Miyerkules, Setyembre 30, 2009

HINDI KA PINAG-WALANG –BAHALA NG DIYOS

Isa sa pinakamabigat kong dalahin bilang pastol ng Panginoon ay, “O, Diyos, paano ko mabibigyan ng pag-asa at kaaliwan ang mga mananampalataya na mga dumadanas ng mabibigat na pasakit at pagdurusa? Bigyan mo ako ng pahayag na makapag-aalis ng kanilang pagdududa at takot. Ibigay mo sa akin ang katotohanan na makapagpapatuyo ng luha ng mga nagdadalamhati at malagyan ng awit ang mga labi ng mga walang pag-asa.

 

Ang pahayag na naririnig ko mula sa Banal na Espiritu para sa mga tao ng Diyos ay payak lamang, “Magtungo ka sa Salita ko, at manindigan sa aking mga pangako. Iwaksi mo ang iyong mga damdamin ng pagdududa.” Lahat ng pag-asa ay bunga na galing sa mga pangako ng Diyos.

Nakatanggap ako ng liham na naglalaman ng magandang buhay na paglalarawan ng mga ito. Ito ay nagmula sa isang ina na sumulat, “Ang anak kong babae ay labing-anim na taong gulang. Siya ay mayroong nabubulok na kalamnan, mga balamban, mga kasukasuan, at dumadanas ng matinding kirot sa loob ng dalawampu’t apat na oras isang araw. Nawalan ako ng anak na nagpakamatay ng dahil sa katulad na karamdaman. Siya ay dalawampu’t dalawang taon noon, pagkaraan ng siyam na taong pagdurusa, siya ay nagpakamatay. Hindi na niya makayanan ang kirot.

 

“Ang anak ko ay isang balerina at umaasa na sa darating na panahon ay papunta sa Paaralan ng Julliard sa lungsod ng Nuweba York. Ngunit nawasak ang kanyang mga pangarap nang siya maratay sa katulad na karamdaman na nagpahirap sa kanyang kapatid na lalaki. Ang sabi ng kanyang mangagamot na kung susukatin ang kirot mula 1 hanggang 10, ang kanya ay nasa 14. Ang dami ng gamot na pangpaalis ng kirot ay sisira sa kanyang bato, kaya’t hindi niya maaring inumim ang gamot.

 

“Iniibig niya ang Panginoon, at isang masayahing kasama. Isa siyang kahanga-hangang makata na ang mga isinulat ay naakda sa may labinlimang paglalathala, at siya ay isa sa mga nakatalang “Sabansaang Sino ang Sino sa mga Makata.” 

 

Sa mukha ng lahat ng ito, sa gitna ng walang humpay na pangangatal ng katawan at kaluluwa, ang inang ito at ang anak na babae ay inilagay ang pag-asa sa Salita  ng Diyos sa kanila. At ito ay nagbigay ng kapayapaan sa kanila.

 

Ang kaaway ba ay sumubok na sabihin sa iyo na ikaw ay ipinagwalang bahala na ng Diyos? Natukso ka bang isipin na ang Panginoon ay wala sa iyo? Halos isinuko mo na ba ang iyong pananalig? Pablo ang iyong pag-asa sa Salita ng Panginoon sa iyo:

 

“Hindi kita iiwan ni pababayaan man” (Hebreo 13:5)

 

“Ikaw, O Yahweh, ang tagapagtanggol ng api-apihan, sa gitna ng gulo at mga panganib ay kutang matibay; lubos ang tiwala ng kumikilala sa iyong pangalan, sapagkat wala pang dumulog sa iyo na iyong tinanggihan” (Awit 9:9-10).

Martes, Setyembre 29, 2009

CALEB

Si Caleb, na ang pangalan ay nangangahulugan ng “marahas, matatag,” ay isang uri ng Kristiyano na kumikilos ng tuluy-tuloy! Hindi siya mapahiwalay kay Hosua, isang uri ng Kristiyano, na kumakatawan sa isang patuloy na lumalakad kasama ang Panginoon.

 

Si Caleb ay ay nanggaling na ng Jordan kasama ang mga tiktik. Habang nandoon dinala siya ng Banal na Espiritu sa Hebron—“ang lupain ng kamatayan.” Sa sindak inakyat niya ang pinagpalang bundok at nilunod ng pananalig ang kanyang kaluluwa. Si Abraham at Sara ay dito inilibing, katulad ni Isaac at Jacob. Pagkalipas ng ilang taon, dito magsisimula ang kaharian ni David.  Pinahalagahan ni Caleb ang pinagpalang pook na iyon! Mula noon ninais na niyang mapasakanya ang Hebron.

