Lunes, Agosto 31, 2009

ANO ANG MAKAKALUGOD SA KANYANG GUTOM?

Sinagot ni Hesus ang kahilingan sa pananalig ng kanyang mga disipulo sa ganitong paraan. Sinabi niya sa kanila: “Ipalagay nating kayo’y may aliping nag-aararo, o nagpapastol kaya ng tupa. Pagkagaling niya sa bukid, sasabihin ba ninyo sa kanya, ‘Halika at nang makakain ka na’? Hindi! Sa halip ay ganito ang sasabihin ninyo: ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan; magbihis ka, at silbihan mo ako habang ako ay kumakain. Kumain ka pagkakain ko… Gayon din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin” (Lucas 17:7-8, 10).

 

Si Kristo ay nagpapahayag dito tungkol sa atin, sa kanyang mga alipin, at ng Diyos, ating Panginoon. Sinasabi niya sa atin na kailangan nating pakainin ang Diyos. Maaring magtaka ka, “Anong uri ng pagkain ang dapat nating dalhin para sa Panginoon? Ano makakalugod sa kanya? Sinasabi ng Bibliya sa atin, “At hindi kinalulugdan ng Diyos ang hindi nanalig sa kanya” (Hebreo 11:6). Sa madaling salita, ang kalugod-lugod na pagkain para sa Diyos ay pananalig. Iyan ang pagkain na nakakalugod sa kanya.

 

Nakita natin na ito ay inilarawan sa kalahatan ng Banal na Kasulatan. Nang may isang senturyon ang humiling kay Hesus na pagalingin ang kanyang may karamdamang alipin sa pamamagitan lamang ng isang salita, namangha  si Kristo sa masidhing pananalig ng lalaking ito. Sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo, na hindi ako nakatagpo kahit sa Israel ng ganito kalaking pananalig” (Mateo 8:10). Sinasabi ni Hesus, “Narito ang isang di mananampalataya, taga-labas, na nilulugod ang aking espiritu. Isang nakalulugod na pagkain ang pananalig ng lalaking ito ang ibinigay sa akin.”

 

Napansin ko sa salita ni Hesus ang isang di-makapansing pahayag: “Hindi ka muna kakain, Ako muna.” Sa ibang salita, hindi natin gagamitin ang ating pananalig sa ating kapakanan at pangangailangan. Sa halip, ang pananalig natin ay upang malugod ang gutom ng Panginoon. “Ipaghanda mo ako ng hapunan… silbihan mo ako habang ako ay kumakain. Kumain ka pagkakain ko.

Biyernes, Agosto 28, 2009

PAKIKITUNGO SA SALITA NI HESUS

“At kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng para sa inyo?” (Lucas 16:12). Sinasabi ni Hesus, “Sabi  ninyo nais ninyo ng pagpapahayag, bagay na magtutulot sa inyo upang makagawa ng mga dakilang bagay. Gayunman, paano kayo mapagkakatiwalaan sa ganoong uri ng pananalig, kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga bagay na ibinigay sa inyo?”

 

Maaring ang mga salita ni Hesus ay nakapagpakamot sa ulo ng mga disipulo. Alam ng Panginoon nila na wala silang pag-aari, mas lalong wala na galing sa ibang tao. Tinalikdan nila ang lahat upang maging mga disipulo niya. At sumunod sila sa abot ng kanilang makakaya. Kaya lamang ang mga salita niya ay mistulang hindi angkop para sa kanila.

 

Ano ang ibig sabihin ni Hesus nang sinabi niya, “sa kayamanan ng iba” (16:12)? Siya ay nagpapahayag tungkol sa ating mga katawan at kaluluwa, na tinubos ng kanyang dugo. “Binili niya kayo sa malaking halaga. Kaya’t gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos” (1 Corinto 6:20).

 

Sinasabi sa atin ni Hesus, “Ang katawan mo ay hindi mo pag-aari, at kung hindi mo pag-iingatan ang katawang iyan—kung hindi mo ako papayagan na tingnan ang kalooban mo, harapin mo ang iyong kasalanan, at kasantuhan ka—paano mo aasahan na pagkakatiwalan kita ng mas dakilang bagay?”

 

Ang mga disipulo ay humiling ng dagdag na pananalig at si Hesus ay may nakahandang sagot para sa kanila: “kung maging sinlaki man lamang ng butil ng mustasa ang iyong pananalig sa Diyos, masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, ‘Mabunot ka, at matanim sa dagat!’ at tatalima sa iyo ito” (Lucas 17:6)

 

Ano ang iminumungkahi ni Hesus sa larawang ito? Naniniwala ako na ang pahayag na ito patungkol sa pagbunot ng ugat sa ating mga puso. Si Hesus ay tumutukoy sa ugat ng kasalanan, sa mga nakatagong bagay na kailangang harapin natin bilang kanyang tagasunod. Sinasabi niya, “Noon nananalig ka na ang Diyos ay kayang pagalawin ang mga bundok, kailangan mong alisin ang mga ugat. At hindi mo kailangan ang dakila, apostolikong pananalig upang magawa iyon. Ang kailangan mo lamang ay munting pananalig. Hinihiling kong gawin mo ang isang bagay na madaling gawin: Bunutin mo ang mga ugat ng kasalanan. Nais kong suriin mo ang iyong puso at alisin ang lahat na hindi kanais-nais para sa akin.

Huwebes, Agosto 27, 2009

PATULOY NA PAGLAGO NG PANANALIG

“Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos” (Lucas 17:5). Ang mga kalalakihang bumubuo ng mga malapit na nakapaligid kay Kristo ay nagtatanong ng mahalagang bagay sa kanilang Panginoon. Nais nilang higit na maunawaan ang kahulugan at gawain ng pananalig. Sinasabi nila, “Anong uri ng pananalig ang ninanais mo para sa amin? Ibigay mo sa amin ang pahayag ng uri na makakalugod sa iyo. Nais namin na mapanghawakan ang pananalig sa kabuuan ng kahulugan nito.”

 

Sa pang-ibabaw, ang kanilang kahilingan ay wari bang kapuri-puri. Gayunman, naniniwala ako na ang mga disipulo ay itinanong ito kay Hesus sapagkat sila ay naguguluhan. Sa nakalipas na kabanata, sila ay nilito ni Hesus, sinasabing, “Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay…kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan  ng sanlibutang ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan?” (16:10-11)

 

Alam ni Hesus na ang kalmnan ng kanyang mga tagasunod ay nais na makaiwas ang isang bagay na ipinapalagay nila na mababang sangkap ng pananalig. Kaya’t sinabi niya sa kanila, “kung ikaw ay mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay, ang pangunahing sangkap ng pananalig, ikaw ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay. Kaya’t, patunayan mo na ikaw ay mapagkakatiwalaan sa mga mahalagang kinakailangan ng pananalig. Kung hindi, paano ka pagtitiwalaan sa mga malalaking bagay?”

 

Kung tayo ay tapat, ating aaminin na tayo ay kahalintulad ng disipulo ni Hesus. Nais din natin na tumukoy ng tuwiran sa malaking sangkap ng pananalig, na makuha ang pananalig na makakapagpagalaw sa bundok. At, katulad ng mga disipulo, madalas nating hinuhusgahan ang pananalig sa nakikitang mga kinalabasan.

 

Ang tunay na pananalig, sa mata ng Diyos, ay walang kinalaman sa sukat o halaga ng gawain na nais mong magampanan. At sa halip, ito ay may kinalaman sa gitna at patutunguhan ng iyong buhay. Nakita mo, ang Diyos ay hindi nababahala sa iyong malakihang pananaw na gayon din sa kung ano ang kalalabasan mo.

 

Ang Diyos ay mas higit na may pagnanais na mapagwagian niya ako kaysa sa mapagwagian ko ang sanlibutan para sa kanya.

