuhay ay nawawasak.

Marami sa atin ay nakararanas ng ina ng lahat ng mga kasalanan at hindi man lamang tayo natatakot dito. Hindi natin siniseryoso ang ating kawalan ng pananalig; sa katunayan, namumuhay tayo na para bang kinikindatan lamang ito ng Diyos. At gayunman ito ay ang isang pagkakasala na nagbubukas sa ating katawan at espiritu sa iba pang kasalanan na alam ng tao.

Martes, Setyembre 27, 2011

NASAAN ANG KARUNUNGAN?

“Ngunit saan kaya matatagpuan itong karunungan? At ang pang-unawa, saan kaya matututunan? 3Hindi alam ng tao ang daan tungo sa karunungan; wala ito sa lupain ng mga nabubuhay” (Job 28:12-13).

Karunungan,
Sino ang makatatagpo nito?
Saan?
Ang kalaliman ay nagsabi, “Ito ay wala sa akin.”
Ang karagatan ay nagsabi, “Ito ay hindi ko kasama.”
Hindi ito makukuha sa pamamagitan ng ginto,
Pati na ang pilak ay hindi matitimbang
Para sa halaga nito.
Hindi maaring bigyan ng kuwenta… mamahaling oniks
O… sapira.

Hindi ito maaring ipagpalit sa mga hiyas,
Huwag nang isali ang mga bulaklak sa bato o mga perlas,
Para sa halaga ng karunungan
Ay higit pa sa mga batong mamahalin.
Kung ganoon kailan darating ang karunungan ?
Saan ang lugar ng pagkakaunawa?

Nauunawaan ng Diyos
At alam Niya kung nasaan ito.
Siya na nakakita sa kabuuan ng langit,
Siya na nakasusukat sa timbang ng hangin,
Sa mga tao ito ang sabi Niya,
“Narito
Ang takot sa Panginoon—
Iyan ang karunungan
Ang lumayo sa kasamaan—
Iyan ang pagkakaunawa,

Ang takot sa Panginoon ay ang simula
Sa lahat ng karunungan
Siya na may karunungan,
Hayaan siya sa pag-ibig
Matakot sa Diyos
At iwaksi ang mga kasalanan.”

Lunes, Setyembre 12, 2011

ANG KAPANGYARIHAN NG ISANG MALINIS AT WALANG KAPINTASANG BUHAY

Kapag itinalaga mo ang iyong puso na lumakad na walang kapintasan sa harap ng Diyos—ang mamuhay sa paraan na nakalulugod sa Panginoon—katatakutan ka at hahamakin noong mga nawala ang biyaya ng Diyos. Mga malahininga o nakompormisong mga Kristiyano ay ganap na gagambalain o iwawaksi ng iyong buhay!

Nakita natin ito na maliwanag na inilarawan sa 1 Samuel: “Si Saul ay natakot kay David pagkat nadama niyang hindi na siya pinapatnubayan ninYahweh…Pinangunahan ni David ang kanyang mga tauhan at saan man mapalaban ay nagtatagumpay pagkat pinapatnubayan siya ni nYahweh. Dahil dito, lalong nasindak sa kanya si Saul” (1 Samuel 18:12-15).

Ang walang kapintasang pag-uugali ni David ay lalong nakapagpasindak sa puso ni Saul! Sa tuwinang si Saul ay nasa paligid ni David, natandaan niya ang sandal na taglay niya ang biyaya ng Diyos at ang mataas na paggalang ng mga tao. Ngunit ang hindi pagsunod, inggit, pagmamataas at sariling pagsunod ay nagdulot kay Saul na mawala ang bawat kapangyarihan sa Diyos. At ninakawan siya nito ng paggalang ng mga tao.

Ngayon, si Saul ay humaharap sa isang nakakabatang lalaki—mas kulang ang karanasan, marahil ay hindi mahusay magsalita na lalaki—na nagpapamalas ng kapangyarihan at katapatan ng kabanalan. Siya ay may dalisay na puso, puspos ng Espiritu Santo at si Saul ay natatakot sa kanya!