 

Nasabi tungkol kay Caleb na “Sumunod siya sa akin ng buong tapat” (Mga Bilang 14:24). Hindi siya nag-atubili hanggang sa huli. Si Solomon ay nag-atubili sa mga huling taon niya at “hindi siya sumunod ng lubusan sa Panginoon.” “Walumpu’t limang taon na ako ngayon ngunit hindi pa nagbabago ang lakas ko mula nang ako’y suguin ni Moses upang tiktikan ang lupaing ito. Kaya ko pa ang makidigma at magparoo’t parito” (Josue 14:11).

 

Sa gulang na 85 si Caleb ay nakipagdigma sa kanyang pinakadakilang pakikipaghamok! “Kaya ibigay mo na sa akin ang kaburulan na ipinangako (Hebron)…” (Josue 14:12). “Binasbasan nga ni Josue si Caleb at ibinigay sa kanya ang Hebron” (Josue 14:13). Ang lupain ng Hebron ay nanatili hanggang ngayon… sapagkat naglingkod siya ng tapat kay Yahweh” (Josue 14:14).

 

Ang pahayag ay maluwalhati! Ito ay ito: Hindi sapat na mamatay sa kasalanan—na makapasok ng may kapunuan sa nakalipas. Ang pangangailangan ay ang lumago sa Panginoon hanggang sa huli! Na maingatan mo ang iyong espirituwal na kapangyarihan at lakas—ang hindi mag-atubili, “na puspusang sumunod sa Panginoon”—maging sa pagtanda! Dapat na ito’y patuloy na lumalagong pananalig.

 

Ang Hebron, ang minana ni Caleb, ay nangangahulugan “kasamang pakikipag-ugnayan.” Pakikipag-unayan sa ano? Ang sagot ay, “sa kamatayan.” Hindi lamang sa kamatayan sa kasalanan sa Jordan kundi ang mamuhay na kasama ang mga tao, ang samahan ng mga kapwa mananampalataya na may pakikipag-ugnayan sa kamatayan at muling-pagkabuhay ni Hesu-Kristo. Doon sa Hebron nagtayo ng altar si Abraham upang iaalay ang kanyang anak na lalaki at dito si Caleb at mag-anak niya nanirahan. Palagian silang nakikipag-ugnayan sa altar ng buhay na pagpapakasakit.

 

Ang buong-puso ni Caleb sa Panginoon ay nagbunga ng banal na apoy sa Diyos sa kanyang mga anak. Habang ang mga anak ng dalawa’t kalahating lipi na namumuhay sa gitnang katayuan ay tumalikod at yumakap sa sanlibutan at sa mga diyus-diyusan nito, ang mag-anak ni caleb ay lalong lumago sa Panginoon!

Lunes, Setyembre 28, 2009

MGA NASA GITNA

Yaong mga pumili na manirahan sa gitna ay mayroog pinagsasaluhan parehong mga katangian! Ang mga katangian ng dalawa’t kalahating lipi (Ruben, Gad at kalahati ng Manasseh) ay matatagpuan ngayon doon sa mga ayaw na durugin ang kanilang mga diyus-diyusan at mamatay sa sanlibutan. Ang kanilang pangalang Hebreo ang naglantad sa kanila!

 

Ang ibig sabihin ng “Ruben” ay, “Isang anak na nakakakita!” Siya ang panganay ni Jacob, ngunit nawala ang kanyang katutubong karapatan sapagkat siya ay itinulak sa makamundong pagnanasa. Nagtungo siya sa kalaguyo ng kanyang ama, at si Jacob ay, sa sandali ng kanyang kamatayan ay,nagsabi sa kanya: “Ruben… ang ama mo’y iyong hinamak… dangal ng asawa ay iyong winasak…” (Genesis 49:4). Inilarawan ni Jacob ang anak niyang si Ruben bilang “mapusok ang loob… hindi ka sisikat…” (Genesis 49:3)

 

Si Ruben ay nakatingin lamang sa sanlibutan—sa makamundong pagnananasa nito, sa mga bagay dito, sa mga kasiyahan dito. Siya ay mapusok sapagkat ang puso niya ay laging hati, at ang espiritung ito ay nagpatuloy sa kanyang angkanang darating. Narito ang isang buong lipi na nakakapit sa sanlibutan at yari ang loob na magpatuloy sa kanilang gawi.

 

Ang kahulugan ng Gad ay,”Kapalaran o kawal.” Sa madaling sabi, ang kahulugan nito ay mga bayarang kawal o nagpapaupang kawal. Sinabi ni Moses tungkol kay Gad, “Pinili niya ang pinakamainam na lupain…” (Deutoronomo 33:21). Ang liping ito ay may panlabas na pagiging masunurin, “nagpapatupad ng katarungan ng Panginoon,” ngunit ang tunay na layunin ay ang pansariling kapakanan. Si Gad ay dinadaig ng sarili niyang suliranin at ang pangangailangang “maayos ito.”