Miyerkules, Agosto 26, 2009

ANG MAKAMUNDONG SISIDLAN

Isa sa mga nakakapagpasigla sa Banal na Kasulatan ay 2 Corinto 4:7: “Ngunit kaming pinagkalooban ng kayamanang espirituwal na ito ay hamak—kung baga sa sisidlan ay palayok lamang—upang ipakilalang ang di malirip na kapangyarihan ay sa Diyos, at hindi amin.” At nagpatuloy si Pablo sa paglalarawan sa mga sisidlan bilang mga taong malapit ng mamamatay, naguguluhan sa buong kapaligiran niya, magulo ang isipan, inuusig, nasiraan ng loob. Kahit na hindi naman tinalikdan o nawalan ng pag-asa, ang mga taong ito na ginamit ng Diyos ay paulit-ulit na dumadaing sa ilalim ng pasanin ng kanilang katawan, balisang naghihintay  na mabihisan ng bagong damit.

 

Hiniya ng Diyos ang kakayahan ng tao. Pinagtawanan niya ang ating pagsisikap na may pagbubuhat-bangko na maging mabuti. Hindi niya ginamit ang mataas at malakas, ngunit sa halip ginamit niya ang mga bagay na mahina ng mundong ito upang lituhin ang mga marurunong. “Mga kapatid, alalahanin ninyo ang inyong katayuan nang kayo’y tawagin ng Diyos. Iilan lamang sa inyo ang sa paningin ng sanlibutan ay marunong, makapangyarihan at maharlika. Subalit pinili ng Diyos ang sa palagay ng sanlibutan ay kahangalan upang hiyain ang marurunong, at ang mahihina sa turing ng sanlibutan upang hiyain ang malalakas. Pinili niya ang mga itinuturing na hamak, walang halaga, at walang halaga sa sanlibutang ito upang pawalang-halaga ang mga itinuturing na dakila sa sanlibutan. Kaya’t walang maaring magmalakai sa harapan nhg Diyos” (1 Corinto 1:26-29)

 

Wow! Iyan ba ay naglalarawan sa akin! Mahinang bagay! Hangal na bagay! Hamak na bagay! Mababang-uring bagay! Isang bagay na hindi maharlika, hindi makisig, hindi malakas! Anong kabaliwan na isipin na ang Diyos ay gagamit ng ganyang nilikha! Gayunman iyon ay kanyang dalisay na layunin at ang pinakadakilang misteryo sa sanlibutan. Tayo ay tinawag ng Diyos sa ating mga kahinaan, kahit na alam niya mali nating magagawa ito. Inilagay niya ang kanyang yaman na walang katapat na halaga sa ating makamundong sisidlang ito, sapagkat siya ay nalulugod sa paggawa ng di-maari sa pamamagitan ng wala.

 

Yari ang loob ng Diyos na maisakatuparan ang kanayang hangarin, dito sa sanlibutan, sa pamamagitan ng mga taong may mga kahinaan. Si Abraham ay may kahinaan: siya ay nagsinungaling, at halos nagawa niya na ang kanyang asawa ay makiapid, ngunit si Abraham “nanalig sa Diyos si Abraham. Dahil dito, siya’y pinawalang sala ng Diyos” (Roma 4:3) 

Martes, Agosto 25, 2009

ANG ERMITANYONG KRUSTASYA

Si Haring David, na may akda ng maraming Awit, ay napagal sa kanyang mga paghihirap. Siya ay labis na pagod sa kaluluwa niya, labis sa pakikidigma at batbat ng kaguluhan, ang nais lamang niya ay makatakas patungo sa isang pook na tahimik at ligtas: “Yaring aking puso’y tigib na ng lumbay, sa katakutan kong ako ay pumanaw… Parang kalapati, ako ay lilipad, ako’y hahanap ng dakong panatag… Ako ay hahanap agad ng kanlungan upang makaiwas sa bagyong daratal” (Awit  55:4-8)

 

Isang aral mula sa kalikasan na nagsisiwalat kung ano ang mangyayari kapag ating ipinagpalit ang isang mabuting laban sa isang magaan na paraan at lumakad palayo mula sa ating pagpapakahirap. Kamakailan ay nabasa ko ang pag-aaral ng isang biyologo tungkol sa mga krustasya, mga nilikhang namumuhay sa mga magagaspang,  mapanganib na kapaligiran sa mga uka-ukang mga bato. Ang mga krustasya ay araw-araw na inaanod ng mga alon at sinasalakay sa bawat paligid ng mga nilikha mula sa lalim ng dagat. Patuloy silang nakikipagdigma upang maipagtanggol ang kanilang sarili, at sa kalaunan nabuo sa kanila ang matibay na kabibi at makapangyarihang galing para manatiling buhay.

 

Ang nakakagulat, ilan sa mga pamilya ng krustasya ay huminto sa pakikipaglaban sa buhay. Naghahanap ng ligtas na matitirhan, sila ay nanirahan sa inalisan ng kabibi ng ibang nilikha na galing sa dagat. Ang mga krustasyang ito ay kinilala bilang mga ermitanyong krustasya. Nanirahan ng ligtas, sila ay ay umatras sa pakikidigma at tumakas patungo sa mga gamit nang tirahan na yari na.

 

Subali’t ang “ligtas na tirahan” ng mga ermitanyong krustasya ay nagpatunay na ito ay magastos at sirain. Dahil sa kanilang kakulungan sa pakikidigma, ang mga malubhang bahagi ng kanilang katawan ay unti-unting nanghihina. Maging ang kanilang mga sangkap ay natuyot dahil sa kakulangan ng paggamit. Sa ilang panahon ang mga ermitanyong krustasya ay nawalan ng lakas para gumalaw, pati na ang mga mahalagang sangkap na gamit  sa pagtakas. Ang mga bisig nito ay unti-unting nagbagsakan, nanatili na malayo sa kapahamakan ngunit walang silbi para gumawa  maliban sa manatiling buhay.

 

Samantala, ang mga krustasya na patuloy sa pakikidigma ay lumaki at lumakas. Ang kanilang limang pares ng mga paa ay naging matataba at malakas upang mapaglabanan ang mga malalaking alon. At natutunan nilang magtago mula sa kanilang mga maninila sa pamamagitan ng mahusay na pagtakbo ng mabilis sa ilalim ng mga kayarian ng mga bato.

 

Ang batas ng kalikasang ito rin ay naglalarawan ng batas ng Espiritu. Bilang mananampalataya, tayo ay pinagtutulakan at binabayo ng mga alon ng mga paghihirap. Humaharap tayo sa mga malupit na maninila ng kapangyarihan ni Satanas. Ngunit habang tayo ay nakikipaglaban, tayo ay lalong lumalakas. At nalalaman natin ang mga panlilinlang ng mga diyablo kapag ito ay ginagamit sa atin. Natuklasan natin ang tunay na kanlungan, ang “biyak sa mga bato,” sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Hesus. At doon lamang tayo tunay na ligtas sa gitna  ng ating pakikidigma.

Lunes, Agosto 24, 2009

KABILANG KA BA SA PITONG-LIBO?

Alam natin na sa kabuuan ng Bibliya, ang bilang na pito ay pantayan ng walang-hanggang layunin ng Diyos. Samakatuwid, naniniwala ako na ang bilang na pitong libo (7000) na binanggit ng Diyos kay Elijah sa 1 Mga Hari 19:18 ay palatandaan nang lahat na bumubuo ng mga natitira para sa kanya. Ang mga tao na ipinag-isangtabi niya para sa kanya ay maaring may bilang na pitumpo (70) o pitong milyon (7,000,000). Ang mahalaga ay sila ay buong ipinagkaloob sa kanya.

