Lunes, Abril 27, 2009

JEHOVAH SHAMMAH---NAROON SI YAHWEH

Para maging kasapi ng tunay na iglesya ng Diyos, kailangang makilala ka sa pamamagitan ng pangalan ni Jehovah Shammah—“Naroon si Yahweh” (Ezekiel 48:35). Ang iba ay maaring sabihin ang tungkol sa iyo, “Maliwanag sa akin na ang Diyos ay nasa taong ito. Tuwinang makikita ko siya, nararamdaman ko ang presensiya ni Jesus. Ang buhay niya ay tunay na naglalarawan ng kaluwalhatian ng Diyos.”

 

Kung tayo ay tapat, kailangang aminin natin na hindi natin nararamdaman ang matamis na presensiya ng Panginoon sa bawat isa ng madalas. Bakit? Ang mga Kristiyano ay gumugugol ng panahon sa pagsali sa mabubuting gawaing pangrelihiyon—samahan ng mga mananalangin, pag-aaral ng Bibliya, ministeryong panglabas—at ang lahat na iyan ay kapuri-puri. Ngunit marami sa mga Kristiyanong ito ay gumugugol lamang ng kaunting panahon sa pagmiministeryo sa Panginoon, sa lihim na silid ng panalanginan.

 

Ang presensiya ng Panginoon ay hindi maaring gawing huwad. Ito ay may katotohanan kung ito man ay ginagamit sa bawat isang buhay o sa katawan ng iglesya. Kapag nangusap ako ng presensiya ng Diyos, hindi ako nangungusap tungkol sa espirituwal na luningning na mistikal na pumapalibot sa isang tao o nanggagaling sa isang gawain ng iglesya. Sa halip, nangungusap ako ng tungkol sa kinalabasan ng isang payak ngunit makapangyarihang paglalakad ng pananampalataya. Kung ito man ay nagpapakita ng isang Kristiyanong pamumuhay o sa kabuuan ng konggregasyon, nagiging dahilan ito para ito ay itala ng mga tao. Sinasabi nila sa kanilang mga sarili, “Ang taong ito ay nakasama si Jesus,” o “Ang konggregasyong ito ay tunay na naniniwala sa ipinangangaral nila.”

 

Higit pa ang kailangan ng isang matuwid na mangangaral para makalikha ng isang iglesya ni Jehova Shammah. Kinakailangan nito ng isang matuwid, nagkukulong na mga tao ng Diyos. Kapag may isang baguhan na lumabas mula sa isang gawain ng iglesya at sinabing, “Nadama ko ang presensiya ni Jesus doon,” makatitiyak na hindi ito lamang dahilan sa ipinangaral o sa pagsamba. Ito ay dahilan sa isang matuwid na konggregasyon ay pumasok sa tahanan ng Diyos, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nananatili sa kalagitnaan nila.

Biyernes, Abril 24, 2009

ANG PANGALAN NIYA AY KAPATAWARAN

 “Wala nang ibang Diyos na tulad mo. Pinatatawad mo ang mga kasalanan ng mga nalabi sa bayan mong hinirang. Hindi ka nagkikimkim ng galit. Sa halip ay ipinadarama mo mo sa kanila ang tapat mong pagmamahal. Muli kang mahahabag sa amin, lilimutin mo ang mga pagkakasala naming at ihahagis sa kalaliman ng dagat” (Mikas 7:18-19).

 

Paano mo kikilalananin ang Panginoon mula sa mga ibang diyos na sinasamba sa buong sanlibutan? Siyempre, kilala natin ang ating Diyos ng higit pa sa ibang diyos, higit na banal sa lahat ng bagay. Ngunit ang isang malinaw na paraan pagkakakilanlan ng Paginoon mula sa iba ay sa pamamagitan ng kanyang pangalan: ang Diyos na nagpapatawad. Ang Kasulatan ay nagpahayag na ang ating Panginoon ay ang Diyos na nagpapatawad, ang tanging Diyos na may kapangyarihan na magpatawad ng kasalanan. “Wala nang ibang Diyos na tulad mo. Pinatatawad mo ang mga kasalanan ng mga nalabi sa bayan mong hinirang?” (Mikas 7:18).

 

Nakita natin ang pangalang ito ng Diyos na pinatunayan sa buong Kasulatan.

 

  • Ipinahayag ni Nehemias, “Ngunit ikaw ay Diyos na mapagpatawad, mahabagin, matatag at mapagtimpi at di mo sila itinakwil” (Nehemias 9:17). Ang tamang salin-wika ng pariralang “isang Diyos na handang magpatawad” ay “isang Diyos na nagtatakip-sala” o “isang Diyos na mapagpatawad.”
  • Hiningi ni Moses sa Panginoon ang pagpapahayag ng kanyang kaluwalhatian. Hindi pinapayagan na makita ang mukha ng Diyos, ngunit ipinahayag ng Panginoon ang kanyang kaluwalhatian kay Moises sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kanyang pangalan. Ano ang pangalan ng Diyos na ipinahayag kay Moises? “Akong si Yahweh ay mapagmahal at maawain. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako’y nanatiling tapat. Tinutupad ko ang aking pangako maging sa libu-libo, at patuloy kong pinatatawad ang kanilng kasamaan, pagsalansang, at pagkakasala” (Exodo34:6-7).
  • Binigyan tayo ni David ng paglalarawan sa Hebreo tungkol sa Diyos, “Mapagpatawad ka at napakabuti; sa dumadalangin at nagsisisi, ang iyong pag-ibig ay mananatili” (Awi8t 86:5). Isinulat ni David ang mga salitang ito mula sa kanyang sariling mahirap na karanasan.