 

Ang pilosopiya ni Gad ay, “Ako’y makikipaglaban kasama ang mga hukbo ng Panginoon; susunod ako at gagawin ang lahat ng inaasahan ng Diyos sa akin. Ngunit bago ang lahat kailangan munang makuha ko ang aking pusta sa buhay ko. Kailangan ko munang matiyak na ang sarili ko at ang aking pamilya ay nasa mabuting kalagayan at sa ganon mas malaya akong makakagawa para sa Panginoon!”

 

Ang kahulugan ng Manasseh ay, “Makalimot, magpabaya.” Ito ang panganay na anak na lalaki ni Jose at dapat na natanggap niya ang katutubong karapatan. Ngunit maging noong kanyang kabataan mayroong malungkot na namumuong sariling katangian at ito ay nakita ni Jacob sa Espiritu. Na isang araw ay makakalimot sa kinagawian ng ama niyang si Jose at magpapabaya sa mga utos ng Panginoon.

 

Isaalang-alang ang mga magkahalong katangiang ito ng mga gumigitnang mga Kristiyano: di-matatag na katulad ng tubig sa espirituwal na paniniwala; hindi naging magaling sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos; malamlam, mahina sa makalamang pagnanasa; pinangungunahan ng makasariling kadamutan; nagpabaya sa Salita; hindi binigyan ng kahalagahan ang utos ng Panginoon; ginagawa ang pansariling pagnanais sa halip na magtiwala sa Diyos; pagkalimot sa mga nakalipas na pagpapala at pakikipag-isa; ayaw bumitaw sa mga ibang diyus-diyusan; binibigyang katuwiran ang sariling pagpapasiya; hindi nakahandang mamatay sa lahat ng bagay na maaring makatukso sa kanila pabalik sa gitnang kalagayan.

 

Ating alamin na naisin ang kapunuan ng Panginoon. Ang layunin ng Diyos para sa iyo ay makapasok ka sa kalagayan ng kapahingahan, kagalakan at kapayapan sa Banal na Espiritu. At iyan ang kailangan sa pagsunod sa kanya “ng buong puso, ng buong kalakasan.”

Biyernes, Setyembre 25, 2009

ANG MAGING NA KAY KRISTO

“Magpasalamat tayo sa Diyos at Amang ating Panginoon Hesu-Kristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo” (Efeso 1:3). Sinasabi ni Pablo sa atin, “Lahat ng sumusunod kay Hesus ay biniyayaan ng espirituwal na pagpapala sa makalangit na kalagayan, na kung nasaan si Kristo.” Isang di-kapani-paniwalang pangako sa mga tao ng Diyos.

 

Ang pangako ay mistulang salita lamang kung hindi natin alam kung ano ang mga espirituwal na pagpapalang ito. Paano natin matatamasa ang mga pagpapala na ipinangako ng Diyos sa atin kung hindi natin maunawaan ang mga ito?

 

Isinulat ni Pablo ang kalatas na ito “sa mga tapat kay Kristo-Hesus” (1:1). Ito ang mga mananampalataya na nakatitiyak ng kanilang kaligtasan. Ang mga taga Efeso ay mahusay na sinanay sa Mabuting Balita tungkol kay Hesu-Kristo at sa pag-asa ng walang-hanggang buhay. Alam nila kung sino sila kay Kristo, ay binigyan ng katiyakan sa kanilang makalangit na kalagayan sa kanya.

 

Ang mga “matapat na ito” ay lubos na nauunawaan na “Ang muling bumuhay kay Kristo at nagluklok sa kanya sa kalangitan, sa kanan ng Diyos” (1:20). Alam nila na sila ay pinili ng Diyos mula pa “At sa atin ngang pakikipag-isang ito,hinirang niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya, dahil sa pag-ibig sa Diyos” (1:4).

 

Marami ang pinatawad, nilinis at tinubos na mga tao na namumuhay sa pagdurusa. Hindi sila nagkaroon ng damdamin ng kapunuan kay Kristo. Sa halip, patuloy silang nagtutungo mula sa tuktok patungo sa lambak, mula sa mataas na espirituwal na damdamin patungo sa masidhing pagkalumbay. Paano nangyari ito? Sapagkat marami ang hindi nalampasan ang Tagapagligtas na ipinako sa muling nabuhay na Panginoon na nabuhay sa kaluwalhatian.

 

Sinabi ni Hesus sa mga disipulo, “Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan. Ngunit ako’y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako, at mabubuhay rin kayo. Malalaman ninyo sa araw na yaon na ako’y sumasa-Ama, kayo’y sumasaakin, at ako’y sumasainyo” (Juan 14:19-20). Tayo ngayon ay nabubuhay sa “panahong iyon” na siyang sinabi ni Hesus at dapat nating maunawaan ang ating makalangit na kalagayan kay Kristo.

 

Ano ang ibig sabihin ng paglalarawan ng, “ating kalagayan kay Kristo”? Ang kalagayan ay kung saan ang isa ay inilagay, kung nasaan ang isa.” Tayo ay inilagay ng Diyos kung nasaan tayo, ito ay kay Kristo.