 

Kaya, ano mga katangian ng mga natitira? Narito ang tatlong makahulugang mga katangian:

 

1.   Ang walang pagbabagong pangako na kumapit sa Panginoon. Ang mga natitirang mananampalataya ay gumawa ng isang saradong-pag-iisip ng pagpili na lumangoy pasalungat sa agos ng diyablo. At sa ilang punto, kailangang mangako  ka, nagpapahayag, “Wala akong paki-alam kung ano ang sasabihin o gagawin ng iba. Ako ay nasa  Panginoon. At hindi ako magpapadala sa buktot na espiritu ng  panahong ito.”

 

2.   Isang pagpayag na makilala kasama nang mga dukha. Habang  ang takbo ng lipunan ay mapasama sa mga mayayaman at mga tagumpay, ihahanay mo ang iyong sarili sa nagdurusang uri. Si Obadiah ay isang makadiyos na tao na naglilingkod sa tahanan ni Jezebel. Yari ang loob niya na matakot sa Diyos at hindi kanino pa man at pinatunayan niya na ang puso niya ay matuwid at kasama ang mga dukha na pinangalagaan ang isandaang malabasahang, nagdurusang mga propeta

 

3.  Isang pagtitiwala sa pag-asa. Ang pitong-libo sa panahon ni Elijah    ay nagpakatatag dahilan sa kanilang pag-asa sa padating na araw ng kaligtasan. Katulad ngayon, ang biyayang pag-asa ng iglesya ang nalalapit na pagbabalik ni Hesus. Sa isang tunog ng trumpeta, lahat ng kabuktutan ay magwawakas. Ang ating Panginoon ay palalampasin ang pagpatay sa mga sanggol, lahat ng bastos na kalisyaan, lahat ng pauubos ng lahi.

 

Ang tatlo bang mga katangiang ito ay maglalarawan sa iyo bilang isa sa mga banal na natitira ng Diyos? Kung gayon, ipinagmamalaki ka ng Diyos, “Ang isang ito ay ipinagkaloob ang puso niya sa akin. Siya ay nakatutok sa akin. At siya lubos na akin lamang.

 

Kailangan natin ang mangaral, at gumawa habang araw pa. At tayo ay mamumuhay sa pag-asang ang Haring Hesus ay babalik. At dala niya ang bagong sanlibutan, kung saan siya ay mamumuno mula sa kanyang walang hanggang trono.

Biyernes, Agosto 21, 2009

ANG SUKATAN NG TAGUMPAY NG DIYOS

Ang tagumpay sa mata ng Diyos ay ang lubusang ganap sa pangangaral para kanya. Ang ganitong lingkod ay hindi nagsisikap na maging tagumpay o naghahanap ng makamundong kapanatagan. Nais lamang nilang makilala ang Panginoon at mangaral para sa kanya.

 

Isipin ang tungkol sa isandaang propeta na itinago ni Obadiah (1 Mga Hari 18:4). Sila ay nanirahan sa isang hiwalay na pananatili sa mga yungib sa loob ng tatlo hanggang apat na taon, sa panahon ng malubhang taggutom. Ang mga kalalakihang ito ay walang panglabas na ministeryo. Sila ay lubusang wala sa paningin ng madla, nalimutan na nang mga tao. Ni hindi man lamang sila nakibahagi sa tagumpay ni Elijah sa bundok ng Karmel. Walang duda, ang sanlibutan ay tatawagin silang bigo, mga walang kabuluhang kalalakihan na walang naisakatuparan kahit ano.

 

Gayunman binigyan ng Diyos ang mga debotong lingkod na ito ng mahalagang handog ng panahon. Mayroon silang mga araw, mga linggo, maging mga taon upang manalangin, mag-aral, lumago at mangaral para sa Panginoon. Sila ay inihahanda ng Diyos para sa araw na sila ay pakakawalan upang mangaral sa mga tao ng Diyos. Sa katunayan, ang mga kalalakihang ito ay mag-aakay sa mga muling nagbalik-loob sa Diyos sa ilalim ng ministeryo ni Elijah.

 

Ilang mga taon na ang lumipas, ako ay biniyayaan ng Panginoon ng handog na panahon. Bago pa ako nangaral sa isang iglesya, ako ay nagtungo sa kagubatan upang mangaral sa mga ibon at mga puno. Wala akong layunin, walang talausapan, walang pangarap. Nais ko lamang malaman ang saloobin ng Diyos. Kayat ako’y nanalangin araw-araw, hinahanap ang Panginoon at nangaral para sa kanya. At aking minarkahan ang aking Bibliya mula umpisa hanggang sa dulo. Ako ay nakatago, hindi nakikita ninuman. Ngunit alam ng Diyos ang tirahan ko.


Ang payo ko ay, “Tigilan ang paghahanap ng ministeryo. Sa halip ay gamitin ang iyong panahon upang hanapin ang Diyos. Alam niya kung saan ka makikita. Tatawagin ka niya kapag nakita niya na ikaw ay handa na. Kalimutan kung ano ang ginagawa ng iba. Magsikap upang magtagumpay sa trono ng Diyos. Kung ikaw ay nangangaral para sa Panginoon at nanalangin para sa iba, ikaw ay ganap ng tagumpay sa kanyang mga mata!  

Huwebes, Agosto 20, 2009

PANAHON NG KASIGLAHAN

Ang Diyos, sa kanyang pag-ibig at awa, ay hinahayaan na hambalusin ng kapahamakan ang daigdig para magbigay babala sa lahat ng nakarinig na si Hesus ay muling babalik, at ito ay panahon na para maghanda. Lubos niyang minamahal ang kanyang mga anak para hayaang dumaan ang kanyang bagong kaharian ng walang babala. Alam niya na ang sankatauhan ay bingi na kinakailangang may mga sakuna at kapahamakan na pangsanlibutan para lamang makuha ang kanilang pansin. Ang mga kapahamakang ito ay isang uri ng pagbibilang, lubos na makirot upang hindi bigyan ng pansin, na hinayaan ng Diyos upang maihanda ang mga huling sandali ng panahon. Ang mga kirot na ito ay lalong magiging madalas at masidhi habang tayo ay palapit sa huling mga oras. “Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo” (Lucas 21:28).

 

Ang mga ito ba ay nakakasindak? Ang katotohanan ba ay nakakatakot? Tunay kayang maaring mangyari na ang katapusan ng mundo ay nasa atin na. Ito na kaya ang panahon na hinulaan ng mga propeta na mangyayari? Ang mga tunay kayang mga debotong Kristiyano ay hindi mai-ugnay ang pang-unawa kung gaano na tayo kalapit sa nakatakdang oras? Isa lang ang tiyak—ang lahat ay unti-unting gumuguho na, hanggang sa abot ng tingin ng ating pang-unawa.

 

Mahal na kaibigan, pakinggan mo kung ano ang sinabi ng Banal na Espiritu sa akin tungkol sa mga araw na ito. Lima lamang na munting salita, ngunit lubos na makapangyarihan na pumukaw sa akin para sa isang dakilang bagong pag-asa at pananalig. Ang limang munting mga salitang ito ay: Ang lahat ay nasa pangangalaga ng Diyos! Kung may tiwala ka sa Diyos, kaya mong harapin ang lahat ng kapahamakan at ipahayag ng may pananalig, “Ang Diyos ko ay nangungusap sa sansinukuban na ito at ang kanyang kapangyarihan ay ipinamalas. Ako ay tatayo at titingnan ang kaligtasan ng Panginoon.”

 

Ang lahat ay nasa pangangalaga ng Diyos, at tayo ay nasa pangangalaga niya. Ang pahayag ng Diyos sa mga oras na ito ay: “Sapagkat hindi espiritu ng kaduwagan ang ibinigay sa atin ng Diyos kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at pagpipigil sa sarili” (2 Timoteo 1:7).

Miyerkules, Agosto 19, 2009

PAGKAPALALO AT TINIG NG ESPIRITU

Hayaan ninyong kilalanin ko ng malinaw ang pagkakaiba ng pagkapalalo at pagpapakumbaba.