Huwebes, Abril 23, 2009

INIIBIG PA RIN NG ATING PASTOL ANG MGA NALILIGAW

Iniibig ng ating dakilang pastol ang bawat tupa na naligaw dahilan sa mga pagsubok, kapighatian at karamdaman. Hindi natin sinubok na pagbintangan ang ating pastol ng pang-iiwan sa atin. Nananatili siyang naglalakad katabi natin at nagbabantay sa atin sa lahat ng sandali.

 

Sa mga sandaling ito maaring nakikipaglaban ka sa isang nagagaping pakikipagdigma sa isang uri ng tukso. Anuman ang pinaglalabanan mo, tiniyak mo na hindi ka lalayo sa Panginoon. Ayaw mong sumuko laban sa pagkakahawak ng kasalanan. Sa halip, tinanggap mo ang Salita ng Diyos sa puso.

 

Gayunman, katulad ni David, ikaw ay pagod na. At ngayon ikaw ay dumating na sa katayuang nararamdamang mong wala ka nang pag-asa. Binabaha ka ng kaaway ng kawalan ng pag-asa, takot, kasinungalingan.

 

Ang iyong pagsubok ay maaring naging lalong mahiwaga at hindi maipaliwanag. Ngunit nais kong malaman mo—anuman ang pinagdadaanan mo, nais ng Espiritu Santo na ipahayag sa iyo si Jehova Rohi, si Yahweh ang inyong Panginoon. Mayroon kang pastol na gustong itatak ang kanyang pag-ibig sa puso mo.

 

Tiniyak ni Jesus sa atin, “Hindi kita iiwan o pababayaan man.” At ang ating Amang nasa langit—Jehova Rohi, si Yahweh ang ating pastol—ay ipinahayag sa atin ang sarili niya sa Awit 23. Sinasabi niya sa atin, “Kilala kita sa pangalan mo, at alam ko ang pinagdadaanan mo. Halika, humiga ka sa grasya at sa pag-ibig ko. Huwag mong subuking sarilinin ang lahat. Tanggapin mo lamang ang pag-ibig ko sa iyo. At magpahinga sa mapagmahal kong mga bisig. Oo, ako ang Panginoon ng punong-abala. Ako ang makapagyarihan at banal na Diyos. Nais kong malaman mo ang lahat ng pahayag na ito tungkol sa akin. Ngunit ang isang pahayag na nais ko na magkaroon ka ngayon din ay ang pahayag tungkol kay Jehovah Rohi. Nais kong makilala mo ako bilang iyong mapagmahal, mapag-alagang pastol. At nais kong tiyakin sa iyo na ililigtas kita sa lahat ng iyong mga pagsubok, sa aking pagiging magiliw at pag-ibig.”

Miyerkules, Abril 22, 2009

SI YAHWEH ANG AKING PASTOL

Alam natin ang tungkol sa Awit 23. Ang nakapagpapalakas-loob na talatang ito ay alam din kahit na nga mga hindi mananampalataya. Ang kilalang awit ay isinulat ni Haring David, at ang pinakilalang talata ay nasa pambungad na berso: “Si Yahweh ang aking Pastol, hindi ako magkukulang.”

 

Ang Hebreong salita na ginamit ni David para sa magkukulang  ay nagpapakita ng kahulugan na kulang. Sinasabi ni David, sa ibang salita, “Hindi ako magkukulang.” Kapag pinagsama natin ang kahulugan sa unang bahagi ng talata, sinasabi ni David, “Pinangungunahan ako ng Panginoon, ginagabayan at pinakakain. At dahil doon, hindi ako magkukulang.”

 

Sa maiksing talatang ito, ibinigay sa atin ni David ang iba pang paglalarawan ng katauhan at kalikasan ng Panginoon. Ang literal na pagsasaling-wika sa Hebreo sa unang bahagi ng talatang ito ay Jehova Rohi (bigkas je-HO-va-RO’-ee). Ang kahulugan nito ay “Si Yahweh, ang aking Pastol.”

 

Si Jehova Rohi ay hindi isang magiliw, at tahimik na Pastol. Hindi siya isang upahan—isang gumagawa ng higit pa kaysa nagbibigay lamang ng pagkain at gabay. Hindi lamang basta itinuturo tayo patungo sa madamong pastulan at lawa at sasabihing, “Nandoon ang kailangan ninyo. Pumunta kayo doon at kunin ito.” O kaya’y nagbubulag-bulagan siya sa ating mga pangangailangan. Hindi siya tumatakbong palayo sa atin kapag narinig iya ang ating mga daing sa paghingi ng tulong at nakikita tayo ay nasa kagipitan. Hindi, alam niya ang bawat kirot na ating dinadala, bawat luhang pumapatak, bawat sakit na nararamdaman. Alam niya kapag tayo ay pagod na para humakbang pa. Alam niya kung ano lamang ang kaya natin. Higit sa lahat alam niya kung paano niya tayo ililigtas at dadalhin sa lugar ng kagalingan. Sa bawat panahon, ang ating pastol ay dumarating, sinusundo tayo at dinadala sa lugar ng kapahingahan. Patuloy niya tayong pinahihiga para sa panahon ng pagpapagaling at pagpapanumbalik.