 

Bilang kapalit, si Kristo ay nasa Ama, nakaupo sa kanang kamay niya. Doon, kapag tayo ay na kay Kristo, kung ganon ay tayo ay tunay na nakaupo kasama si Hesus sa silid ng trono, na kung nasaan siya. Ibig sabihin tayo’y nakaupo sa presensiya ng Makapangyarihan. Ito ang ibig ipakahulugan ni Pablo nang sinabi niya na tayo ay pinaupo “dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo Hesus, tayo’y muling binuhay na kasama niya pinaupong kasama niya sa kalangitan”(Efeso 2:6). Oo,si Hesus ay nasa paraiso. Ngunit ang Panginoon ay nananahan din sa inyo at sa akin. Ginawa niya tayong templo dito sa sanlibutan, ng kanyang pinaninirahan.

Huwebes, Setyembre 24, 2009

ANG MUKHA NG DIYOS

“Isang bagay lamang ang aking mithiin, isang bagay itong kay Yahweh hiniling” (Awit 27:4). Alam ni David na mayroong higit na kailangan para makilala ang Diyos; naramdaman niya na mayroong bagay sa Panginoon na hindi pa niya nakuha, at hindi siya magpapahinga hanggang hindi niya nakukuha iyon. Sinabi niya,sa maikli, “Mayroong kagandahan, kaluwalhatian, kasiglahan tungkol sa Panginoon na hindi ko nakita sa buong buhay ko. Nais kong malaman kung paano magkaroon ng patuloy na walang patid na pakikipag-isa sa aking Diyos. Nais kong ang buhay ko ay maging buhay na dalangin. Isang bagay na magdadala sa akin sa nalalabi ko pang mga panahon.

 

Ang mukha ng Diyos ay kawangis niya, kanyang pagbubulay-bulay. Sa kasagutan sa daing ni David na magkaroon ng kapalagayang-loob sa kanya, sinabi ng Diyos (Awit 27:7), “Lumapit sa akin.” Ang sagot ni David ay, “Panginoon, nang sinabi mong, ‘Lumapit sa akin,’ tumalon ang puso ko sa pagsagot. ”Ang paanyaya mo’y,’Lumapit sa akin.’ Huwag kang magkukubli’t kita’y hahanapin” (Awit 27:8).

 

Sa kanyang pagsagot, ipinahayag ng Panginoon paano bibigyan ng kasiyahan ang kanyang pangungulila: Sa pagmamapuri ng Diyos para sa kanyang sariling buhay. Inuutusan niya si David,”Pag-aralan mo ako. Hanapin mo ang Salita ko at manalangin ng pang-unawa sa pamamagitan ng Espiritu, upang ikaw ay maging kawangis ko. Nais kong ang buhay mo ay ipagmapuri ang kagandahan ko sa sanlibutan.”

 

Hindi ito isang pagtawag lamang sa panalangin; si David ay nanalangin na ng pitong ulit sa buong maghapon. Sa katunayan, ang panalangin ni David ay ang lumikha ng kanyang masimbuyong damdamin para sa kanya na makilala ang Panginoon. Hindi, ang pagtawag mula sa Diyos ay ang pagkasabik sa uri ng pamumuhay na tunay na nagpapakilala kung sino si Hesus.

 

Kung titingnan mo, sa Kalbaryo, ang Diyos ay nagmukhang tao. Si Hesus ay bumaba sa sanlibutan bilang tao. Ang Diyo sa katawang lupa. At ginawa niya ito upang madama niya ang sakit na ating nadadama, ang tuksuhin at subukan, katulad natin, at ipakita sa Ama. Ang Kasulatan ay tinawag si Hesus na isang malinaw na larawan (ang pakahulugan ay wastong kawangis) ng Diyos. Siya ang katulad na may kakanyahan at diwa ng Diyos Ama (tingnan ang Hebreo 1:3), ang katulad na “inukit na bahagi.” Sa madaling sabi, siya ay, “katulad ng” Ama sa lahat ng bagay.                                          

 

Sa mismong araw na ito, si Hesu-Kristo ay ang mukha, ang wastong kawangis, ng Diyos sa lupa. At dahil sa kanya, tayo ay mayroong walang pagkaputol na pakikipag-isa sa Ama. Sa pamamagitan ng Krus, mayroon tayong karapatan na “makita ang kanyang mukha,” ang mahipo siya. Maari tayong mamuhay katulad niya, sumasaksi, “Wala akong ginagawa maliban sa nakikita ko at naririnig mula sa kanya.”

 

Ngayon, kapag sinabi ng Diyos, “Lumapit sa akin,” ang kanyang salita ay may makapangyarihang kahulugan ng higit pa sa anumang sandali ng kasaysayan. Sa lahat ng mga nangyayari sa ating kapaligiran, paano tayo sasagot? Noong si David ay napaliligiran ng mga punong abala na mga sumsamba sa mgadiyus-diyusan, sinabi ng Diyos, “Lumapit ka sa akin.” At ginawa natin na may isang layunin: na tayo ay maging kawangis niya! Na tayo ay maging malinaw na larawan  niya, upang yaong mga tunay na naghahanap sa kanya ay makita siya sa atin.