 

Ang taong mapagpakumbaba ay hindi isang tao na iniisip na maliit ang kanyang pagkatao, nakayuko ang ulo at sinasabing. “Ako’y walang halaga.” Kundi, isa siyang nakasandal ng lubos sa Panginoon sa lahat ng bagay, sa bawat kalagayan. Alam niya na ang Panginoon ang mangunguna sa kanya, magbibigay-kapangyarihan sa kanya, magbibigay-buhay sa kanya—at mamatay siya kung wala ang mga iyon!

 

Ang palalong tao, sa isang banda, ay isang may pag-ibig sa Diyos sa itsura, ngunit siya ay kumikilos at nag-iisip na pansarili. Sa ugat nito, ang pagkapalalo ay isang kalayaang malayo sa Diyos, at ang palalong tao ay gumagawa ng mga pasiya ayon sa kanyang sariling katwiran, kaalaman at kakayahan. Sinabi niya, “Binigyan ako ng Diyos ng mabuting pag-iisip at inaasahan niya na gagamitin ko ito. Kahangalan ang humingi sa kanya ng katuruan sa bawat bahagi ng buhay.”

 

Ang taong ito ay hidi maaring turuan sapagkat “alam na niya ang lahat.” Maaring makinig siya sa isang nakakataas sa kanya na may kapangyarihan o mas kilala kaysa sa kanya--ngunit hindi sa isang mas nakakababa sa kanya.

 

Walang isa mang salita na tinanggap ng isang palalo ay galing sa Diyos! Hindi maari sa kanya ang maghusga ng makatwirang paghuhusga—hindi maari magsalita ng kaisipan ng Diyos—sapagkat ang Banal na Espiritu ay wala sa kanya upang magpatunay ng katotohanan. “May daang matuwid sa tingin ng tao, ngunit kamatayan ang dulo nito” (Kawikaan 14:12)

 

Ang pagkapalalo ay isang kalayaan-ang pagpapakumbaba ay pagtitiwala. Ang mapagkumbabang Kristiyano ay isang hindi kumikilos, hindi nagpapasiya, na walang payo mula sa Diyos. Ang kasulatan ay nagsabi ang mga hakbang ng makatuwiran ay iniutos ng Panginoon, ngunit hindi siya maaring mag-utos ng hakbang ng may kasarinlang espiritu. Ito lahat ang sinasabi—nais ng Diyos ang lubos na pangangasiwa—ibigay ito sa kanya.

 

“Ang Diyos ay laban sa mga palalo, ngunit tumutulong sa mga mapagkumbaba” (Santiago 4:6)

Martes, Agosto 18, 2009

KAPAG HINDI MO ALAM ANG GAGAWIN MO

Tatlong hukbo ng kaaway ay palapit na sa Juda, at ang Haring Jehoshapat ay tinawag ang mga bansa na magsama-sama sa Herusalem para maghanda ng isang planong pandigma. Kailangan niya ng plano, isang tiyakang pahayag ng pagkilos. Kailangang may magawa agad sa lalong madaling panahon. Sa halip, tumayo si Jehoshapat sa harap ng kanyang mga tao at ibinuhos ang kanyang puso sa Diyos sa pangungumpisal.

 

Ngayo’y ito ang iginanti nila sa amin! Sinalakay nila at ibig palayasin sa lupaing itong ipinamana mo sa amin. Diyos namin parusahan mo sila. Hindi namin kayang sagupain ang gayon karaming kaaway. Hindi naming malaman ang aming gagawin. Ikaw lamang ang aming pag-asa” (2 Cronica:11-12)

 

Nabubuhay kami sa panahon na ang lahat ay mabuay at di-panatag—at lahat halos nakakasakit sa ibat-ibang paraan.

 

Halos wala nang nakakaalam ang gagawin. Ang aming mga pinuno ay walang kaalaman kung ano ang nangyayari sa mundo—o sa ekonomiya.

 

Ang daigdig ng kalakalan ay higit na rin naguguluhan—na ang mga ekonomista ay nagtatalo sa isat-isa tungkol sa mga padating na mangyayari. Ang mga Psikologo at mga Psikyatriya ay naguguluhan sa mga pabago-bagong pwersa na nakakapinsala sa mga tao ngayon.

 

Hindi mo ititiklop ang iyong mga kamay—maalwan na nakaupo hinahayaang ang Diyos ang gagawa ng lahat! Hindi ito ang ibig sabihin ng “pagtuon ng tingin sa Panginoon.” Nakatingin tayo sa Panginoon, hindi bilang mga tao na hindi alam ang gagawin, kundi bilang mga tao na wala talagang alam kung ano ang dapat na gagawin. Ngunit alam natin na siya ang Hari na nakaupo sa baha. Siya ang Panginoon ng lahat, at alam natin na kahit mahati ang mundo sa dalawa—kung mawasak ng tuluyan—siya ang bato ng kasiguruhan.Ang ating mga mata ay nakatuon sa bumalik na Panginoon. Kung hindi natin alam ang gagawin, ang pananampalataya natin ang magbibigay ng kasiguruhan na alam niya ang gagawin.

Lunes, Agosto 17, 2009

NAGPASALAMAT SI JONAS AT SIYA AY INILIGTAS

Pakinggan ang mga salita ni Jonas: “Inihulog mo ako sa pusod ng dagat…at natabunan ng malalaking alon. Sinabi ko: hinigop ako ng kalaliman hanggang sa tuluyang lumubog…natabunan ako ng mga yagit…ako’y nalubog sa ilalim ng mga bundok…sa daigdig ng mga patay” (Jonas 2:3-6)

 

Si Jonas ay nalubog sa kailaliman, nalibing sa sikmura ng balyena. Siya’y nasa pakikipaglaban para sa kanyang buhay—punong-puno ng kabiguan, kahihiyan at pagkakasala. Mabigat ang kanyang puso—sagad na pinakamababa na maaring bagsakan ng isang tao. Akala niya siya ay pinabayaan na ng Diyos.

 

Kayat, paano nakalabas si Jonas sa kanyang hukay? Sa madaling sabi, nakapasa siya sa pagsubok! “Nang maramdaman kong mapupugto na ang aking hininga, naalala kita Yahweh…Ngunit magpapasalamat ako sa iyo sa aking mga awit…”(Jonas 2:7-9)

 

Hindi nakarinig si Jonas ng salita ng kaligtasan. Siya ay nasa kalagayang wala ng pag-asa, na ang lahat sa kanya ay madilim at malungkot. Handa na siyang mawalan ng malay. Gayunman, nang dumating siya sa ganoong kalagayan, sinabi niya, “Magpapasalamat ako sa Panginoon!”

 

Sa kalagitnaan ng lahat ng kanyang kagipitan, pumasok si Jonas sa presensiya ng Panginoon at nag-alay ng pasasalamat! Sumagot ang Diyos, “Iyan ang hinihintay kong marinig sa iyo na sabihin mo Jonas, nagtiwala ka sa akin sa gitna ng lahat ng ito. Nakapasa ka sa pagsubok!”

 

Sinabi ng Kasulatan, “Kinausap ni Yahweh ang isda, at si Jonas ay iniluwa nito sa dalampasigan (berso 10). Sa isang utos mula sa langit, iniluwa si Jonas sa dalampasigan. At ang nabibigatang tao na ito ay maaring nagpagulong-gulong sa dalampasigan nagsusumigaw, “Malaya na ako! Malaya na ako!” Maaring nagsasayaw siya habang inaalis niya ang damong-dagat sa kanyang buhok—sapagkat siya ay nasa altar na ng pasasalamat!

 

Kapag wala ka nang patutunguhan, magtungo ka sa pasasalamat. Magpasalamat ka sa Panginoon sa kapatawaran—mula sa paglaya mo sa lahat ng mga pinagdaanang kasalanan. Magpasalamat ka sa kanya sa pagkakaligtas mo sa ngipin ng leon…sa pagbibigay sa iyo ng bagong tahanan ng kaluwalhatian…sa lahat ng mga nakalipas na biyaya, sa lahat ng kanyang mga pangako, sa lahat ng kanyang gagawin. Sa lahat, magpasalamat ka!