 

Si Jehova Rohi—si Yahweh ang ating Pastol—ay pinipilit tayong sundan siya sa kanyang kapahingahan, para siya ay maaring “manirahan” sa ating kalagitnaan. Sinabi ng Panginoon sa Exodo 29:45, “Ako’y sasakanila at ako ang magiging Diyos nila.” Ang Hebreong salita para sa manirahan dito ay shekinah, ang ibig sabihin ay tumira, o manatili sa tabi. Ang salitang ito ay nagpapahayag hindi lamang dumaraang presensiya, kundi isang palagian—isang presensiyang hindi umaalis. Sa madaling sabi, ang naninirahang kaluwalhatian ng Diyos ay hindi isang naglalahong tatak na nawawala sa ating mga puso na katulad ng hindi nakikitang tinta. Hindi, ito ay isang tatak ng Diyos na permanenteng na sa ating espiritu. Ito ang kanyang pinakamalapit at walang hanggang presensiya.

 

Ang larawan nito dito ay maluwalhati: Ang ating pastol ay nag-aalay na darating sa atin sa gitna ng ating mga pighati at walang pag-asang katayuan, at maupo sa ating tabi. Ipinangako niya na gagamutin niya ang ating mga sugat at palalakasin ang mga bahagi sa atin na may sakit at karamdaman.

 

Iyan ang naninirahang kaluwalhatian ng Diyos: ang nakatirang, walang-hanggang presensiya ng Panginoon. At madalas natin itong nararanasan kapag tayo ay nasa kalagitnaan ng ating kapighatian. Sinasabi ng ating dakilang pastol, “Nais kong mapanumbalik ka. At gagawin ko ito sa pamamagitan ng aking presensiya sa tabi mo, kahit na sa bingit ng kamatayan. Ang presensiya ko ay mananatili sa iyo sa lahat ng anumang ipukol ng diyablo sa iyo. Kahit na ikaw ay tumakbong palayo sa akin, ay hahabulin kita. At kapag inabot kita, ilalagay kita sa aking mga bisig at bubuhatin sa aking likod sa aking kapahingahan. At pagkatapos ay gagamutin ko ang lahat ng sugat mo at pagagalingin ang lahat ng karamdaman mo.”

Martes, Abril 21, 2009

ANG TANGI NIYANG NINANAIS AY ANG INYONG PANANALIG

Hindi nais ng Diyos ang inyong tahanan, ang inyong sasakyan, ang inyong mga muwebles sa bahay, ang inyong mga ipon, ang inyong mga ari-arian. Ang tangi niyang gusto ay ang inyong pananampalataya—ang inyong matibay na pananalig sa kanyang Salita. At iyan marahil ay isang bagay na ang iba, mga mukhang espirituwal na tao na wala sa kanila. Maaring ang tingin mo sa ibang tao ay higit na espirituwal kaysa sa iyo. Ngunit ang taong iyan ay maaring nagpupumilit na maipakita lamang ang itsura ng isang makatuwiran. Gayunman, habang nakatingin sa iyo ang Diyos, ipinahayag niya, “Mayroong makatuwirang lalaki o babae.” Bakit? Inamin mo ang iyong kahinaan na maging makatuwiran. At nanalig ka sa Panginoon na ibibigay niya sa iyo ang kanyang katuwiran.

 

Sinabi ni Pablo sa atin na tayo ay ibinilang na , makatuwiran sa mata ng Diyos sa katulad na kadahilanan ng kay Abraham. “Kaya’t dahil sa kanyang pananalig, siya’y pinawalang-sala. Ngunit ang salitang ‘pinawalang-sala’ ay hindi lamang para sa kanya, kundi para rin sa atin. Tayo’y pinawalang-sala dahil sa ating pananalig sa Diyos na muling bumuhay kay Jesus na Panginoon natin” (Roma 4:22-24).

 

Maari mong angkinin, “Nananalig ako dito. Nananalig ako sa Diyos na muling bumuhay kay Jesus.” Gayunman, ang tanong para sa iyo ay, nananalig ka ba na kayang muling buhayin ng Diyos ang magulo ninyong pagsasama ng iyong asawa? Nananalig ka ba na kaya niyang muling buhayin ang isang espirituwal na patay na kamag-anak? Nananalig ka ba na kaya ka niyang iahon mula sa balon ng isang nakapanghihinang kinagawian? Nananalig ka ba na kaya niyang burahin ang iyong isinumpang nakaraan at muling buhayin ang mga taon na kinain ng kangkarong-uod?

 

Kapag ang lahat ay mukha ng wala ng pag-asa—kapag ikaw ay nasa imposibleng kalagayan, na walang pagkukunan, at wala ng pag-asa sa harapan mo—nananalig ka ba na ang Diyos ang iyong magiging Jehova Jirah, na nakikita ang iyong pangangailangan? Nananalig ka ba na tutuparin niya ang kanyang mga pangako sa iyo—at kapag isa man sa mga salitang ito ay nabigo, ang langit ay malulusaw at ang sansinukuban ay guguho?

