Miyerkules, Hunyo 30, 2010

SIGE AT TUMANGIS KA

Kapag labis kang nagdurusa—pumunta ka sa iyong lihim na silid at itangis mo ang lahat ng iyong kawalan ng pag-asa!

Tumangis si Hesus. Tumangis si Simon-Pedro ng mapait! Dala-dala ni Simon-Pedro ang kirot ng pagtatwa niya sa kaisa-isang anak ng Diyos. Ang mga mapait na luhang iyon ay nagdulot sa kanya ng isang matamis na himala. Bumalik siya upang yugyugin ang kaharian ni Satanas.

Hindi kailanman tumatalikod si Hesus sa tumatangis na puso. Sinabi niya, “Ang handog ko O Diyos na karapat-dapat, ay pakumbaba’t pusong mapagtapat” (Awit 51:17). Hindi minsan man sasabihin ng Panginoon, “Magpakatatag ka! Tumayo ka at inumin ang iyong gamot! Kagatin mo ang iyong mga ngipin at patuyuin ang iyong mga luha.” Hindi! Itinatago ni Hesus ang bawat patak ng luha sa kanyang walang-hanggang sisidlan.

Nagdurusa ka ba? Mabigat ba? Kung ganoon sige at tumangis ka! At magpatuloy ka sa pag-tangis, hanggang sa tumigil ang pagpatak ng luha. Ngunit hayaang manggaling lamang ang mga luhang iyong sa pagdurusa—at hindi sa kawalan ng pananalig o pag-kaawa sa sarili.

Magpapatuloy ang buhay. Mabibigla ka kung gaano ang makakayanan mo kasama ang tulong ng Diyos. Ang kaligayahan ay hindi ang mamuhay ng walang kirot o pagdurusa. Ang tunay na kaligayahan ay ang matutunan ang mabuhay ng bawat isang araw, na kahit na may dalamhati at pagdurusa. Ito ay matutunan kung paano magalak sa Panginoon, anuman ang nangyari sa nakalipas.

Maaring madama mong ikaw ay tinanggihan. Ang pananalig mo ay maaring nanghihina. Maaring isipin mo na ikaw ay bagsak sa pagbibilangan. May mga panahon na ang dalamhati, mga luha, kirot at kahungkagan ay maaring lamunin ka, ngunit ang Diyos ay nananatili sa trono. Siya pa rin ang Diyos!

Hindi mo matulungan ang sarili mo. Hindi mo mapigilan ang kirot at pagdurusa. Ngunit ang ating pinagpalang Panginoon ay darating sa iyo, at ilalagay niya ang kanyang mapagmahal na kamay sa ilalim mo at bubuhatin ka para maupong muli sa malalangit na lugar. Ililigtas ka niya sa takot ng kamatayan. Ipapahayag niya ang kanyang walang-hanggang pag-ibig sa iyo.

Tumingin sa taas! Hikayatin ang sarili sa Panginoon. Kapag napapalibutan ka ng ulap at hindi mo makita ang daan palabas sa iyong mga suliranin—humiga sa mga kamay ni Hesus at manalig sa kanya. Nais niya ang iyong pananalig—ang iyong pagtitiwala. Nais niyang tumangis ka ng malakas—“Iniibig ako ni Hesus! Kasama ko siya! Hindi niya ako bibiguin! Kumikilos siya sa lahat sa mga sandaling ito! Hindi ako iwawaksi! Hindi ako magagapi! Hindi ako magiging biktima ni Satanas! Nasa tabi ko ang Diyos! Iniibig ko siya—at iniibig niya ako!”

Ang kalalabasan ay ang pananalig. At ang pananalig ay nakasalalay dito sa isang tiyak: “Wala nang sandatang gagamitin sa iyo, at masasagot ang anumang ibintang sa iyo…” (Isaias 54:17).

Martes, Hunyo 29, 2010

ANG SINUKAT NA KALUWALHATIAN NG DIYOS

“At idinugtong pa niya…Unawin ninyong mabuti ang inyong naririnig. Ang panukat na ginamit ninyo ay siya ring gagamitin sa inyo ng Diyos—at higit pa. Sapagkat ang mayron ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa” (Marcos 4:24-25).

Alam ni Hesus na ang mga salitang ito ay maaring kakaiba sa pandinig ng mga hindi espirituwal, kayat sinundan niya ang kanyang mensahe sa pagsasabi ng ganito, “Ang may pandinig ay makinig” (Marcos 4:23). Sinasabi ni Hesus sa atin, “Kung ang puso mo ay bukas sa Espiritu ng Diyos, mauunawaan mo ang mga sasabihin ko sa iyo.”