 

“Ang magpasalamat sa Panginoong Diyos ay mabuting bagay, umawit na lagi purihin ang ngalang Kataastaasan” (Awit 92:1)

 

“Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasasalamat; ang pangakong handog ninyo ay tuparing lahat. Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin; kayo’y aking ililigtas, ako’y inyong pupurihin” (Awit 50:14-15)

Biyernes, Agosto 14, 2009

HIGIT SA LAHAT NG KAHILINGAN NATIN O INIISIP

Laging ninanais ng Diyos na ibuhos niya ng higit pa ang kanyang kaluwalhatian sa kanyang mga tao. Lagi niyang hangad na gawin para sa atin “Sa Diyos na makagagawa nang higit kaysa lahat ng maaari nating hilingin at isipin” (Efeso 3:20). Ito ang dahilan kung bakit nais niyang ang tao na may masibang gana ng higit para sa kanya. Nais niyang puspusin sila ng kanyang nakasisindak na presensiya, lampas pa sa kanilang naranasan sa buong buhay nila.

 

Sinabi ni Hesus, “Naparito ako upang ang mga tupa’y magkaroon ng buhay—isang buhay na ganap at kasiya-siya” (Juan 10:10). Gayunman, upang makamit ang masaganang buhay , kailangang higit na masagana nating malugod ang Panginoon. Isinulat ni Pablo, “Mga kapatid, isa pang bagay ang ipinapayo namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Hesus. Sana’y lalo pang pagbutihin ninyo ang pamumuhay ninyo ngayon—pamumuhay na ayon sa inyong natutuhan sa amin—upang kayo’y maging kalugod-lugod sa Diyos” (1Tesalonica 4:1). “Kaya nga, mga kapatid, magpakatatag kayo at huwag matitinag. Magpakasipag kayo sa gawain para sa Panginoon” (1 Corinto 15:58)

 

Ang salitang Griyego para sa masagana ay nangangahulugan ng “para makahigit, magpakagaling, higit-na managana—para magkaroon ng sapat at mamahagi, lampas at higit, labis na labis, labis na higt na masagana, walang sukatan.” Sinasabi ni Pablo, “Ang kaluwalhatian ng Diyos sa buhay mo ay hihigit pa sa munting sandali na nakuha mo hanggang ngayon. Ngunit ang  mga panalangin mo ay nararapat na higit pa sa paghingi ng biyaya sa iyong mga pagkain.”

 

“Yamang tinanggap ninyong Panginoon si HesuKristo, mamuhay kayo sa paraang karapat-dapat sa kanya. Manatili kayo sa kanya at isalig sa kanya ang inyong buhay. Magpakatibay kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at laging magpasalamat sa Diyos” (Colosas 2:6-7). Itinuturo sa atin ni Pablo, “para magkaroon ng masaganang buhay ng kaluwalhatian ng Diyos at presensiya, kailangan maglingkod ka sa kanya ng walang sukat—nang may pag-ibig at pakikipagkasundo higit pa sa tamad, na natutulog na utusan.”

 

 “Binigyan niya tayo ng karunungan at kabatiran” (Efeso 1:8). Nais ng Diyos na takalan ka ng kaluwalhatian at pahayag na lampas pa sa pinagdaanang sukatan. “upang lubos nating maunawaan ang kanyang lihim na panukala na isasakatuparan sa pamamagitan ni Kristo (1:9). Sinasabi ng Panginoon, “Bubuksan ko sa inyo ang malalim na pang-unawa sa aking Salita. Nais kong bigyan kayo ng pahayag ng mga hiwaga nito.

Huwebes, Agosto 13, 2009

AKO NGA

Hiniling ko sa Banal na Espiritu na bigyan ako ng isang talataan ng paglalarawan ng pananampalataya upang ito ay maunawaan ng mga kabataan sa kinalalagyan ng Hamon Pangkabataan (Teen Challenge). Mayroon akong aklat sa aking silid aklatan na gumagamit ng mahigit sa tatlong-daang pahina para ipaliwanag ang kahulugan ng pananampalataya, at hindi ko maunawaan ito. (Sa aking palagay maging ang sumulat nito ay hindi rin niya ito naunawaan.)

 

Minsan itinanong din ni Moses ang tanong na ito: “Sino Ako?—Sino ang Diyos?—Ipaliwanag mo siya.” Sinagot ng Diyos si Moses sa dalawang salita. Sinabi ng Diyos, “Ako’y si Ako Nga. Sabihin mong sinugo ka ni Ako” (Exodo 3:14). (Ayon sa makabagong pag-iisip, labis na pinagaanan ng Diyos ang sarili niya)

 

Isipin mo si Moses na nagsasabi sa mga tao nang magtanong sila, “Sino ang nagsugo sa iyo?” na “Sinugo ako ni Ako Nga”?

 

Ako ay sino? Ano ang kailangan mo? Kaligtasan? Kung gayon Ako ang kaligtasan, Ako lamang ang iyong kailangan.

 

Pananampalataya ay ang Diyos na nagsasabi, “Ako Nga” at ang sagot ko ay, “Siya Nga.” Ang pananampalataya ay magaan na tinatanggap ang paliwanag ng Diyos tungkol sa kanya. Sinabi ng Diyos, “Ililigtas kita sa unos.” Sabi ko, “Ililigtas niya ako sa unos.”

 

Ang pananampalataya ay ang tanggapin ang Diyos kung ano ang sabi niya na Siya.

 

Ano ang unos sa buhay mo? Paano mo ito hinaharap?

 

Hingin mo sa kanya na bigyan ka ng pananampalataya upang manalig ka. Hingin mo sa kanya kahit anupaman ang mangyari—kahit ano pa ang katayuan na iyong hinaharap. Ang unos ang daan palabas.

 

Sinabi ni Pablo, “Sinasabi ko ito hindi dahil sa kayo’y hinahanapan ko ng tulong. Natutunan ko nang masiyahan anuman ang aking kalagayan” (Filipos 4:11). Naniwala ako na sa sandaling kumapit kay Pablo ang pananampalataya, siya ay nasiyahan na. Siya ay nasa gitna ng kalooban ng Diyos at nasa kanya ang pangako ng Diyos. Nanalangin siya ng lubos. Hindi mahalaga ang anumang nangyari ng mga sandaling iyon. Inalis ng Diyos ang lupit ng unos.

 

Kaya niyang alisin ang takot ng unos maging para sa iyo. Hahayaan mo ba siya? Lampasan mo ang iyong unos—hindi hahayaan ng Diyos na ikaw ay malubog.

Miyerkules, Agosto 12, 2009

ANG ATING MINISTERYO

“Tayong lahat ang nagiging sinag ng kaningningan ng Panginoon. At ang kaningningang iyon na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang bumabago sa ating anyo upang lalong maging maningning, hanggang sa maging mistulang larawan niya” (2 Corinto 3:18). Ano ang ibig sabihin na pagmasdan ang kaluwalhatian ng Panginoon? Si Pablo ay nagsasabi dito ng banal at nakasentrong pagsamba. Ito ang panahon na ibigay sa Diyos na pagmasdan siya. At madaliang idinagdag ng apostol, “Hinirang niya ako para sa gawaing ito kaya naman malakas ang aking loob” (4:1). Nilinaw ni Pablo na ang pagmasdan ang mukha ni Kristo ay isang gawain na dapat nating lahat na italaga.

 

Ang salitang Griyego ng pagmasdan sa bersong ito ay isang mabigat na pangungusap. Ito ay nagpapahiwatig ng hindi basta pagtingin, kundi “pirmihang pagtitig.” Nangangahulugan itong pagpapasiya, “Hindi ako kikilos sa kinalaglayan ko. Bago ako gumawa ng anumang bagay, bago ko subukan makatapos ng isang bagay, kailangang ako ay nasa presensiya ng Diyos.”