 

Lunes, Abril 20, 2009

ANG PANGINOON ANG ATING KATUWIRAN

 “Nalalapit na ang araw, sabi ni Yahweh,na pasisibulin ko mula sa lahi ni David ang isang sangang matuwid, isang hari na buong karunungang maghahari. Paiiralin niya sa buong lupain ang batas at katarungan. Magiging matiwasay ang Juda sa panahon ng kanyang pamamahala, at ang Israel ay mapayapang mamumuhay. Ito ang pangalang itatawag sa kanya: SI YAHWEH AY MATUWID” (Jeremias 23:5-6).

 

Ang Diyos ay nagbigay ng pahayag kay propetang Jeremias ni Jehovah Tsidkenu (bigkas Je-HO-va Sid-KAY-noo) sa panahon ng kagipitan katulad ng hinaharap natin ngayon. Kaya, ano ang ibig sabihin nito para sa atin, sa praktikal na katawagan? Ano itong katuwiran na siya ay Panginoon ng—at paano natin malalaman at mauunawaan si Jesus sa papel na ito?

 

Nagbigay si Pablo sa atin ng ilang katalusan sa paliwanag ng katuwiran sa ilang mga talata.

 

·         “Nanalig sa Diyos si Abraham. Dahil dito, siya’y pinawalang-sala ng Diyos” (Roma 4:3).

·         “Pinawalang-sala si Abraham dahil sa kanyang pananalig” (Roma 4:9).

·         “Tulad ng nangyari kay Abraham: nanalig siya sa Diyos, kaya’t siya’y ibinilang na matuwid” (Galacia 3:6).

 

Ang bawat isa sa mga talatang ito ay tumutukoy sa isang bagay na ginawa ni Abraham para makamit ang tunay na katuwiran: siya ay nanalig.

 

Sa huli, ibinigay ni Pablo ang paliwanag ng Panginoon tungkol sa katuwiran: “Hindi  siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos, kundi lalo siyang tumibay sa pananalig at pinuri  niya ang Diyos. Lubos siyang nanalig na matutupad ng Diyos ang kanyang pangako. Kaya dahil sa kanyang pananalig, siya’y pinawalang-sala” (Roma 4:20-22).

 

Hindi na mas mapapalinaw pa ng higit pa ng Bibliya ang tungkol sa bagay na ito. Ang katuwiran ay ang manalig sa mga pangako ng Diyos, lubos na nananalig na matutupad ng Diyos ang kanyang pangako.

Lunes, Abril 13, 2009

KASIYAHANG-LOOB

Ang kasiyahang-loob ay isang malaking pagsubok sa buhay ni Saulo. Sa huli, sinabi sa kanya ng Panginoon na gagamitin siya ng lubusan: “Pumaroon ka! Sapagkat hinirang ko siya upang ipakilala ang aking pangalan sa mga Hentil, sa mga hari, at sa mga anak ng Israel” (Gawa 9:15). Nang unang matanggap ni Saulo ang utos na ito, “Pumasok siya sa mga sinagoga at nangaral tungkol kay Jesus” (9:20).

 

Si Saulo ay hindi nagmamadali na makitang ang lahat ay natupad niya sa kanyang buong buhay. Alam niya na mayroon siyang di-mababaling pangako mula sa Diyos, habang pinanghahawakan niya ito. At sa kasalukuyang sandali, Masaya na siyang makapangaral nasaan man siya: nangangaral sa bantay sa bilangguan, sa mga manlalayag, sa ilang mga kababaihan sa tabi ng ilog. Ang lalaking ito ay may tungkuling pansalibutan, gayunman siya ay tapat na magpatotoo ng paisa-isa.

 

O si Saulo ay naninibugho sa mga nakababatang lalaki na dinadaan-daanan lamang siya. Habang sila ay naglalakbay sa sanlibutan para mahimok ang mga Hudyo at mga Hentil para kay Cristo, si Saulo ay naupo sa bilangguan. Kailangan niyang makinig sa mga ulat tungkol sa maraming tao na napagbago ng mga lalaking nakatunggali niya tungkol sa mabuting balita ng grasya. Gayunman, hindi kinainggitan ni Pablo ang mga lalaking iyon. Sapagkat alam niya na ang taong sumuko kay Cristo ay alam kung paano magpakababa pati na ang managana: “Kung sabagay, malaki nga ang mapapakinabang sa relihiyon kung ang tao’y marunong masiyahan…kaya dapat na tayong masiyahan kung tayo’y may kinakain at dinaramit” (1 Timoteo 6:6-8).

 

And sanlibutan ngayon ay maaring sabihin kay Saulo, “Ikaw ay nasa dulo na ng pamumuhay mo ngayon. Gayunman wala kang naipon, walang mga pamumuhunan. Ang mayroon ka lamang ay pampalit ng damit.” Alam ko kung ano ang maaring isagot ni Saulo: “Oo nga, ngunit nakamit ko si Cristo. Sasabihin ko sa iyo, ako ang nagwagi. Natagpuan ko ang perlas ng dakilang premyo. Ibinigay sa akin ni Cristo ang kapangyarihan na iwan ang lahat, at humayong mag-isa. At iniwan ko ang lahat, at ngayon may koronang naghihintay sa akin. Isa lamang ang hangarin ko sa buhay na ito: ang makita ang Jesus ko,ng harapan. Ang lahat ng pagdurusa ng panahon ngayon ay hindi maaring ihambing sa kagalakang naghihintay sa akin.”