Miyerkules, Setyembre 23, 2009

MALAYO SA KUKO NG LEON

Ito ay makabubuti sa atin na sabihin ng Diyos sa atin na dapat nating alalahanin. Ang paggunita ng ating nakalipas na pagkakasagip ay makakatulong para lumago ang ating pananalig para sa mga pinagdadaanan natin ngayon.

 

Ikaw ba ay humaharap sa kagipitan? Mayroon ka bang nagbababalang higanteng suliranin, sa tahanan, sa trabaho, o sa iyong pamilya? Ang tanging paraan sa pagharap sa isang higante ay gawin ang ginawa ni David: Naaalala mo ba ang leon at ang oso. Ganon kung paano humarap si David kay Goliat na walang takot: sa pag-alala sa katapatan ng Diyos sa kanya sa kanyang mga nakalipas na kagipitan.

 

Nang magprisinta si David para labanan si Goliat, “Sinabi ni Saul, Hindi mo kaya ang Filisteong ‘yon…At sinabi ni David, Ako po ang nag-aalaga sa kawan ng aking ama. Kapag ang isa sa mga tupang inaalagaan ko ay tinatangay ng leon at oso, tinutugis ko ito at inaagaw ang tupa… Marami na po akong napatay na leon at oso. Mapapatay ko rin po ang Filisteong iyon” (1 Samuel 17:33-36).

 

Alam ni David ang kinakaharap niyang panganib laban kay Goliat. Hindi siya isang baguhan, isang walang pakunwari na puno ng pagtatapang-tapangan at naghahanap ng away. Hindi, payak na inaalala lamang ni David ang kanyang nakalipas na pagkakasagip. At ngayon harapan siyang nakatingin sa mata ng kanyang kaaway at nagpahayag,”Ang Diyos na nagligtas sa kuko ng mga leon at ng mga oso ay siya ring magliligtas sa akin sa Filisteong iyon” (17:37).

 

Ang pulutong ng Diyos ngayon ay humaharap sa mga higante sa lahat ng paligid. Subalit marami ang nangangatog sa takot. Ito ba’y naglalarawan sa iyo? Nalimutan mo na ba na ikaw ay naglubha sa katamdaman na halos ikamatay mo, ngunit  ibinangon ka ng Panginoon? Naalala mo ba ang mabigat mong suliranin sa pananalapi na naisip mo na,”Ito na, katapusan ko na,” subalit naiahon ka ng Panginoon dito, at kinalinga niya hanggang sa ngayon?

 

Marami tayong hindi nauunawaan at hindi mauunawaan hanggang tayo ay kasama na ni Hesus. Ngunit ako ay lubos na nananalig na kayang magpagaling ng Diyos, at mayroon siyang pamamaraan palabas sa bawat kinalalagyan. Ang tanong sa atin ay, saan natin makikita ang pananalig, ang tapang, na tumayo at makamit ang tagumpay sa kanya?

 

Dumadating lamang ito kapag inaalala ang leon at oso. Dumadating ito kapag naalala ang mga kamangha-manghang katapatan ng Diyos, ang mga nakalipas na tagumpay na ipinagkaloob niya sa iyo. Kaya mong harapin ang isang higante kapag kaya mo nang ilagay sa isip mo at unawain ang kadakilaan at kaluwalhatian ng Diyos sa buhay mo. 

Martes, Setyembre 22, 2009

PINILI UPANG MAGBUNGA

“Hindi kayo ang pumili sa akin; ako ang pumili at humirang sa inyo upang tayo’y humayo at mamunga, at manatili ang inyong bunga” (Juan 15:16).

 

Maraming Kristiyano ang nag-iisip na ang magbunga ay payak na nangangahulugan  na mag-akay ng kaluluwa lamang para kay Kristo. Ngunit ang pagbubunga ay nangangahulugan ng malaki na higit pa sa pag-aakay ng kaluluwa sa kaligtasan.

 

Ang pagbubunga na tinutukoy ni Hesus ay pagiging kawangis ni Kristo. At ang pariralang “maraming bunga” ay nangangahulugan ng “ang patuloy ng paglago sa pagiging kawangis ni Kristo.”

 

Ang patuloy na paglago kay Kristo ang bood ng layunin ng ating buhay. Ito ang dapat na gitna ng ating mga gawain, sa uri ng ating pamumuhay, sa ating pakikisama. Sa katunayan ang lahat ng ating karunungan at tawag—ang ating gawain, ministeryo, at pagsaksi—ay nararapat na dito gumagalaw ang bood na layunin.

 

Kung hindi ako kawangis ni Kristo sa puso—kung hindi ako nagiging kapuna-puna na kawangis niya—ay di ko natamo ang layunin ng Diyos sa buhay ko.