Huwag kalilimutan na siya ay hindi isang paganong sumasamba sa mga idolo na takot kay David. Hindi, si Saul ay isang lalaki na dating alam ang kapangyarihan ng Espiritu Santo! Siya ay minsan nang naging binasbasan ng langis ng Diyos, isang makapangyarihang lalaki na pinili ng Diyos!

Si David ay simple lamang na namumuhay ng isang malinis na buhay at ibinubuhos ng Diyos ang biyaya sa kanya! “Sa kabilang dako, si David ay lalong napapamahal sa buong Israel at Juda dahil sa kanyang pagtatagumpay laban sa mga kaaway” (1 Samuel 18:16).

Ayaw ni Saul na malagay sa kapaligiran ni David. Sinasabi ng Kasulatan, “Kaya para malayo ito sa kanya, ginawa niya itong puno ng 1,000 kawal” (1 Samuel 18:13). Ang malungkot, si Saul ay kumakatawan sa mga napakompormisong iglesya sa ngayon, yaong mga Kristiyanong nakipagkompormiso at nawala ang basbas ng Diyos. Siya ay isang uri ng mananampalataya na minsan ay puspos ng Espiritu Santo, nabautismuhan, sa apoy ng Diyos, ngunit ninakawan ng lahat na minsan ay galing sa Diyos dahilan sa kanilang hindi pagsunod, pagmamataas, at pita ng laman.

Wala nang ibang nakaatakot pa sa isang napakompormisong Kristiyano kaysa sa isang banal na walang kapintasang pamumuhay. At habang lalong napapahanay sa kalooban ng Panginoon, lalo ka pang iwawaksi ng mga nagbalik kasalanang mga mananampalataya.

Biyernes, Setyembre 9, 2011

MAMUHAY SA BIYAYA NG DIYOS

Ipinangako ng Diyos ang mga kahanga-hangang biyaya sa mga mananampalatayang walang kapintasan. “Anak ko, ang aral ko ay huwag mong lilimutin…lahat ng aking utos sa isipan mo’y itanim upang araw mo’y tumagal, humaba ang iyong buhay, at maging masagana sa lahat ng kailangan. Pananalig at katapata’y huwag mong tatalikdan, ikuwintas sa iyong leeg at itanim sa isipan. Sa gayon, sa iyo ay malulugod itong Diyos” (Kawikaan 3:1-4). Sinasabi ng Diyos kapag itinuon mo ang iyong paningin sa paglalakad na walang kapintasan sa kanyang harapan, lalakad sa kanyang biyaya at magiging kaluguran sa Kanya.

Ngunit hindi iyon ang lahat. Kasama rin sa biyaya ng Diyos ang kapangyarihan! Sinabi ni Pablo, “Ang Mabuting Balita na lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi sa salita lamang. Ito’y may kapangyarihan at patotoo ng Espiritu Santo” (1 Tesalonica 1:5). Dala ng kanyang biyaya ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa lahat ng iyong sinasabi at ginagawa. Ang iyong salita ay hindi mababale-wala, sapagkat magkakaroon ito ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Sinabi ni Pablo na yaong mga pinalakas ng Espiritu Santo na mga salita ay magbubunga ng magagandang resulta: “Tinularan ninyo kami, at ang Panginoon. Tinanggap ninyo ang Mabuting Balita, at dahil dito’y nagdanas kayo ng katakut-takot na hirap. Gayunman, taglay pa rin ninyo ang kagalakang kaloob ng Espiritu Santo” (1:6).

Bakit lubos na makapangyarihan ang mga salita ni Pablo, lubos na mabisa? Sapagkat, sabi niya, “Pati ang balita tungkol sa inyong pananampalataya ay kumalat sa lahat ng dako” (t. 7). Hindi ang pangangaral ni Pablo o ang pananalangin niya ang nakahikayat sa mga tao na lumapit sa Panginoon. Ito ay ang kanyang ulirang pamumuhay! Natagpuan ng diyos kay Pablo ang malinis na puso—isang kanyang mabibiyayaan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo!