Biyernes, Abril 10, 2009

ANG DAAN PATUNGO SA PAGSUKO

Sinisimulan ng Diyos ang pamamaraan ng pagsuko sa pamamagitan ng pagpapabagsak sa atin mula sa matayog nating kinalalagyan. Ito ang mistulang nangyari kay Saulo. Siya ay nasa kanyang sinusunod na sariling pamamaraan, nakasakay patungo sa Damascus, nang may nakabubulag na liwanag ang nanggaling sa langit. Si Saulo ay nasapasubasob sa lupa, nanginginig. At pagkatapos ay may tinig na nanggaling mula sa langit sinasabing, “Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?” (Gawa 9:4).

 

Alam ni Saulo na may nawawala sa kanyang buhay. Mayroon siyang kaalaman tungkol sa Diyos, ngunit walang nangungunang pahayag. Ngayon nakaluhod, narinig niya ang tinig na ito mula sa langit: “Ako si Jesus, ang iyong inuusig” (9:5). Ang mga salitang iyon ang nagpabaliktad sa mundo ni Saulo. Sinabi ng Kasulatan, “Tumindig ka’t pumasok sa lunsod. Sasabihin sa iyo roon kung ano ang dapat mong gawin” (9:6). Ang pagbabagong-loob ni Saulo ay isang madamdaming gawain ng Espiritu Santo.

 

Si Saulo ay inakay ng Espiritu Santo sa pagsuko ng buhay. Itinanong niya, “Panginoon, ano ang nais mong gawin ko? At ang kanyang puso ay tumatangis, “Jesus, paano kita mapaglilingkuran? Paano kita makikilala at malulugod? Wala nang ibang makabuluhan pa. Lahat ng ginawa ko sa buhay ko ay isang dumi ng hayop. Ikaw na ang lahat sa akin ngayon.

 

Wala nang ibang ambisyon pa si Saulo, wala nang ibang nagtutulak sa buhay niya, ng higit pa dito: “Makamtam ko lamang si Cristo” (Filipos 3:8). Sa panahon ngayon ng pamantayan ng tagumpay, si Saulo ay ganap na bigo. Hindi siya gumawa ng mga gusali. Wala siyang organisasyon. At ang pamamaraan na ginawa niya ay kinamuhian ng ibang mga pinuno. Katunayan, ang mensahe na ipinangaral niya ay hindi nagustuhan ng maraming nakikinig sa kanya. Minsan siya ay pinamato habang nangangaral. Ang kanyang paksa? Ang krus.

 

Kapag tayo ay humarap sa Diyos sa paghahatol, hindi tayo hahatulan ng ating mga ministeryo, mga nagawa o sa dami ng bilang ng ating mga napagbago. Mayroong isa lamang pamantayan ng tagumpay sa araw na iyon: Ang ating bang mga puso ay lubusang isinuko sa Diyos? Binitiwan ba natin ang ating sariling kagustuhan at mga balakin at tinanggap ang kanya? Tayo ba’y sumuko dahilan sa tayo ay napilitan at sumama lamang sa marami, o tayo ba’y naghanap sa kanya na mag-isa para sa kanyang gabay? Tayo ba’y sumali sa maraming pagpupulong para hanapin ang layunin sa ating mga buhay, o natagpuan ba natin ang kaganapan sa kanya?

 

Mayroon akong tanging hangarin at iyon ay ang patuloy na matutunan lamang ang mga ibinibigay ng Ama sa akin? Walang anumang sasabihin ko o gagawin para sa sarili ko ay may kabuluhan. Nais kong makamit, “Alam ko na ang aking Ama ay kasama ko, sapagkat sinusunod ko lamang ang kanyang kalooban.”

Huwebes, Abril 9, 2009

ANG BUHAY NA ISINUKO

“Sumuko.” Ano ang sinasabi sa iyo ng salitang ito? Sa likas na katawagan, ang  sumuko ay nangangahulgan “na ipagkaloob ang isang bagay sa ibang tao.” Ito ay nangangahulugan din na iwan ang isang bagay na ibinigay sa iyo. Maaring kasama nito ang iyong mga ari-arian, kapangyarihan, hangarin, maging ang iyong buhay.

 

Ang mga Kristiyano sa ngayon ay maraming naririnig tungkol sa buhay na isinuko. Ngunit ano talaga ang tunay na kahulugan nito? Ang buhay na isinuko ay ang pagbabalik kay Jesus ng buhay na ipinagkaloob niya sa iyo. Ito’y ang pagbitaw sa pamamahala, karapatan, kapangyarihan, patutunguhan, lahat ng iyong gagawin at sasabihin. Ito ay ganap at lubusang pagsuko ng iyong buhay sa kanyang mga kamay, na gawin anuman ang kalooban niya.

 

Maging si Jesus ay namuhay sa isinukong buhay: “Sapagkat ako’y bumaba mula sa langit, hindi upang gawin ang kalooban ko, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin” (Juan 6:38). “Hindi ako naghahanap ng aking kapurihan” (8:50). Si Cristo ay hindi kumilos para sa sarili lamang niya. Hindi siya kumilos at hindi nagsalita nang walang utos mula sa Ama. “Wala akong ginagawa sa ganang sarili ko lamang; nagsasalita ako ayon sa itinuro sa akin ng Ama…sapagkat lagi kong ginagawa ang nakalulugod sa kanya” (8:28-29).