 

Maraming Kristiyano ay nagbigay ng maling kahulugan sa katagang “pagmasdan kahalintulad sa salamin” (3:18). Inisip nila na isang salamin, na may mukha ni Hesus na tumalbog pabalik sa kanila. Ngunit hindi ito ang pakahulugan ni Pablo dito. Sinasabi niya dito ay isang masidhing nakasentrong pagmamasid, na animo’y pagtinging mabuti sa isang bagay na taimtim lubusan sa salamin, pinagpipilitang makita na mas malinaw. Kailangang itutok natin ang ating mga mata sa ganitong paraan, yari ang loob na makita ang kaluwalhatian ng Diyos sa mukha ni Kristo. Kailangang isara natin ang ating mga sarili sa pinakabanal ng mga banal, na may isang pagkahumaling: masidhing pagtitig, at makipagtalamitan na may paglilingkod, na tayo’y binago

 

Ang salitang Griyego dito para sa binago ay “magbagong anyo,” may kahulugang “binago, binagong anyo, pagbabagong anyo.” Ang lahat na madalas na magtungo sa pinakabanal ng mga banal at masidhing itinutok ang pagtitig kay Kristo ay pinagbabagong anyo. Ang pagbabagong anyo ay nagaganap. Ang taong iyon ay patuloy na binabago kahalintulad at sa katangian ni Hesus.

 

Marahil madalas kang lumalapit sa presensiya ng Panginoon. Gayunman hindi mo nararamdaman ang pagbabago sa sarili mo dahil umuubos ka ng panahon na ikaw ay sarado sa kanya. Sinasabi ko sa iyo, malalaman mo ang pagbabago ay nagaganap. Isang bagay ay tiyak na nangyayari, sapagkat walang sinuman ang patuloy na nakamasid sa kaluwalhatian ni Kristo na hindi binago. Itala ang huling kataga sa pangungusap ni Pablo: “Tayong lahat…ang nagiging sinag ng kaningningan ng Panginoon. At ang kaningningang iyon na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu” (aking italika 3:18). Ngayon itala ang sumunod na berso: ang Panginoong  binabanggit dito ay ang Espiritu ng Panginoon, at kung saan naroon ang Espiritu ng Panginoon, naroroon din ang kalayaan” (3:17)

 

Nakita mo ba kung ano ang sinasabi ni Pablo dito? Sinasabi niya sa atin, “Kapag pinagmamasdan mo ang mukha ni Kristo, mayroong kalayaang dapat baguhin.” Kapag tayo ay nasa presensiya niya, binibigyan natin ang Espiritu ng kalayaan na pangasiwaan ang ating mga buhay, na gumawa kasama tayo na katulad niya. Ito ay isang kilos ng pagsuko na nagsasabi, “Panginoon, ang kalooban ko ay iyo. Anuman ang mangyari, baguhin mo ako kahalintulad ng larawan ni Hesus.”

Martes, Agosto 11, 2009

MAGTANIM NG PUNO

Hindi ipinangako ng Diyos na ilalayo niya ng kanyang mga anak sa paghihirap. Hindi niya ipinangako na tayo ay hindi mahaharap sa oras ng pangangailangan. Hindi tayo napangakuan ng kapayapaan sa mundo, katiwasayan, kapanatagan, o patuloy na may matatag na pananalapi. Pinangakuan tayo ng kapayapaan at katiwasayan ng kaluluwa at isipan—kahima-himalang panustos para sa bawat tunay na pangangilangan—at kasiguruhan na hindi tayo mamamalimos ng pagkain. Mas gugustuhin ng Diyos na tayo ay magtungo sa pook na kung saan ang disipulong si Pablo ay nagtungo na kung saan sinabi niya, “Kaya dapat na tayong masiyahan kung tayo’y may kinakain at dinaramit” (1Timoteo 6:8)

 

Ang hinaharap ay tinatanaw na nakakapinsala at nagbabanta. Ngunit sinabi ni David sa Awit 23 “Hindi ako matatakot.” Ito ang pahatid sa mga mananampalataya ngayon. Maging ang hinaharap ay nasa kanyang pangangasiwa, kayat hindi tayo dapat matakot. Ang lahat ay napagbalakan na ng Diyos. Alam niya ang takdang oras ng pagbabalik ni Kristo. Ang Diyos na may hawak ng pangangasiwa ng langit at lupa ay nagsabi: “Di ba ninyo alam,  sa harap ni Yahweh  ang alinmang bansa ay walang kabuluhan? Tulad lang ng isang patak ng tubig sa isang sisidlan, ang mga pulo ay parang alikabok lamang ang timbang…Sa kanyang harapan ay walang halaga ang lahat ng bansa” (Isaias40:15,17)

 

Nais ng Diyos na tayo ay patuloy na gumagawa hanggang sa pagbabalik ni Kristo. Ito’y nangangahulugan na tayo’y gagawa na parang hindi na darating ang katapusan, at mamuhay na parang ito ay padating na kinabukasan. Ang dakilang ebanghelista na si D.L. Moody ay natanong, “ano ang gagawin mo ngayong araw na ito kung alam mo na si HesuKristo ay darating na kinabukasan? Ang sagot niya ay, “Magtatanim ako ng puno.” Kaya hayaan natin. Hayaang ang tunay na Kristiyano ay humayo magtanim at mag-ani ng buto ng Diyos at magsipag na gawin ang gawain ng Diyos. Sa kanyang pagbabalik, hayaan natin na matagpuan niya tayo na “ginagawa natin ang kalooban niya.”

 

Ang Diyos ay patuloy na nagbibilang ng bawat hibla ng ating buhok sa ating mga ulo. Patuloy niyang binibilang ang mga ibong pipit na nahuhulog. Naririnig niya ang bawat kahilingan bago pa ito hilingin. Siya ay patuloy na sumasagot bago pa siya tawagin. Patuloy siyang nagbibigay ng higit pa sa ating kahilingan o iniisip. Kayat bakit matatakot?

Lunes, Agosto 10, 2009

ANG KAGULAT-GULAT NA PAG-AMIN NI DAVID

Pagkatapos ng mahabang pagpaparangal sa Salita ng Diyos, ay winakasan ni David ang Awit 119 sa bersong ito: “Para akong isang tupa na nawala at nawalay, hanapin mo ang lingkod mo, ako ngayon ay lapitan,yamang ako ay sumunod sa lahat mong kauutusan” (berso 176).

 

Sinasabi ni David na may kakanyahan, “Nakikiusap ako, Panginoon, hanapin mo ako, katulad ng paghahanap ng pastol sa isang nawawalang tupa. Sa kabila nang aking kaalaman sa Kasulatan, pangangaral at mahabang kasaysayan kasama ka, kahit paano ako’y naligaw mula sa iyong pag-ibig. Nawala ko ang kapahingahan sa iyo na dating mayroon ako. Lahat ng aking binalak ay nabigo. Ngayon napag-alaman ko na ako ay lubos na nanghihina. Lumapit ka sa akin, Ama ko. Hanapin mo ako mula dito sa nakakatakot, tuyot na pook. Hindi kita makita sa pangsarili kong paraan. Kailangan hanapin mo ako. Nananalig ako na ang Salita mo ay totoo.

 

Alam ni David na naligaw siya mula sa kapahingahan sa Diyos. Alam niya na ang pag-ibig ng Panginoon ay dapat na inilimbag sa puso niya sa panahon ng kanyang mga nakalipas na kapighatian. Ngunit ngayon, muli pa, nalimutan niya ang tungkol sa pag-ibig ng Diyos para sa kanya. Kayat isinigaw niya sa Panginoon, nanikluhod siyang hanapin ang kanyang naligaw na lingkod.