Ang banal na biyaya ng Diyos ay nagdala rin ng mataas na pagpapahalaga sa mga tao. Isinulat ni David: “Sa lahat ng tauhan ni Saul, siya ang nagkamit ng pinakamaraming tagumpay. Kaya, lalo siyang napatanyag” (1 Samuel 18:30).

Ang taong nag-iingat ng pangalan ni Jesus sa pamamagitan ng kabanalan sa harapan ng iba ay bibigyan ng mabuting pangalan sa harapan nila—ng Diyos mismo!

Sinasabi ng ibang Kristiyano, “Hindi mahalaga ang tungkol sa pangalan ko. Hindi mahalaga anuman ang iniisip ng ibang tao tungkol sa akin. Hindi ko nais na makilala pa ako ng iba, nais ko lamang na parang isang balewala lamang. Hayaan natin ang Panginoon ang magkaroon ng lahat ng kaluwalhatian.” maaring may himig itong mapagkumbaba ngunit ayon sa Kasulatan, “Mas mabuting piliin ang malinis na pangalan kaysa pilak at ginto o anumang kayamanan” (Kawikaan 22:1). Binibigyan ng Diyos ang matuwid ng mabuting pangalan upang magamit nila ito para sa kaluwalhatian niya na may ganap na sukatan!

Huwebes, Setyembre 8, 2011

ANO ANG BUHAY NA WALANG KAPINTASAN?

ANO ANG BUHAY NA WALANG KAPINTASAN?

Narito ang asal ng isang mananampalataya na walang kapintasan, ayon kay Apostol Pablo:

1. Ang maging walang kapintasan ay kailangang walang panlilinlang sa anumang uri. “Ang pangangaral nami’y hindi udyok ng kamalian, ng kahalayan o ng hangad na manlinlang” (1 Tesalonica 2:3). Ang isang walang kapintasang Kristiyano ay isang walang panlilinlang sa kanyang puso. Sinasabi ni Pablo, “Hindi ako mandaraya, nangangaral sa inyo ngunit iba ang ipinamumuhay. Ang aking pag-uugali ay isang bukas na aklat!”

2. Ang maging walang kapintasan ay ang huwag humipo sa mga bagay na marumi. “Ang pangangaral nami’y hindi udyok ng kamalian, ng kahalayan o ng hangad na manlinlang” (1 Tesalonica 2:3).

Ang idinidiin dito ni Pablo ay nauukol sa kahalayan ng lam├ín o sa mahalay na pita. Sinasabi niya, “Walang maduming salita ang lumabas sa aking bibig. Ang aking pakikipag-usap ay dalisay, nagmumula sa malinis na puso.” Nasa pangangasiwa ni Pablo ang kanyang katawan. Walang makalamang pagnanasa ang nagtutulak sa kanya—walang espiritu ng mahalay na pita o kahalayan ang naglalaro sa isipan niya. Siya ay isang malayang tao!

Ang isang mananampalataya na nagkukwento ng malaswang biro, nagpaparamdam ng kahalayan, o may matang nagmamasid ay isang taong ang puso ay hindi pa nalilinis! Sinabi ng Diyos, “Kung ikaw ay lalakad na walang kapintasan sa aking harapan, kailangang mayroon kang malinis na pandinig, malinis na puso at malinis na bibig!”

3. Ang maging walang kapintasan ay ang maging walang kamalian. “Ang pangangaral nami’y hindi udyok na manlinlang” (talatang 3).

Ang Kristiyano na walang kamalian o kapaimbabawan ay hindi nagmamarunong, maging tuso o nangungunahan. Wala siyang itinatagong balak at ganap na bukas at matapat. Sinabi ni Pablo, “Hindi ko kayo pinangunahan patungo sa kaharian ng Diyos o kaya’y gumamit ako ng mga tusong pananalita o paglaruan ang inyong damdamin. Tuwiran kong ipinahayag sa inyo ang mabuting balita!”