 

Ang ganap na pagsuko ni Jesus sa Ama ay isang halimbawa kung paano dapat mamuhay. Maari mong sabihin, “Si Jesus ay Diyos na nagkatawang-tao. Ang kanyang buhay ay isinuko na bago pa man siya bumaba sa lupa.” Ngunit ang isinukong buhay ay hindi ipinapataw kaninuman, kasama na si Jesus.

 

“Dahil dito’y minamahal ako ng Ama, sapagkat inialay ko ang aking buhay, upang ito’y kunin kong muli. Walang makakukuha nito sa akin; kusa ko itong ibinigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at kunin uli. Ito ang utos na tinanggap ko sa aking Ama” (Juan 10:17-18).

 

Sinasabi ni Jesus sa atin, “Huwag magkamali. Ang pagsuko ng sarili ay ganap na nasa aking kapangyarihan para gawin. Pinili ko na ibigay ang buhay ko. At hindi ko ginagawa ito dahil lamang na may isang lalaking nagsabi sa akin nito. Walang sinumang maaring kumuha ng buhay ko. Binigyan ako ng aking Ama ng karapatan na ibigay ang buhay ko. Binigyan niya rin ako ng pagpipilian na palampasin ang kopang ito at maiwasan ang krus. Nguit pinili kong gawin ito, ng dahil sa pag-ibig at lubusang pagsuko sa kanya.

 

Ang ating Amang nasa langit ay binigyan tayong lahat ng ganitong karapatan: ang karapatan na mamili at muling ibigay ang ating buhay sa kanya. Malayang inialok niya sa atin ang Lupang Pangako, puno ng gatas, pulut-pukyutan at prutas. Ngunit maari nating piliin na huwag pumasok sa lugar ng kapunuan.

 

Ang katunayan ay, maari tayong magkaroon ng higit kay Cristo kung gusto natin. Maari tayong magpakalalim sa kanya kung pipiliin natin, mamuhay ng may kapunuan sa kanyang salita at gabay.

Miyerkules, Abril 8, 2009

NAKAHANDA SA ANUMANG KAGIPITAN

Kapag ang kagipitan ay dumating, wala ka nang panahon na makapaghanda sa pananalangin  at pananampalataya. Ngunit yaong mga nakasama si Jesus ay laging handa.

 

Isang mag-asawa ang sumulat sa amin kamakailan sa espiritu na nagpahayag na nakasama nila si Jesus. Ang kanilang anak na nasa edad na 24 ay kasamang nasa galaan ng kanyang kaibigan nang dukutin sila ng isang sira-ulo. At pagkatapos ay karumal-dumal silang pinatay.

 

Ang mag-asawa ay nasa pagkabigla. Nagtataka ang kanilang mga kaibigan at mga kapitbahay, “Paano malalampasan ng sinumang magulang ang ganitong uri ng trahedya? Gayunman, sa loob ng isang oras, ang Espiritu Santo ay dumating sa nagdadalamhating mag-asawa, may dalang sobrenatural na kaaliwan. Gayunman, sa mga sumunod na masasakit na mga araw, yaong nagdadalamhating magulang ay patuloy na nagtatanong sa Diyos kung bakit. Ganunpaman, nararanasan nila ang banal na kapahingahan at kapayapaan.

 

Ang lahat na nakakakilala sa mga magulang na ito ay namangha sa kanilang pagiging panatag, ngunit ang mag-asawang iyon ay nakahanda sa sandali ng kanilang kagipitan. Alam nila noon pa na hindi hahayaan ng Diyos ang may mangyaring ganoon ng walang kaagapay na layunin. At nang dumating ang masakit na balitang iyon, hindi sila bumagsak.

 

Sa katunayan, ang mga magulang na ito at ang mga nabubuhay na apo ay nagsimulang ipanalangin ang pumatay. Ang mga tao sa kanilang bayan ay hindi matanggap ito. Ngunit ang makaDiyos na mag-asawa ay nagsalita at nagturo ng kakayahan ng Diyos na magbigay ng lakas, anuman ang maari nilang harapin. Nakita ng mga taong bayan ang kanilang lakas ay nanggagaling lamang mula kay Jesus. Di nagtagal sinasabi nila tungkol sa mag-asawa, “Sila ay himala. Sila ang mga tunay na tao ni Jesus.”

 

“Ang Diyos ang lakas natin at kanlungan, at handang saklolo kung may kaguluhan; di dapat matakot, mundo’y mayanig man, kahit na sa dagat ang bundok ay mabuwal; kahit na magngalit yaong karagatan, at ang mga burol mayanig, magimbal” (Awit46:1-3). 

Martes, Abril 7, 2009

ANG DIYOS AY KASAMA NILA

“Nagtaka ang mga bumubuo ng Sanedrin sa katapangang ipinakita nina Pedro at Juan, lalo na nang mabatid nilang mga karaniwang tao lamang ang mga ito at hindi nag-aral. Napagkilala silang sila’y kasamahan ni Jesus noong nabubuhay pa” (Gawa 4:13).

 

Nakita natin sa Gawa 4 habang nakatayong naghihintay sina Pedro at Juan na ihayag ang hatol, ang lalaki na kagagaling lamang ay tumayo na kasama nila. Doon, sa laman at dugo, ay isang buhay na patotoo na sina Pedro at Juan ay nakasama ni Jesus. Ngayon, habang ang mga punong saserdote ay nakatingin, “At nang makita nila ang taong pinagaling, na nakatayo sa tabi ng dalawa, wala silang masabi laban sa kanila” (Gawa 4:14).