Ano, talaga, ang tinutukoy ni Hesus sa mensaheng ito? Ipinapahayag niya ang kaluwalhatian ng Diyos sa mga buhay natin—at iyon ay ang ipinakikitang presensiya ni Kristo. Sa madaling sabi, sinusukat ng Panginoon ang kanyang maluwalhating presensiya sa ibat-ibang halaga, kung ito man ay sa mga iglesya o sa bawat isa. Ang iba ay hindi nakakatanggap ng kanyang kaluwalhatian. Gayunman, ang iba ay nakakatanggap ng patuloy na dumadaming sukatan, na nanggagaling mula sa mga buhay at mga iglesya sa padami ng padaming halaga.

Ipinangako ng Diyos na pupuspusin niya ng kanyang Espiritu ang kanyang mga tao sa mga huling araw na ito. Sa katunayan, lahat ng Kasulatan ay tumutukoy sa tagumpay, puno ng kaluwalhatiang mga iglesya sa pagtatapos ng panahaon. Sinabi ni Hesus na ang pasukan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa iglesya. Hindi tayo pipilay-pilay patungo sa langit—bugbog-sarado, nalulumbay, humihikbi, talunan, nawalan ng pag-asa. Hindi—ang ating Panginoon ay magdadala ng malakas na kapangyarihan sa kanyang iglesya. Ang kapangyarihang ito ay hindi basta ipakikita sa mga senyales at mga kababalaghan. Ito ay ipapahayag sa kanyang mga tao—sa maluwalhating pagbabagong-anyo ng mga puso na hinipo ng Espiritu ng Diyos.

Paano natin makakamit ang dakila, patuloy na lumalagong panukatan ng kaluwalhatian ni Kristo? Sinabi ng maliwanag ni Kristo sa atin: “Ang panukat na ginamit ninyo ay siya ring gagamitin sa inyo ng Diyos” (Maros 4:24). Sinasabi ni Hesus, “Ayon sa ibinahagi ng sarili mo na ipinagkaloob mo sa akin, ay siya ring ibabahagi ko sa iyo. Haharapin kita sa paraan na katulad ng pakikiharap mo sa akin. Anumang panukat ang gamitin mo sa akin, ay siya ring panukat na gagamitin ko sa iyo.”

Kung ang sukatan na ibinigay mo sa Diyos ay pagka-batugan at katamaran—binabale-wala ang kanyang dakilang gawain—ikaw ay bibigyan ng espiritu ng tulog. “Ang taong tamad ay laging nakatihaya, kaya’t siya’y magugutom, walang panlagay sa sikmura” (Kawikaan 19:15). Ang kalalabasan, ang iyong espiritu ay magugutom, hindi kailanman makukuntento.

Ang pag-ibig, kahabagan at grasya ng Diyos ay walang katapusan. Ang usapin dito ay hindi ang pagkakamit ng pag-ibig, kahabagan o grasya—kundi ang magkaroon ng pagpapala ng kaluwalhatian sa ating mga buhay.

Payak na ipinaliwanag ni Hesus na sinukat niya sa magkakaibang halaga ng kanyang kaluwalhatian sa atin, ayon sa kung paano niya sinukat ang puso niya sa kanya. Ang ating bahagi ay upang payak na lumapit ng husto sa kanya—sa ating pagsamba, pagsunod at pagsisikap.

Lunes, Hunyo 28, 2010

KAPAG NASAKTAN KA

Sa isang kalagayan, kahit paano, tayo ay nagdurusa. Ang bawat tao sa sanlibutan ay dumadanas ng kanya-kanyang dalahin ng kagipitan.

Kapag ikaw ay may matinding pagdurusa, walang sinumang tao sa sanlibutan ang makapipigil sa takot na panloob at malalim na pagtitiis. Hindi ang matalik na mga kaibigan ang makakaunawa sa pakikipaglaban na pinagdadaanan mo o sa sugat na idinulot nito sa iyo.

Mayroon bang pamapahid para sa biyak na puso? Mayroon bang lunas para doon sa malalalim na kirot na panloob? Maibabalik ba ang mga pira-piraso na mabuo muli at mapalakas muli ang puso? Oo! Sigurado! At kung hindi, kung ganon ang Salita ng Diyos ay isang panlililang lamang at ang Diyos ay nagsisinungaling. Hindi maaring mangyari iyon!