Si Pablo ay hindi kailanman gumamit ng mga malarong salita; hindi siya gumamit ng sikolohiya para magustuhan siya ng mga tao. Sinabi ni Pablo, “Naging magiliw kami sa inyo tulad ng isang mapagkalingang ina sa kanyang mga anak” (2:7). Ngunit ng pumasok ang kasalanan, sinaway niya ito ng malakas mula sa kalangitan! Hindi niya ninais o kinailangan ang pagsang-ayon ng kahit sinong tao, samantalang minahal niya ang mga tao ng taos sa kanyang puso. “Alam ng Diyos at alam din ninyo na sa aming pangangaral ay hindi kami gumamit ng pakunwaring papuri o mga salitang nagkukubli ng masakim na hangarin. Hindi kami naghangad ng papuri ninyo o ninuman” (mga talatang 5-6).

Si Pablo ay laging iniisip na ang Diyos ay nagmamasid sa kanya at minamanmanan ang kanyang mga motibo. “Lumayo siya sa lahat ng uri ng kasalanan” (1 Tesalonica 5:22) at namuhay na para bang si Jesus ay darating na sa loob ng oras na iyon!

Miyerkules, Setyembre 7, 2011

ANG KAPANGYARIHAN NG BUHAY NA WALANG KAPINTASAN

“Saksi namin kayo at gayon din ang Diyos na kami ay tapat, mabuti, at ganap sa pakikitungo sa inyo na mga sumasampalataya” (1 Tesalonica 2:10).

Iyan ay isang makapangyarihan na pahayag na ginawa—na tawagin ang Diyos bilang saksi sa iyong kabanalan! Gayunman, walang kaudlut-udlot, si Pablo ay nagmalaki sa mga mananampalataya na taga Tesalonica. “Ang mga kamanggagawa at ako ay namuhay na walang kapintasan sa harapan ninyo at sa harapan ng Diyos. Ang aming mga pag-uugali ay makatuwitran at dalisay. Diyos ang saksi sa aming banal na asal at kayo man ay saksi.Nakita ninyo na kami ay naglakad ng may kabanalan at walang kapintasan sa harapan ng Diyos at ng mga tao!”

Si Pablo ay isang mahusay na mangangaral at alam niya ang lihim ng kahusayan niya na maakay ang mga tao patungo sa Diyos. Kaya niyang tumayo na may kalakasan ng loob sa harapan ng bawat buhay na kaluluwa, sa bawat saklaw ng hari at sumaksi: “Namumuhay ako araw-araw sa ilalim ng pagmamasid ng isang banal na Diyos. Lagi akong naglalakad na para bang ang kanyang banal na mga mata ay nakatingin sa akin. At kayong lahat ay saksi sa aking walang kapintasang pamumuhay!”

Ang apostol ay naghangad sa bawat mananampalataya na magkaroon ng katulad na kapangyarihan na mayroon siya na maakay ang mga tao patungo sa Diyos. Nanalangin siya gabi at araw na ang lahat ng mga anak ng Diyos ay maging banal at walang sala sa harapan ng Diyos: “Sa gayon, kayo’y manatiling banal at walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Jesus, kasama ang mga hinirang niya” (1 Tesalonica 3:13).

Ang mayamang batang namumuno na lumapit kay Jesus ay naging mabuti mula pa sa kanyang pagkabata hanggang sa pagtanda at iyan ay nakapagdulot ng pag-ibig at paggalang ni Jesus (tingnan ang Mateo 19:16-20). Ngunit mayroong kulang at ang bagay na iyan ay nakapagdulot ng pagbabago! Minamahal, kung wala kang katulad na layunin sa lahat ng iyong sinasabi at ginagawa, hindi ka maaring maging walang kapintasan sa harap ng Diyos at mga tao: “Kung magkagayon, mabibigyan ninyo ng karangalan ang pangalan ng ating Panginoong Jesus, at kayo naman ay bibigyan din ng karangalan ayon sa kagandahang-loob ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo” (2 Tesalonica 1:12).