 

Ano ang ginawa nina Pedro at Juan ng sila ay pinalaya? “Nang mapalaya na sina Pedro at Juan, sila’y nagpunta sa mga kasamahan nila at ibinalita ang sinabi ng mga punong saserdote at ng matatanda ng bayan” (Gawa 4:23). Ang mga banal ng Jerusalem ay nagsaya kasama ng dalawa. At sila’y nanalangin, “At ngayon Panginoon, pinagbabantaan nila kami. Tulungan mo ang iyong mga alipin na maipangaral ng buong tapang ang iyong Salita. Iunat mo ang iyong mga kamay upang magpagaling, at loobin mo na sa pangalan ng iyong banal na Lingkod na si Jesus ay makagawa kami ng mga kababalaghan” (Gawa 4:29_30). Nananalangin sila, “O Diyos namin, salamat sa katapangan na ibinigay mo sa aming mga kapatid. Ngunit alam namin na ito ay simula pa lamang. Nakikiusap kami, na panatilihin mo kaming matapang na makapagsalita nang may banal na katiyakan. At magbigay ka ng nakikitang patotoo na ikaw ay kasama namin.”

 

Walang kaduda-duda, nakita nina Pedro at Juan ang itsura ng mga mukha ng mga punong saserdote nang mapatunayan nilang nakasama nila si Jesus.

 

Iyan ang nangyayari sa mga lalaki at babae na gumugol ng panahon kasama si Jesus. Kapag sila’y umalis, kasama nila si Cristo saan man sila magpunta.

Lunes, Abril 6, 2009

BANAL NA KATAPANGAN AT MAY KAPANGYARIHANG ESPIRITUWAL

Kung higit na ang isa ay na kay Cristo, ay higit na ang taong ito ay makakawangis si Cristo, sa kadalisayan, sa kabanalan at pag-ibig. Bilang kapalit, ang kanyang dalisay na paglalakad ay magbubunga sa kanya ng isang dakilang katapangan para sa Diyos. Sinasabi ng Kasulatan, “Tumatakbo ang masama kahit walang humahabol, ngunit panatag ang matuwid, ang katulad ay leon” (Kawikaan 28:1). Ang salita para sa matapang sa talatang ito ay nangangahulugan na “panatag, may tiwala sa sarili.” Iyan ang uri ng katapangan na nakita ng mga saserdote kina Pedro at Juan  habang sila ay nangangaral (tingnan Gawa 4:1-2).

 

Sa nakaraang kabanata (Gawa 3), nanalangin sina Pedro at Juan para sa lumpong pulubi at siya’y biglaang gumaling. Ang kagalingang iyon ay nagbunga ng matinding pagkamangha sa paligid ng templo, at sa pagtatangkang pigilan ang mga disipulo sa pamamahagi ng kanilang pananampalataya kay Cristo, ay ipinadakip sila ng mga pinuno at inilagay sa publikong paglilitis.

 

Sina Pedro at Juan ay humarap sa mga saserdote ngunit walang detalyeng paliwanag ng pagsasalaysay ang Bibliya sa tagpong iyon sa Gawa 4. Gayunman, tinitiyak ko sa inyo, ang mga relihiyosong pinuno ay sinadyang gawin ito para sa pagpaparangya at seremonya lamang. Una, ang mga dignitaryo ay maringal na umupo sa kanilang pangunahing mga upuan. At ang mga kamag-anak ng mga saserdote ay sumunod. Sa huli, sa sandali ng nagmamadaling pagkaasam, ang nakabalabal na saserdote ay gumigiring papasok. Ang lahat ay yumuko sa pagpasok ng saserdote, naglalakad na matikas sa daanan patungo sa upuan ng hukom.

 

Ang lahat ng ito ay layon lamang na takutin sina Pedro at Juan. Ngunit hindi man lamang natakot ang mga disipulo. Matagal na nilang nakasama si Jesus. Naisip ko na iniisip ni Pedro, “Halina kayo at simulan na natin ang pagpupulong na ito. Ibigay ninyo sa akin ang pulpito at alisin ang aking gapos. Mayroon akong sasabihin mula sa Diyos para sa pagtitipong ito. Salamat, Jesus, sa pagpapaunlak mo sa akin na ipangaral ang iyong pangalan dito sa mga namumuhi kay Cristo.” Ang gawa 4:8 ay nagsimula sa: “At si Pedro, puspos ng Espiritu Santo…” at sinasabi nito sa akin na hindi siya magbibigay ng panayam. Hindi ito magiging tahimik o may pagtitimpi. Si Pedro ay lalaking puspos ni Jesus, puspos ng Espiritu Santo.

 

Ang mga lingkod ng Diyos ay panatag sa kanilang pagkakakilanlan kay Cristo. At sila ay nakatayong may tiwala sa pagiging matuwid ni Jesus. Kung ganoon, wala silang dapat itago; maari silang tumayo sa harapan ninuman na may malinis na budhi.