Hindi ipinangako ng Diyos sa iyo ang isang buhay na di daranas ng kirot. Ipinangako niya sa iyo “ang daan ng pagtakas.” Ipinangako niya na tutulungan ka na dalhin ang iyong kirot. Lakas ang ibibigay para muling makatayo ka kapag nanghina ka at matutumba.

Sinabi ng mapagmahal nating Ama, “Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na di dinanas ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipinahihintulot na kayo’y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon” (1 Corinto 10:13).

Ang inyong Amang nasa langit ay may matatag na matang nagbabantay sa inyo. Ang bawat kilos ay minamatyagan. Bawat patak ng luha ay iniipon sa botelya. Kasama mo siya sa bawat kirot na dinadanas mo. Nadarama niya ang bawat kirot. Hindi niya papayagan na malunod ka sa iyong sariling mga luha. Hindi niya papayagan na manghina ang iyong isipan dahil sa kirot. Ipinangako niya na darating siya sa tamang sandali, upang punasan ang iyong mga luha at bigyan ka kaaliwan sa iyong pagdadalamhati.

Mayroon kang kakayahan na aliwin ang iyong puso at magbunyi at magalak sa Panginoon. Ang mata ng Diyos ay nasa iyo—at inutusan niya tayong tumayo at pagpagin ang lahat ng kinatatakutan na nagdudulot ng pagdududa.

Biyernes, Hunyo 25, 2010

ANG LAHAT NG GRASYA NA KAILANGAN UPANG MANAIG

Madalas nating naririnig na ang grasya ay ipinaliwanag bilang di-makatarungan at pagpapala ng Diyos. Ngunit naniniwala ako na ang grasya ay higit pa dito. Sa aking palagay, ang grasya ay ang lahat na bilang si Kristo sa atin sa panahon ng ating pagdurusa—kapangyarihan, lakas, kabutihan, kahabagan, pag-ibig—upang manaig sa ating mga kaguluhan.

Sa aking pagtanaw sa nakalipas na mga taon—mga taon ng matitinding pagsubok, paghihirap, tukso at kaguluhan—mapapatotoo ko na ang grasya ng Diyos ay sapat na. Alam ko kung ano ang magtanong sa Diyos habang ang asawa ko ay nagdurusa sa sakit na kanser ng paulit-ulit, at maging ang dalawa naming anak na babae ay nagdanas din ng ganito. Ngayon sila ay malulusog at malalakas at dahil doon nagpapasalamat ako sa Panginoon. Alam ko rin kung paano sampalin ng mensahero ni Satanas. Ako’y malungkot na tinukso at hinikayat at ako’y mayroong mga kalaban sa buong paligid ko. Ako’y siniraan ng mga usap-usapan, inakusahan ng mali, at iniwasan ng mga kaibigan. Sa panahon ng mga kadilimang iyon, ako’y lumuhod at tumangis sa Diyos.

Ang kanyang grasya ang nagligtas sa akin sa mga ito. At iyon ay sapat na para sa araw na ito. At pagdating ng panahon ng kaluwalhatian, ang aking Ama ay ipapahayag ang maganda niyang layunin para sa akin. Ipakikita niya kung paano ko makakamit ang pagka-matiisin sa gitna ng aking mga pagsubok; paano ko matutunan ang mahabag para sa iba; paanong ang kanyang lakas ay maging perpekto sa aking kahinaan; paano ko malalaman ang kanyang ganap na katapatan para sa akin; kung paano ako masabik na maging kawangis ni Kristo.

Maari pa rin nating tanungin bakit—gayunman ito ay nananatiling misteryo. Ako’y handang tanggapin ito hanggang dumating si Hesus sa akin. Hindi ko nakikita ang katapusan ng aking mga pagsubok at paghihirap. Nasa akin ito sa loob ng limampung taon na ng aking ministeryo ngayon, at patuloy na bumibilang.

Gayunman, sa gitna ng lahat ng ito, ako’y binibigyan pa rin ng patuloy na lumalaking sukat ng lakas ni Kristo. Sa katunayan, ang dakilang pahayag ng kanyang kaluwalhatian ay dumating sa mga pinakamatinding panahon ng aking paghihirap. Kahalintulad, sa pinakamababang punto ng iyong kalagayan, palalayain ka ni Kristo sa pinakapunong sukat ng kanyang lakas.