Ito ang nakapagtulak kay Pablo upang makapamuhay na walang kapintasan: Siya ay nanibugho para sa kaluwalhatian at pangalan ni Jesus! Alam niya na ang lahat ay kailangang maitatag sa ganoong pundasyon—sapagkat lahat ng kabutihan ng tao ay kasing dumi ng maruming basahan! Ang bagay na nakapagbubukod sa walang kapintasang paglalakad ay isang matinding pagnanasa na maparangalan ang pangalan ni Jesus sa harapan ng mga tao.

Martes, Setyembre 6, 2011

ANG KAPANGYARIHAN LABAN SA TAKOT

Kapag ako’y natatakot, O aking Diyos na dakila; sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala (Awit 56:3)

Ako’y natatakot.
Pangamba at panginginig ay nangyayari sa akin;
Ang sindak ng kamatayan ay bumagsak sa akin.

TAKOT
Sapagkat mas maraming masama sa akin kaysa sa mabuti,
Pagsisinungaling sa halip na katuwiran,
Kahinaan sa halip na kalakasan,
Katulad ako ng hilaw na olibong puno
Na walang bunga,
O, na mayroon akong pakpak na katulad ng kalapati,
Lilipad akong palayo
At para mapahinga.
Mamadaliin ko ang aking pagtakas,
Mula sa malakas na bagyo
At unos.

TAKOT
Maaring itapon ako ng Diyos
At sumpain ang berdeng punong ito,
Sapagkat dumating Siyang naghahanap ng bunga
At walang natagpuan.

TAKOT
Upang ako ay magtiwala sa Kanya.
Tatawag ako
At ililigtas niya ako.
Madidinig niya ang tinig ko.
At ililigtas ang kaluluwa ko na may kapayapaan
Mula sa labanan
Na laban sa akin.
Ibobotelya niya ang mga luha ko.
Ang Diyos ay para sa akin.
Ilalayo niya ang mga paa ko sa pagbagsak,
Upang makalakad ako sa kanyang harapan

SA LIWANAG NG MGA BUHAY

Lunes, Setyembre 5, 2011

BAKIT SINAGOT NG DIYOS ANG PANALANGIN NI DAVID!

Ipinaliwanag ni David sa atin kung bakit tinugon ng Diyos ang kanyang panalangin: “Nang nasa panganib, ako’y kanyang tinulungan, ako’y iniligtas sapagkat kanyang kinalugdan!” (Awit 18:19).

Ang kalugdan dito ay nangangahulugan ng “ang malugod o magalak,” Sinasabi ni David, “Dala ko ay kaluguran sa Diyos. Iniligtas niya ako sapagkat nalugod siya sa akin!” At, minamahal, nalulugod siya sa iyo at sa akin din!”

Nakita mo, tayo na nananalig sa Panginoon ay kanyang mga banal na Zion, ang Kanyang banal na mga labi, ang labi ay nangangahulugan, “yaong mga tumatawag sa Panginoon na may dalisay na puso.” Sila ay yaong mga tinawag sa kaharian ng Kristiyano na lubos na tapat kay Jesus.

Sa mga tinawag sa Zion, sinabi ng Diyos; “Ikaw ay magiging magandang korona sa kamay ni Yahweh, isang maharlikang putong na hawak ng Diyos. Hindi ka na tatawaging ‘Pinabayaan,’ at ang lupain mo’y hindi na rin tatawaging ‘Asawang Iniwanan,’ Ang itatawag na sa iyo’y ‘Kinalulugdan ng Diyos,’ at ang lupain mo’y tatawaging ‘Maligayang Asawa,’ sapagkat si Yahweh ay nalulugod sa iyo, at ikaw ay magiging parang asawa sa iyong lupain” (Isaias 62:3-4).

Bakit ang Diyos ay dumarating kapag kailangan ko siya, handang iligtas ako? Ito ay sapagkat nalulugod siya sa akin! Ako ay kagalakan sa kanya at masaya siya sa aming pagkakaibigan!