 

Ngayon ang pastol ay muling naghanap kay David. At habang narinig ni David na tinawag ang pangalan niya, muling guminhawa ang puso niya. Napag-alaman niya, “Kilala ako ng pastol ko sa aking panagalan.” Nakita ni David ang sarili niya na inakay pababa patungo sa  luntiang lambak. At muli narating niya ang luntiang pastulan sa ibaba. Sinabi ni Jehova Rohi sa kanya (Ang Panginoon ang Pastol ko), “Humiga ka na, matulog ka, at ipahinga mo ang iyong pagal na kaluluwa. 

 

Mahalaga na itala dito na ang mga kalagayan ni David ay hindi nagbago. Katunayan, sinabi ng Kasulatan na ang mga kaaway na gumulo kay David ay nadagdagan (Awit 3:1). Ngunit si David ay muling nanumbalik sa pag-ibig ng Diyos. Ngayon sinasabi niya, “Yamang kaligtasa’y nagbuhat sa iyo, pagpalain kami na mga anak mo” (3:8). Pinatunayan niya, “Wala nang sariling pagbabalak. Wala nang gabing walang-tulog, nagsusumikap na ayusin ang mga bagay-bagay. Ako’y sabik na manumbalik sa pag-ibig ng aking pastol. Malugod kong tinatanggap ang kanyang bukas na mga kamay para sa akin. At ako’y hihimlay sa kanyang kapahingahan. Ako’y mahimbing na makakatulog sa kanyang ganap na pag-ibig sa akin.”

Biyernes, Agosto 7, 2009

ANG GUMABAGABAY NA BANAL NA ESPIRITU

Kapag sinabi ng Kasulatan na ang Banal na Espiritu ay “naninirahan” sa atin, ito ay nangangahulugan na Espiritu ng Diyos ay pumasok at nagmamay-ari ng ating mga katawan, ito ay ginawa niyang templo. At sapagkat alam ng Banal na Espiritu ang isipan at boses ng Ama, siya ang nagsasalita ng kalooban ng Diyos sa atin: “Pagdating ng Espiritu ng katotohanan, tutulungan niya kayo upang maunawaan ninyo ang buong katotohanan. Sapagkat magsasalita siya hindi sa ganang sa kanyang sarili; sasabihin niya sa inyo ang kanyang narinig, at ipapahayag ang mga bagay na darating” (Juan 16:13) ang banal na Espiritu ay ang boses ng Diyos sa loob at sa atin!

 

Kung sa iyo naninirahan ang Banal na Espiritu, ay pansarili ka niyang tuturuan. Unawain ninyo na hindi lamang siya nangungusap sa mga pastor, propeta at mga guro, kundi sa lahat ng tagasunod ni Hesus. Ito ay malinaw sa Bagong Tipan, habang ang Banal na Espiritu ay nangunguna at gumagabay sa kanyang mga tao, madalas na sinasabi sa kanila, “Magtungo ka dito, magtungo ka doon…pumasok ka sa bayan, pahiran mo ng langis ang taong iyan…” Ang mga naunang mananampalataya ay pinangunahan sa bawat dako at sa lahat ng bagay ng Banal na Espiritu!

 

At ang Banal na Espiritu ay hindi bumigkas ng isa mang salita laban sa Kasulatan. Sa halip, ginagamit niya ang Kasulatan para mangusap ng malinaw sa atin. Hindi niya tayo binigyan ng “bagong pahayag” maliban sa Salita ng Diyos. Ibinubukas niya sa atin ang kanyang pahayag na Salita, para manguna, gumabay, at aliwin tayo, at ipakita ang mga bagay na darating.

 

Ako ay naniniwala na ang Diyos ay nangungusap lamang sa mga, katulad ni Moses, “ay lumapit at naninindigan sa kanya.” Ito ay nangangahulugan na tayo ay dapat na magbigay ng mahalagang panahon sa Panginoon araw-araw—naghihintay sa kanya na buksan ang ating puso upang lubos na marinig ang kanyang tinig, hindi nagmamadali sa kanyang presensiya, nananalig na ninanais niyang mangusap sa atin.

Huwebes, Agosto 6, 2009

ANO NA ANG NANGYARI SA KALUGURAN?

Ninanais ng Banal na Espiritu na madala ang mga tao ng Diyos pabalik sa Panginoon na may kasamang kaluguran at kagalakan. Gaano kaya ang pagdadalamhati ng langit na masaksihan ang basang kumot ng kawalan ng pag-asa at kalungkutan na bumalot sa napakaraming mga mananampalataya. Ipinahayag ng mang-aawit, “Mapalad ang bansang ito’y nangyayari, mapalad ang bayang ang Diyos ay si Yahweh” (Awit 144:15)

 

Sinabi ni Isias, “Malugod kayong sasalok ng tubig sa batis ng kaligtasan” (Isias 12:3)

 

Nang hinarap ako ng Banal na Espiritu tungkol sa paglilingkod sa kanya ng may kaluguran, nahirapan akong harapin ang kahalagahan ng usapin. Hindi ko lubos na naunawaan ang saloobin ng Diyos. Ako’y nag-isip gaano kahalaga ito kung ihahalintulad sa lahat ng nakapanlulumong suliranin ng mundo ngayon.

 

Ilan lamang sa mga Kristiyano ang nakakaalam sa katotohanan tungkol sa kasarinlan at makaligtas-buhay na pagpapakasakit sa Kalbaryo. Hindi nila hinayaang ang krus na palayain sila mula sa lahat ng takot at kaalipnan. Hindi tayo maaring magsaya at labis na malugod sa ating pakikipag-ugnayan sa Panginoon kung wala tayong sapat na kaalaman kung ano ang nangyari sa krus ng kalbaryo.

 

Hindi mo kinakailangan na maunawaan ang lahat ng simulain ng pagtatakip-sala, pagkakasundo, biyaya, paghahandog, at iba pa. Ang kailangan mo lamang malaman ay para mabuhay ng malugod sa Panginoon ito ay isang sinimulang katotohanan: ANG DIYOS AY LUBOS NA NASIYAHAN SA PAGPAPAKASAKIT NI KRISTO SA KRUS!

 

Iyon lamang ang kinakailangan! Ang Diyos ay kusang-nalulugod-nagpapatawad sa lahat ng nag-sisisi.

 

Kapag hindi nagbunyi sa kapatawaran ni Kristo ay pinagdudahan ang kabayaran ng ating mga kasalanan! Hayaang ang Espiritu ay magbigay ng pang-unawa sa katotohanang—tayo ay tinawag sa kasarinlan. Nais ng Diyos na tayo ay magkaroon ng kasaganaan ng kaluguran, kaluguran na puno at ganap. Nakahiga at nanagasa!

 

Ang Salita ng Diyos ay ginawa itong ganap na maliwanag na ninanais ito na ikatuwa ng kanyang mga taong-banal.

 

“Upang mapuspos sila ng aking kagalakan…” (Juan 17:13).

 

“Ang mga tinubos ni Yahweh ay babalik sa Jerusalem, masiglang umaawit ng pagpupuri, paghaharian sila ng kaligayahan, lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman” (Isaias 35:10)

Miyerkules, Agosto 5, 2009

SIGE UMIYAK KA!

Kapag ikaw ay lubos na nasaktan, magtungo sa iyong lihim na silid ng dalanginan at itangis mo lahat ng iyong kapaitan. Si Hesus ay tumangis. Dala-dala ni Pedro sa kalooban niya ang sakit na nadaranasan niya sa pagkakanulo niya sa anak ng Diyos at mapait niya itong itinangis! Mag-isa siyang naglakad sa kabundukan, tumatangis sa kapighatian. Ang mga mapapait na luhang iyon ay nagdulot ng isang matamis na himala at siya ay nagbalik para yanigin ang kaharian ni Satanas.