Maaring hindi natin maunawaan ang ating paghihirap, kagipitan at kahinaan. Maaring di natin malaman kung bakit ang ating panalangin ng pagpapagaling ay hindi sinasagot. Ngunit hindi natin dapat malaman kung bakit. Ang Diyos ay sinagot na tayo: “Nasa iyo ang grasya ko—at, minamahal kong anak, iyan lamang ang kailangan mo.”

Huwebes, Hunyo 24, 2010

LUMABAN AT LALAYO SIYA

Tinukso ni Satanas si Hesus ng ganitong alok: At sinabi ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito, kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin” (Mateo 4:9). Ito ay isang kakatwa, labis na katawa-tawa, paano ito masasabi na isang tukso? Sa maniwala o hindi, ito ay isang makapangyarihan, nakaka-akit na tukso. Hinamon ni Satanas si Hesus, sa pagsasabing, “Ipinapangako ko na kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin, titigilan ko na ang pakikipaglaban. Isusuko ko ang lahat ng aking kapangyarihan para sa lahat ng ito. Hindi ko na sasalukuban o aalipinin ang sinuman. Alam ko na iniibig mo ang sangkatauhan sapat na upang sumpain ng Diyos para sa kanilang kapakanan. Kayat ano pa hinihintay? Maari mo nang isakripisyo ang sarili mo ngayon, at palayain ang sanlibutan mula sa mga sandaling ito.”

Bakit nagkukusang isuko ng diyablo ang kanyang kapangyarihan para dito? Sinusubukan niyang iligtas ang sarili niya. Alam ni Satanas na ang kanyang tiyak na patutunguhan ay nakasalalay sa Kalbaryo. Kayat kung mapipigilan niya si Hesus na matuloy sa krus, maaring mailigtas niya ang kanyang sarili sa ganoong tadhana.

Maaring nagtataka ka, “Paano ito maihahanlitulad sa akin?” Patuloy pa ring tinutukso ni Satanas ang mga makatuwiran ng kahalintulad na alok. Dumarating si Satanas sa atin ng may pananakot at akusasyon. Sinasabi niya sa atin, “Hindi mo kailangang sambahin ako—sapagkat ako ay may daanan patungo sa iyo. Alam ko ang lahat ng kahinaan mo. Kaya, humayo ka at magpatotoo tungkol sa iyong kalayaan na kay Kristo. Sa sandaling ito inaawit mo ang iyong pinakamalakas na pagpupuri, kaya kong saklawan ang iyong isip ng masasama. Ipamumukha ko sa iyo ng matindi ang iyong kasalanan, na mawawalan ka ng pag-asa na makalaya. Wala kang lakas.”

Paano natin sasagutin ang mga akusasyon ni Satanas sa atin? “Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan niya kayo” (Santiago 4:7). Hindi mahalaga kung gaano kadami ang tukso na ipupukol ng diyablo sa iyo. Hindi mo kailangang katakutan ang mga dati mong kasalanan. Kung ito ay nahugasan na ng dugo ni Kristo, kung ganon ay wala nang magagawa ang diyablo para maihiwalay kayo sa Ama.

Miyerkules, Hunyo 23, 2010

KAPAG DUMATING ANG PAGTATANONG

Doon, apatnapung araw at apatnapung gabing nag-ayuno si Hesus, at siya’y nagutom. Dumating ang manunukso at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang anak ng Diyos, gawin mong tinapay ang batong ito” (Mateo 4:2-3).

Sa sandaling iyon na kung saan si Hesus ay pisikal na nanghihina, dala ng diyabo ang una niyang panunukso.

Walang kasalanan kung nagugutom. Kaya, ano ang usapin dito? Hinahamon ng diyablo si Hesus: Kung ikaw ay tunay na Diyos, kung ganon ay nasa iyo ang kapangyarihan ng Diyos. At sa sandaling ito, ikaw ay nasa mahirap na kalagayan. Bakit hindi mo gamitin ang kapangyarihan na ibinigay ng Diyos upang iligtas ang sarili mo? Hindi ba’t ibinigay niya sa iyo ang kapangyarihang ito upang tingnan kung gagamitin mo ito ng tama?”