Isang pinahahalagahang nakababatang lalaki ay minsang sinabi sa akin: “Hindi ako ganap na kumbinsido na ako ay ganap na tinanggap ng Panginoon. Madalang kong madama na ako sapat na para sa Diyos—katulad nang hindi ko matapatan ang pamantayan niya. Madalas kong pinagsisikapan na payapain siya sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti sa iba.”

Maraming Kristiyano ay ganito ang nadarama! Sa maraming taon marami akong nakilalang mga matatandang Kristiyano na walang kasiguruhan sa Panginoon. Ang nadarama nila ay sila ay hindi karapat dapat, marumi, walang nagmamahal. Hindi sila naniniwala na sila ay kaluguran sa puso ng Diyos, kaya’t patuloy nilang sinusubukan ang iba pa para sa buhay nila upang malugod Siya. Kapag nabigo sila sa isang bagay, gagawa sila ng tatlong bagay pa sa ibang paraan para magalak ang Diyos.

Minamahal, hindi nararapat ito! Kapag lumapit ka kay Jesus, hindi ka maaring gumawa ng bagay para maging kaaya-aya sa kanya. Hindi, siya ay nagbibigay pahalaga sa iyo sapagkat iyan Siya! Sinabi niya, “Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo nang pinsalain ng katakut-takot na balang ang inyong mga pananim. Ako ang nagpadala ng hukbong ito laban sa inyo” (Joel 2;25).

Anuman ang iyong kabiguan o pagkukulang, ang Diyos ay gagawa para sa iyo!

Biyernes, Setyembre 2, 2011

HANDA BA ANG DIYOS NA TULUNGAN AKO?

Naniniwala ka ba na ang Diyos ay agarang darating upang lutasin ang iyong suliranin?

Dito maraming Kristiyano ay bigo. Alam nila na ang Diyos ay mayroong lahat ng kanilang pangangailangan—tanggap nila na Siya ay nag-aalala ngunit hindi sila kumbinsido na agarang darating ang Diyos para tulungan sila.

Kapag ang Diyos ay hindi agad tumutugon sa kanilang mga daing, iniisip nila na may hadlang at pangsariling malalim na nakahadlang. Iniisip nila ang lahat ng dahilan kung bakit ang Panginoon ay hindi handang tulungan sila.

Sa bundok ng Carmel, inakusahan ni Elias ang paganong diyos na si Baal ng pagbabalewala sa anak:

“Mula umaga hanggang tanghali, tinawagan nila si Baal. ‘Ball, Baal, pakinggan mo kami,’ sigaw nila… ngunit walang sumasagot” (I Mga Hari 18:26).

“Nang katanghalian na’y hinamak na nila si Elias. Sabi niya, ‘Lakasan pa ninyo! Isa siyang diyos, di ba? Baka nagbubulay-bulay pa siya, o kaya’y nasa palikuran! O baka naman may pinuntahan lang. O baka natutulog kaya’t kailangang gisingin!’ Lalo na nilang inilakas ang kanilang sigaw. Hiniwaan pa nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng kutsilyo at punyal tulad ng kanilang kaugalian hanggang sa maging duguan sila…. Ngunit wala pa ring tinig o anumang sagot” (1 Mga Hari 18:27-29)..

Pakinggang muli ag mga salitang ito: “Ngunit wala pa ring tinig… o anumang sagot.”

Ganito natin inakusahan ang Diyos ng pagbabalewala sa anak! Nanalangin tayo. Dumaing tayo ng malakas sa Diyos, ngunit sinunod pa rin natin ang ating sarili na hindi niya tayo nadinig! Lumayo tayo sa presensiya ng Panginoon—palayo sa simbahan, palayo sa lihim na silid—iniisip kung tayo ba’y binigyan niya ng pansin!