 

Nakita mo, ang layunin ng Diyos para sa akin ay hindi mapupunuan ng aking ginagawa para kay Kristo. Hindi ito masusukat ng kahit ano kahit na ako ay magpagaling ng may karamdaman o makapagpalayas ng dimonyo. Hindi, ang layunin ng Diyos ay mapupunuan lamang sa akin sa pamamagitan ng kung paano ako nagiging malago para sa kanya. Na ang pagiging kawangis ni Kristo ay hindi lamang kung ano ang nagagawa ko para sa kanya kundi kung paano ako napagbago sa pagiging kawangis niya.

 

Magtungo ka sa isang tindahan ng aklat ng Kristiyano at basahin ang mga pamagat sa mga istante. Marami ay mga aklat kung paano tutulungan ang sarili na kung paano mapaglalabanan ang kalungkutan, paano magagapi ang pagkalumbay, paano matatamo ang tagumpay. Bakit ang mga ito? Sapagkat mali tayo sa lahat ng ito. Hindi tayo tinawag upang magtagumpay, upang makaiwas sa mga kaguluhan, upang maging katangi-tangi, “upang “makamit ito.”  Hindi, hindi natin matamo ang isang tunay na tawag, ang isang pagtuon, na siyang tunay na kahulugan para sa ating buhay, na maging mabunga sa pagiging kawangis ni Kristo.

 

Si Hesus ay lubos na ipinagkaloob sa Ama at iyon ang lahat sa kanya. Ipinahayag niya, hindi Ako gumagawa o nagsasabi ng kahit ano maliban sa mga sinabi sa akin ng Ama.”

 

Kaya’t nais mo bang magbunga ng “maraming bunga” na lumalago mula sa pagiging kawangis Kristo? Mapupunuan lamang natin ang layunin ng buhay natin kapag sinimulan natin na magmahal sa iba katulad ng pag-ibig ni Hesus sa atin. At lalo tayong lalago na kawangis ni Kristo habang lumalago ang pag-ibig natin sa iba.

 

“Kung paanong iniiibig ako ng Ama, gayon din naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig” (Juan 15:9). Ang kanyang utos ay malinaw at payak: “Humayo at ibigin ang iba. Ibigay sa iba ang ganap na pag-ibig na katulad ng ipinakita ko sa inyo. Lumalago tayong kawangis ni Kristo habang lumalago ang pag-ibig natin sa iba. Sa madaling sabi, ang pagbubunga ay nangyayari ayon sa pagtingin natin sa iba.

Lunes, Setyembre 21, 2009

PAGHAHANAP NG BAGONG LAKAS

Gaano kabilis nating nalimutan ang pagkakasagip ng Diyos sa buhay natin. Gaano kadali na minaliit natin ang mga himala na ginampanan niya sa ating mga buhay. Samantalang ang Kasulatan ay nagsasabi sa atin ng paulit-ulit. “Pakatandaan ang inyong pagkakasagip.”

 

Tayo ay halos katulad ng mga disipulo. Hindi nila naunawaan ang himala ni Kristo na makababalaghan na pinakain niya ang libu-libong tao sa pamamagitan lamang ng ilang piraso ng tinapay at isda. Ginawa ni Krsito ang himalang ito ng dalawang ulit, panakain ang limang libo (5000) ng isang beses at apat na libo (4000) ng sumunod. Ilang araw makalipas, kinalimutan na ng mga disipulo ang pangyayaring ito sa kanilang mga isipan.

 

Nangyari ito nang pinaalalahanan sila ni Hesus tungkol sa lebadura ng mga Pariseo. Ang akala ng mga disipulo ay sinabi ito dahil sa nalimutan nilang magdala ng tinapay sa kanilang paglalakbay. Ngunit sinagot sila ni Kristo, “Hindi pa ba kayo nakakaunawa? Nakalimutan naba ninyo nang pagpira-pirasuhin ko ang limang tinapay para sa 5,000? Ilang bakol na tinapay ang lumabis? Gayon din ang pitong tinapay para sa 4,000, ilang malalaking bakol ng tinapay ang lumabis” (Mateo 16: 9-10)?

 

Ayon kay Marcos, si Kristo ay dinaig sa madaliang pagkalimot ng kanyang mga disipulo. Sinabi ni Hesus, “Bakit ninyo pinag-uusapan na kayo’y walang dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakababatid o nakakaunawa? Hindi pa ba ito abot ng inyong isip? Wala ba kayong mata? Wala ba kayong tainga? Nakalimutan naba ninyo nang pagpira-pirasuhin ko ang limang tinapay para sa 5,000? Ilang bakol ang napuno ninyo sa mga lumabis na tinapay” (Marcos 8:17-19)?