Narito ang pinaka mapagpahamak na mga tukso na hinaharap ng mga tunay na makadiyos na mga tao. Katulad ng iyong halimbawa, Hesus, mayroon kang damdamin para sa Diyos. Inilagay mo ang puso mo na ganap na sumuko sa kanya. At pagkatapos ay dinala ka ng Panginoon sa karanasan sa ilang, at doon ay nangyari ang pagtatanong. Nagsimula kang mawalan ng giya, nag-iisip kung ano ang walang hanggang layunin ng Diyos sa buhay mo. At kapag sinubok mong manalangin at muling makamit ang tagumpay, ang panunukso ni Satanas ay lalong tumitindi ng higit pa.

Ang kalaban ay nais na kumilos ka ng hiwalay sa Ama. Sinabi ng diyablo, “Ang pagdurusa mo ay hindi galing sa Diyos. Hindi mo kailangang magdanas ng ganito. Nasa iyo ang kapangyarihan ng Diyos, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Magsalita ka lamang—palayain mo ang sarili mo. Pagbigyan mo ang pagkagutom mo.”

Ang balakin ni Satanas ay lumikha ng kabiguan ng kapangyarihan. Umaasa siya, na hindi pagbibigyan ang tangis ni Hesus para sa tinapay, kung hihingin niya ito. Kung mabibigo ang kapangyarihan ng langit, kung ganon ay maaring pagdudahan ni Kristo ang kanyang pagka-Diyos at talikuran ang kanyang walang-hanggang layunin sa sanlibutan. Pangalawa, alam ni Satanas na isinugo si Hesus upang gawin lamang ang mga ipinag-uutos ng Ama sa kanya. Kayat binalak niyang hikayatin si Kristo na sumuway dito para sa kanyang kabutihan. Sa ganoong paraan, kapag ginamit ni Hesus ang kanyang kapangyarihan para maka-iwas sa pagdurusa, maaring gawin niya ulit ito para maiwasan ang pagdurusa sa krus.

Kayat, paano sumagot si Hesus sa panunukso ng diyablo? Ngunit sumagot si Hesus, “Nasusulat, hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos” (Mateo 4:4). Sinabi ni Kristo ng may kakanyahan, “Ang pagdating ko sa sanlibutan ay hindi tungkol sa mga pangangailangan ko, paghihirap o pisikal na kaginhawahan. Dumating ako upang magbigay sa sangkatauhan—hindi upang iligtas ang sarili ko.”

Maging sa dulo ng kanyang pagdurusa, hindi nawala ang pananaw ni Hesus sa kanyang walang-hanggang layunin. At kung natutunan ng ating Panginoon ang umasa at maging mahabagin sa ating karanasan sa ilang, ganon din tayo.

Martes, Hunyo 22, 2010

PAGLALAKBAY SA ILANG

Si Dietrich Bonhoeffer, isang teologong Aleman, ay inilarawan ang Kristiyano na katulad ng isang sumusubok na tumawid sa dagat ng pira-pirasong bitak ng lumulutang na yelo. Ang Kristiyano ay hindi maaring mamahinga habang tumatawid, maliban sa kanyang pananalig na siya ay dadalhin ng Diyos sa dulo nito. Hindi siya maaring tumayo ng matagal dito, kundi ay tiyak na lulubog siya. Pagkatapos ng bawat hakbang, kailangang tingnan niya ang kasunod. Sa ilalim niya ay malalim na butas at sa harap niya ay walang katiyakan—ngunit palaging nauuna ang Panginoon—matatag at tiyak! Hindi pa niya nakikita ang lupa—ngunit nadoon ito—pangako na nasa puso niya. Kayat ang manlalakbay na Kristiyano ay nakatutok ang paningin sa huling hantungan niya! Pinili kong isipin na ang buhay ay isang paglalakbay sa ilang—katulad ng mga anak ng Israel. At ang pakikipaglaban ni Haring Jehoshaphat, kasama ang mga anak ng Judea, ay ating ding pakikipaglaban (tingnan ang 2 Cronico 20). Tiyak, ito'y isang ilang; oo, may mga ahas, tuyong butas ng tubigan, lambak ng luha, mga kalabang mandirigma, maiinit na buhangin, tag-tuyot, mga bundok na hindi matawid. Ngunit kapag ang mga anak ng Panginoon ay matatag na tatayo upang makita ang kanyang kaligtasan, naglatag siya ng mesa sa ilang—umulan ng biyaya mula sa langit—pinuksa ang mga kalabang mandirigma sa pamamagitan ng sariling kapangyarihan—bumukal ang tubig mula sa mga bato, inalis ang lason mula sa kagat ng ahas—pinangungunahan sa pamamagitam ng haligi at ulap—binigyan ng gatas at pulot—at dinala sa Lupang Pangako sa pamamagitan ng mataas at makapangyarihang kamay. At nagbabala ang Diyos na sabihan ang bawat padating na saling-lahi: Sinabi sa akin ng anghel ang ipinasasabi ni Yahweh: "Ang tagumpay ay hindi makakamit sa pamamagitan ng lakas o kapangyarihan kundi sa aking tulong lamang" (Zacarias 4:6).