Ang Panginoon ay laging handa na makinig at tugunin ang ating mga daing ng tulong. Gusto ko kung ano ang sinabi ni David sa kanya: “Magpapatawad ka at napakabuti; sa dumadalangin at sa nagsisisi, ang iyong pag-ibig ay mananatili… Dumarating ako kapag mayro’ng bagabag, iyong tinutugon ang aking pagtawag” (Awit 86:5,7).

Sinabi ni David, “Ang aking Diyos ay handa na tugunin sko sa sandaling ako ay dumaing sa Kanya! Hindi ako tumitigil at pinag-iisipan ang aking pightai, hindi ako nagdadalamhati tungkol dito o pag-isipan pa ito. Dumudulog ako sa aking Panginoon at dumadaing, ‘Saklolo!’”

Iyan lamang ang hinihintay ng Diyos—ang iyong makadurog pusong daing, salita na may pananampalataya na parang bata!

Huwebes, Setyembre 1, 2011

NAKIKITA BA NG DIYOS ANG AKING MGA PINAGDADAANAN—MAY MALASAKIT BA SIYA?

Itinanong ng Diyos, “Tunay bang naniniwala ka na lubos kong nakikita ang iyong pinagtitiisan ngayon?” Marahil habang binabasa mo ito, ikaw ay may pinagdadaanan na nangangailangan na siya ay kumilos para sa iyo. Ang pinaka likas ng iyong suliranin ay humihingi ng katugunan.

Minamahal, naniniwala ka ba na nagmamasid ang Diyos sa bawat kilos mo, bilang ama sa kanyang sanggol na anak? Alam mo ba sa puso mo na kanyang ipinapaliwanag ang bawat laman ng iyong isipan? Naniniwala ka ba na siya ay kumikilos—inilalagay sa sisidlan ang bawat luha, naririnig ang bawat buntong hininga, nagbabantay sa iyo, nagmamahal at nag-aalala para sa iyo?

Ipinapaliwanag ng Bibliya na iyan ang kanyang ginagawa!

“Mga mata ni Yahweh, sa mat’wid nakatuon, sa kanilang pagdaing, lagi siyang tumutugon… agad dinirinig daing ng matuwid; inilligtas sila sa mga panganib” (Awit 34:15, 17).

“Nagmamasid si Yahweh sa buong daigdig upang tumulong sa lahat ng tapat sa kanya” (2 Cronico 16:9).

Naniniwala ka ba na ang Diyos ay ganap, lubos na alam ang bawat laman ng iyong isipan, dalamhati, dusa, pagsubok, pananalapi, dalahin, suliraning pamilya—at nais niyang makita ka na malampasan mo ang lahat ng ito?

Sinabi ng mang-aawit sa atin, “Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya, gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya” (Awit 103:13).

Ang salitang Hebreo para sa habag ay nangangahulugan na “para maglambing, para yakapin, umibig, mahabagin.” Sinasabi ng Kasulatan niyayakap ng Panginoon sa kanyang mga kamay ang mga may takot sa kanya. Niyayakap ka ng Diyos, hinihipo niya ang iyong mga pisngi, hinahawakan ka niya. sinasabi niya, “Alam ko ang nasa isipan mo, ang iyong alalahanin, ang bawat pakikipaglaban na iyong hinaharap at inaalala kita!” Anuman ang iyong pinagdadaanan, anuman ang iyong nararamdaman, nakikita lahat ito ng Panginoon! Nadarama niya ang bawat sakit. Alam niya ang bawat kilos na ginagawa mo—lahat ng sinasabi mo at ginagawa.

Hindi nagagalit ang Diyos sa iyo ngayon. Hindi! Pinapahalagahan ka niya, niyayakap, may pagmamahal na iniisip ka niya. Alam niya kung ano ang nadarama mo—at inaalala ka niya! sinasabi niya, “Oo, dumadaan ka sa mabigat na pagsubok; tinutukso ka at hinahagis-hagis. Ngunit anak kita at hindi ko papayagan ang kalaban na bitagin ka, titiyakin ko na malalampasan mo lahat ito!”