 

Ano ang ipinahahayag ng talatang ito sa atin? Malinaw na wala isa man sa mga disipulo ang nagsaalang-alang kung ano nangyayari sa mahimalang pagpapakain na naganap. Ilarawan ninyo sa isipan ninyo na ang mga lalaking ito ay naglalakad kasama ang pulutong na ito habang dala ang mga bakol na namimigay ng tinapay at isda na mahimalang dumadami sa harapan ng mga mata nila. Iisipin mo ba na ang mga disipulong yaon ay babagsak sa mga tuhod nila at tatangis na, “Paano mangyayari ito?” Ito ay kagila-gilalas. Ito ay lubos na hindi abot ng paliwanag na pantao. O Hesus, ikaw ay tunay na Panginoon.” Naiisip ko sila na hinihikayat ang mga tao na kanilang sinilbihan, “Dito, magpista kayo sa mahimalang pagkain, ipinadala mula sa kaluwalhatian. Si Hesus ang nagbigay nito.”

 

Nakita ng mata ng mga disipulo ang himalang ito, gayunman, kahit paano, ang kahalagahan nito ay hidi napatatak sa isipan nila. Hindi  nila naunawaan ang mga himala at katulad noon, ikaw at ako ay nakalimot sa mga himala ng Diyos sa ating buhay. Ang kahapong pagkakasagip ay madaling nakalimutan sa gitna ng mga kaguluhan sa mga panahong ito.

 

Sa pangkalahatan ng dalawang Tipan, nabasa natin, “Alalahanin ang makapangyarihang bisig ng Panginoon, na gumawa ng himala para sa iyo. Alalahanin ang lahat ng pagkakasagip sa inyo.” Isa-alang-alang ang panghihikayat na mabuti ni Moses sa Israel pagkatapos ng himala sa Pulang Dagat: “ Sinabi naman ni Moses sa mga Israelita, alalahanin ninyo ang araw na ito ng inyong paglaya sa pagkakaalipin sa bansang Egipto; mula roo’y inilabas kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan…” (Exodo 13:3).

Biyernes, Setyembre 18, 2009

ANG HALIK NG AMA

Ang malaking pagpapala ay nagiging atin kapag tayo at pina-upo sa makalangit na kalagayan. Ano nang pagpapalang ito? Ito ang karapatan ng pagtanggap: “Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak” (Efeso 1:6). Ang “tinanggap” sa salitang Griyego ay nangangahulugan na tanging pinili. Iyan ay naiiba sa ingles na paggamit, na maaring ipakahulugan na “kainamang pagtanggap.” Ito ay pagpapahayag na maaring pagtiisan, saloobing mungkahi na “maari akong mamuhay sa ganito.” Hindi iyan ang kalagayan sa paggamit ni Pablo sa salitang iyon. Ang paggamit niya ng “tinanggap” ay may pakahulugan na, “Ang Diyos ay tanging pinili tayo. Tayo ay mahalaga sa kanya sapagkat tayo ay na kay Kristo.”

 

Sapagkat tinanggap ng Diyos ang pagpapakasakit ni Kristo, ngayon isa lamang ang nakikita niya na pinag-isang tao: Si Kristo at yaong mga nakapaligid sa kanya sa pananalig. Ang ating mga katawan ay namatay sa mata ng Diyos. Paano? Ang ating dating katauhan ay hinayaan ni Kristo sa Krus. Kaya’t ngayon kapag nakatingin ang Diyos sa atin, ang nakikita niya ay si Kristo lamang. Bilang kapalit,  kailangan na makita natin ang sarili natin kung paano tayo nakikita ng Diyos. Nangangahulugan ito na kailangang hindi lamang sa ating mga kasalanan at kahinaan natin tayo nakatigin kundi sa tagumpay na napagwagian ni Kristo para sa atin sa Krus .

 

Ang parabola ng Alibughang anak ay nagpapakita ng makapangyarihang paglalarawan ng pagtanggap na kasama nang tayo ay binigyan ng makalangit na katayuan kay Kristo. Alam ninyo ang kasaysayan: Isang nakababatang lalaki ang kinuha ang kanyang mana mula sa kanyang ama at ito ay nilustay niya sa makasalanang pamamaraan. Pagkatapos, na ang anak ay lubusang nang naghirap—sa budhi, sa damdamin at sa katawan—naalala niya ang kanyang ama. Naniniwala siya na lubusang nang nawala ang kagandahang loob at pagtangkilik ng kanyang ama sa kanya. At natatakot siya na ang ama niya ay punung-puno ng galit at poot sa kanya.

 

Ang Kasulatan ay nagsasabi na ang durog na batang lalaking ito ay punung-puno ng kalungkutan at tumatangis, “Hindi ako karapatdapat. Nagkasala ako laban sa langit.” Ito ay kumakatawan sa mga nagsisisi na may makadiyos na kalungkutan.