Tigilan na ang pananaw sa maling patutunguhan para sa tulong. Magtungo ng nag-iisa kasama si Hesus sa lihim na lugar; sabihin ang lahat ng gumugulo sa iyo. Sabihin sa kanya na wala ka nang patutunguhang iba. Sabihin sa kanya na siya lamang ang pinagtititwalaan mo na magliligtas sa iyo. Matutukso na gawin ang mga bagay sa sarili mong pamamaraan. Nanaisin momg alamin ang mga bagay sa pangsarili mong pamamaraan. Mag-iisip ka kung ang Diyos ay tunay na kumikilos—walang mawawala. Sumagot si Simon Pedro: "Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan" (Juan 6:68).

Lumapit kayo sa akin at kayo ay maliligtas, kayong mga tao sa buong daigdig, walang ibang Diyos maliban sa akin" (Isaias 45:22).

"Ngunit sa ganang akin, kay Yahweh ako mananalig; hihintayin ko ang Diyos na magliligtas sa akin. Ako'y kanyang diringgin" (Mi8kas 7:7).

Martes, Hunyo 15, 2010

ANG PAGLAGO SA BIYAYA AY MAARING MAUDLOT!

Nagbabala si Pablo sa mga taga Efeso, "Hindi na tayo matutulad sa mga batang nadadala ng bawat aral, parang sasakyang-dagat na sinisiklut-siklot ng mga alon at tinatangay ng hangin" (Efeso 4:14). Maaring isipin mo, "ang bersong ito ay hindi akma sa akin. Ang aking sinimulan ay biblikong matatag. Hindi ako nadadala ng mga nauusong makabagong pangangaral ng Magandang Balita at nakatatawang pamamaraan na siyang nakagugulo sa mga tao mula kay Kristo. Ako'y malalim ang pagkakatanim at matatag sa Salita ng Diyos."

Gayunman pakinggan ang natitirang berso ni Pablo: "…nadadala…hindi na tayo malilinlang ng mga taong ang hangad ay ibulid tayo sa kamalian" (4:14). Marahil hindi ka malilinlang ng maling doktrina. Sinabi ni Pablo na maari ka pa ring madala ng naiiba pang bagay. Nagtatanong siya, "Ikaw ba'y naihagis ng mga makadiyablong balakin ng mga taong sumasalungat sa iyo?"

Ang mensahe ni Pablo ay nananawagan na suriin muli natin ang ating mga sarili: Paano mo sasagutin ang mga taong tinatawag ang sarili nilang mga kapatiran nating babae at lalaki kay Kristo, samantalang sila'y nagkakalat ng mga kasinungalingan tungkol sa atin?

Nang ipinag-utos ni Pablo, "Huwag na tayong maging parang mga bata," sinasabi niya sa atin, "Yaong mga kalaban mo—ang mga taong tsismoso at mapanirang-puri, manlilinlang, tuso at mandaraya, mapang-ilalim—sinasabi ko sa iyo, silang lahat ay mga batang rebelde. Sila'y mga baluktot at laki sa layaw. At hindi nila hinayaang kumilos ang grasya ng Diyos sa kanila. Kaya, huwag mahulog sa kanilang mga makasalanang, parang batang paglalaro."

Sa sumunod na berso, hinikayat tayo ni Pablo na magpatuloy sa paglago: "Manapa'y sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, magiging ganap tayo kay Kristo na siyang ulo" (Efeso 4:15). Sinasabi niya, "Hindi mo mapigilan ang mga pagwawalang-bahala, pananakit na ginawa sa iyo, ang mga tsismis tungkol sa iyo, ang panlilinlang at pandaraya na iniumang sa iyo. Ganunpaman, magagamit mo ang bagay na ito para lumago sa grasya. Tingnan ang mga ito bilang isang oportunidad para maging kawangis ni Kristo. Tumugon ng mahinahon, na may mapagkumbabang espiritu. Patawarin ang mga taong naiinis na gumamit sa iyo."