 

Maraming taon na ang lumipas isang babae na matatag na pinagtiisan ang isang karamdaman ay sumulat ng isang aklat na may pamagat na “Tumangis ka muna”(First you Cry). Gaano katotoo! Kamakailan lamang nakausap ko ang isang kaibigan na napagsabihan na siya ay may malubhang kanser. “Ang una mong gawin,” sinabi niya, “ay umiyak hanggang sa wala nang luhang lumalabas. At magsimula kang lumapit kay Hesus, hanggang sa malaman mo na ang mga kamay niya ay mahigpit kang hinahawakan.”

 

Hindi kailanman umiwas ng tingin si Hesus sa isang tumatangis na puso. Sinabi niya, “Hindi ko hahamakin ang isang nagdurusang puso” (tingnan Awit 51:17). Ni minsan hindi sasabihin ng Panginoon, “Magpakatatag ka! Tumayo ka at inumin ang iyong gamot! Ikagat mo ang iyong mga ngipin at punasan mo ang iyong mga luha.” Hindi! Iniipon ni Hesus ang ang bawat luha sa kanyang walang hanggang sisidlan.

 

Nasasaktan ka ba? Kung gayon sige at umiyak ka. At patuloy kang umiyak hanggang sa tumigil ang pagdaloy ng luha. Ngunit hayaan mong ang mga luhang iyan ay magmula sa kirot na nadarama at hindi sa kawalan ng pananalig at awa sa sarili.

 

 Buhayin ang loob mo sa Panginoon. Kapag napalibutan ka ng ulap at wala kang makitang lalabasan sa iyong suliranin, sumandal ka sa mga kamay ni Hesus at ikaw magtiwala sa kanya. Gagawin niya lahat ito! Ang iyong pananalig ang nais niya, ang iyong pagtitiwala. Nais niyang isigaw mo ng malakas, “Mahal ako ni Hesus! Siya’y nasa akin! Hindi niya ako pababayaan! Ginagawa niya ang lahat, ngayon din! Hindi ako ihuhulog! Hindi ako madadaig! Hindi ako magiging biktima ni Satanas! Hindi ako mawawalan ng pag-iisip o patutunguhan! Nasa tabi ko ang Diyos! Mahal ko siya at mahal niya ako!

Martes, Agosto 4, 2009

PANGINOON, AKAYIN MO AKO PAUWI!

Habang nabasa natin sa Daniel 3:15-16, ang tatlong Hebreong lalaki na dinala sa naglalagablab na pugon na ang kanilang katawan ay patay na sa mundo. Nagawa nilang iaalay ang kanilang mga katawan ng may kagalakan, bilang buhay na sakripisyo. At tunay na sinagip sila sa kanilang  paghihirap!

 

Ano sa palagay mo ang sinabi nila kay Hesus nang magpakita siya sa naglalagablab na pugon? “Salamat hindi mo hinayaang maramdaman namin ang kirot. Salamat sa pagbibigay nang isa pang pagkakataon—sa ilan pang mga taon!”

 

Hindi—hindi kailanman! Naniniwala akong yaon ang kanilang binigkas, “Panginoon, isama mo kami! Huwag mo kaming iwan dito. Nadama naming ang lubos na kagalakan, ang kaluwalhatian—at ayaw na naming bumalik! Akayin mo kami pauwi nang makapiling ka namin.” Higit pa nilang pinili na makasama siya!  Alam ni Hesus ang ganitong uri ng puso—at sa ganitong uri niya ipinagkaloob ang sarili niya.

 

Nagawa mo na bang sabihin, “Panginoon akayin mo ako pauwi”? Marahil hindi mo pa natutunan na ipagkaloob ang iyong katawan, ang iyong negosyo, ang iyong buhay may asawa, ang iyong kagipitan sa kamay ng Diyos. Oo, kailangan tayong palagiang manalangin ng may pananampalataya, nananalig na sasagot ang Diyos; gayunman kailangan tayong lubos na magtiwala sa kanya sa ating kalagayan, sasabihin ng ating puso, “Kahit hindi Panginoon—patuloy pa rin akong magtitiwala sa iyo!”

 

“Panginoon, nagawa mo akong sagipin dito sa naglalagablab na pugon. Ngunit kung hindi, ako’y patuloy na mananalig! Kahit na pagdaanan ko ang nakapanghihilakbot na pagsubok na ito—kung kailangang harapin ko pa ang maraming paghihirap, maraming pagsubok—ipinagkakaloob ko ang lahat sa iyo. Lamang ay samahan mo akong maglakad patungo dito!” Maari mo bang ipanalangin ang ganitong dasal?

 

Ako’y nangangako sa iyo—si Hesukristo ay dadating sa iyong kagipitan. Hahawakan niya ang iyong mga kamay at aakayin ka niya lampasan sa gitna ng apoy!

 

Isinaalang-alang ko ang pagdating ni Kristo sa aking kagipitan bilang pinakadakilang kasagutan sa mga panalangin, sapagkat kapag siya ay dumating, ang kanyang presensiya ang mag-aangat sa akin sa lahat ng pasakit sa akin, sa lahat ng kirot, sa lahat ng kaguluhan. Kapag dumating si Hesus sa iyong tabi, hahawakan ka niya sa iyong mga kamay at ikaw ay palalakasin niya.

Lunes, Agosto 3, 2009

TAPAT—MABUHAY O MAMATAY!

“Nagsalita si Nabucodonosor at sinabi sa kanila…Iniuutos ko sumamba kayo sa ipinagawa kong rebulto sa sandaling marinig ninyo ang tunog ng mga instrumento. Kung hindi, ipahahagis ko kayo sa naglalagablab na pugon. Tingnan ko lang kung may Diyos na makapagliligtas sa inyo.” (Daniel 3:14-15)

 

Ang mga kaibigan ni Daniel ay humaharap sa pinakamasamang kagipitan na maaring makaharap ng isang tao. Kung hindi dumating ang Diyos at sinagip sila sa pamamagitan ng himala, tiyak na patay sila!

 

Ano ang magdadala kay Kristo sa iyong kagipitan? Darating siya kapag nakipagkasundo ka na katulad nang ginawa ng tatlong lalaking Hebreo: “[Sila]…ay nagsabi sa  hari, Mahal na hari, wala po kaming itututol sa inyo tungkol sa bagay na ito. Gawin ninyo kung iyan ang gusto ninyo. Ang Diyos na aming pinaglilingkuran ang magliligtas sa amin sa pugong iyon at sa inyong kapangyarihan. At kung hindi man niya gawin ito, hindi pa rin kami sasamba sa rebultong ipinagawa ninyo” (berso 16-18).

 

Sa madaling sabi: “Mukhang wala itong pag-asa. Kung hindi gagawa ng himala ang Diyos para sa amin, tiyak na kami ay mamamatay. Subalit ang aming Diyos ay iniligtas kami sa nag-lalagablab na pugon! Ngunit kung hindi man niya ito ginawa, hindi pa rin kami hihiwalay sa kanya. Mabuhay man o mamatay, magtitiwala kami sa kanya!”

 

Mga minamahal, ito ang uri ng pananampalataya na nagbibigay dahilan para ang mga anghel ay magalak at mabasbasan ang puso ng Diyos. Ito ang pananampalataya na nagsasabi, “Panginoon, ako’y naniniwala, lubos na nahikayat, na ako’y iniligtas mo. Isang salita mo lamang, lahat ng ito ay matatapos na.”

 

“Ngunit kung hindi man, hindi ako tatakas. Hindi kita pagbibintangan na ako ay pinabayaan mo. Mananatili akong tapat at totoo. Ang paraan mo ay higit pa sa paraan ko, Panginoon – at ang buhay ko ay nasa mga kamay mo. Bagaman ako ay pinatay mo, gayunman ako’y magtitiwala sa iyo!”

 

Ito ang nagdadala kay Kristo sa ating mga kagipitan-buong pagtitiwala na kaya niyang iligtas at sagipin tayo sa tiyak na kapahamakan! Ito ay isang pagtitiwala, anuman ang dumating, tayo’y nasa mga kamay niya.