 

Ang alibugha ay nagsabi sa sarili: “Babalik ako sa kanya” (Lucas 15:18). Ginagampanan niya ang kanyang biyaya ng pagparoon. Nakita mo ba ang inilalarawan? Ang alibugha ay tumalikod sa kanyang kasalanan, at iniwan niya ang sanlibutan, at pumaroon siya sa bukas na pinto na ipinangako ng kanyang ama sa kanya. Lumalakad siya sa pagsisisi at itinama ang pagparoon.

 

Kaya’t ano ang nangyari sa alibughang anak? “Malayo pa’y natanawan na siya ng ama at ito’y labis na nahabag sa kanya, kaya’t patakbo siyang sinalubong, niyakap at  hinagkan” Lucas 15:20).  Isang napakandang tagpo. Ang makasalanan na anak ay pinatawad, niyakap at inibig ng ama, na walang poot o paninisi ng kahit ano. Nang tinanggap niya ang halik ng ama, alam niya na siya ay tinanggap.

Huwebes, Setyembre 17, 2009

“PAGTATALAGA” NG ATING PANANALIG

Ako ay nahikayat na ang mga tao ay nawalan ng pag-asa sapagkat sila ay nawalan ng pananalig. Marami na silang narinig na mga pangaral, marami na silang nabasang aklat, ngunit sa halos lahat nakita nila ang halimbawa nang mga durog na pananalig. Ang mga Kristiyano na minsan ay nagtataguyod ng pananalig ay nawawalan na ng tiwala sa Diyos sa gitna ng kanilang paghihirap. Kaya’t saan ngayon lilingon ang tao para sa pag-asa? Ang Espiritu ay nagwika ng malinaw na salita sa akin: “Kailangang ikapit mo ang iyong pananalig. Italaga mo ang iyong puso na magtiwala sa Diyos sa lahat ng bagay, sa lahat ng oras.”

 

Ang “pagtatalaga” ng ating pananalig ay nangangahulugan na “magpakatatag, hindi mauuga, itanim ng malalim ang ugat, lagyan ng haligi sa ilalim, lagyan ng panimula.” Sinabi ng Kasulatan na ito ay nasa ating kapangyarihan na magawa ito. Sinulat ni Santiago, “Sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan. Huwag umasang tatanggap ng anuman mula sa Panginoon” (Santiago 1:8-7).

 

Sa talatang ito, ibinigay ng Panginoon ang buong pananagutan sa mananampalataya. Sinasabi ng Diyos sa atin, na may kakaniyahan, “Kapag ang sanlibutan ay tumingin sa aking mga anak sa mga panahong ito ng pagkaligalig at pagkabalisa, kinakailangan na makita nila ang pananalig. Habang ang lahat ay nauuga, ang pananalig ang dapat na matirang matatag at di matitinag. Kaya’t, kayo, mga mananampalataya, ikapit ninyo ang inyong pananalaig. Ikaw, Kristiyano, manindigan ka sa sa isang katatayuan. At huwag mong isusuko ang paninidigang iyan.”

 

Ako’y naniniwala na hindi kailangan ng sanlibutan ngayon ang marami pang pangangaral sa pananalig. Kailangan nilang makita ang isang inilalarawang pangangaral: ang buhay ng isang lalaki o babae na ipinamumuhay ang kanilang pananalig sa sanlibutan. Kailangang makakita sila ng mga lingkod ng Diyos na dumadanas ng mga kapahamakan na kanilang kinakaharap at hindi kayang ugain nito. At doon lamang ang mga makasalanan makakaharap na may makapangyarihang patotoo ng di-matitinag na pananalig.

 

Ito ay ipinahayag ni David nang sabihin niya “Ang pagkalinga mo sa mga hinirang na nangagtiwala sa iyong pagmamahal” (Awit 31:19).Tinutukoy  niya ang buhay ng mga mananampalataya na may matatag na pagtitiwala at pananalig na siyang ilawan ng pag-asa sa mga nasa kadiliman.

 

Kapag itinalaga mo ang iyong pananalig sa pagbibigay ng iyong kabigatan at mga pagsubok kay Kristo, iiwanan ang lahat sa paanan niya at sasandal sa pananalig, ikaw ay lubos na masusubukan.

 

Minsan, nang ako ay nasa kasalukuyang nagtatalaga ng matatag na pananalig, nang tunay ko nang inilapag ang lahat ng aking kabigatan sa Panginoon, nakatanggap ako ng tawag sa telepono na may balita na nakapagpakatal sa akin. Sa ilang sandali, isang buhos ng takot ang bumalot sa akin. Ngunit mahinahong bumulong ang Banal na Espiritu, “Kumapit ka sa iyong matatag na pananalig. Huwag kang bibigay. Nasa pangangalaga ko ang lahat. Basta manindigan ka ng matatag.” Hindi ko malilimutan ang kapayapaan na bumalot sa akin sa sandaling iyon. SA pagtatapos ng araw, ang puso ko’y puspos ng kagalakan habang natuklasan ko, “Nagtiwala ako sa iyo. Hindi ako natinag. Salamat sa iyo.”