Biyernes, Abril 3, 2009

ANG MGA LALAKING ITO AY NAKASAMA SI JESUS

Sa Gawa 3, nakita natin si Pedro at Juan papunta sa templo para sumamba. Sa labas ng tarangkahan ng templo ay may nakaupong isang pulubi na lumpo mula pa nang ipinanganak siya. Ang lalaking ito ay hindi pa nakalakad sa buong buhay niya. Nang makita niya si Pedro at Juan, humingi siya ng limos. Sinagot siya ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, subali’t may iba akong ibibigay sa iyo” (Gawa 3:6). Pagkatapos ay ipinanalangin ni Pedro ang pulubi, sinabi na, “Sa ngalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, lumakad ka” (3:6). Pagdaka’y, ang lalaki ay gumaling! Masayang-masaya siyang paluksu-lukso at nagsimulang lumakad at sumisigaw, “Pinagaling ako ni Jesus!”

 

Ang lahat na nasa templo ay namangha sa nakita sapagkat kilala nila ang lalaki bilang isang lumpo. Nang makita ni Pedro at Juan na ang mga tao ay nag-iipon-ipon na, nagsimula silang ipangaral si Cristo. Libu-libo ang naligtas. Gayunman, habang si Pedro at Juan ay nangangaral, ang mga saserdote “ay lumapit sa kanila, galit na galit” (Gawa 4:1-2). Ang kapitan ng mga bantay sa templo at ang mga Saduseo ay nagtanong sa mga disipulo, “Sa anong kapangyarihan o kaninong pangalan niyo  ginagawa ang mga bagay na ito?” (4:7). Si Pedro ay puspos ng Epiritu Santo. Sinagot niya ang mga pinuno, “Ang pangalan niya ay si Jesu-Cristo ng Nazaret, na inyong ipinako sa krus tatlong linggo na ang nakararaan. Muli siyang binuhay ng Diyos. At ngayon siya ang kapangyarihan na nagpagaling sa lalaking ito. Walang sinumang maliligtas sa pamamagitan ng ibang pangalan. Maliligaw kayo kapag hindi kayo tumawag sa pangalan ni Cristo” (tingnan 4:10-12).

 

Gulat na napaupo ang mga pinuno. Sinabi ng Kasulatan, “Nagtaka ang mga bumubuo ng Sanedrin sa katapangang ipinakita nina Pedro at Juan, lalo na nang mabatid nilang mga karaniwang tao lamang ang mga ito at hindi nag-aral” (4:13). Ang pariralang  nang mabatid nila  ay nagmula sa salitang-ugat na may kahulugang “nakilala sa pamamagitan ng tanging pagkakakilanlan.”

 

Ano ang tanging pagkakakilanlan ito nina Pedro at Juan? Ito ang presensiya ni Jesus. Mayroon silang pagkakawangis kay Cristo at sa Espiritu.

 

Yaong mga gumugol ng panahon kasama si Jesus ay hindi nakuha ang kaganapan niya. Ang kanilang mga puso ay tumatangis na higit pang makilala ang Panginoon, higit na mapalapit sa kanya, lumago sa karunungan ng kanyang mga gawi. Ipinahayag ni Pablo, “At nagbigay ng mga kaloob sa mga tao” (Efeso 4:7; tingnan din ang Roma 12:3). Ano ang panukatan na ipinahahayag ni Pablo? Ito ay nangangahulugan ng takdang halaga.  Sa ibang salita, tayong lahat ay tumanggap ng takdang halaga ng karunungang kaligtasan ni Cristo,

 

Para sa ilang mananampalataya, ang mga nangungunang panukatan ito ay sapat nang kanilang hinahangad. Nais nila ang sapat lamang mula kay Jesus upang makatakas sa paghuhusga, upang mapatawad, para maingatan ang mabuting reputasyon, para makapanatili ng isang oras sa simbahan bawat Linggo. Ang mga ganitong tao ay nasa “pagpapatuloy na paraan.” At ibinibigay lamang nila kay Jesus ang mababaw na mga kinakailangan.

 

Hangad ni Pablo ang mga sumusunod para sa bawat mananampalataya: “Ang iba’y ginawang apostol…propeta…ebanghelista…pastor at guro. Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng hinirang, sa ikauunlad ng kanyang iglesya. Sa gayon tayong lahat ay magkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos at magiging ganap ang ating pagkatao, ayon sa pagiging-ganap ni Cristo. Hindi na tayo matutulad sa mga batang nadadala ng bawat aral, parang sasakyang-dagat na sinisiklut-siklot ng mga alon at tinatangay ng hangin. Hindi na tayo malilinlang ng mga taong ang hangad ay ibulid tayo sa kamalian. Manapa’y sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, magiging ganap tayo kay Cristo na siyang ulo” (Efeso 4:11-15).

 

Sinasabi ni Pablo, “Ibinigay ng Diyos ang mga espirituwal na handog upang tayo ay mapuspos ng Espiritu ni Cristo. Ito ay mahalaga, sapagkat ang mga manlilinlang ay darating para nakawin ang iyong pananampalataya. Kung ikaw ay inugatan kay Cristo at tumatanda sa kanya, walang doktrinang mapanlinlang ang makapaghahari sa iyo. Gayunman, ang tanging paraan lamang para lumago sa ganitong katandaan ay sa higit na pagsusumikap na naisin si Cristo.”

Huwebes, Abril 2, 2009

MGA KASAMAHAN NI JOSE

Si Jose ay nanaginip na ang buhay niya ay gagamitin ng lubos ng Diyos. Ngunit ang panaginip na iyon ay nagmistulang isang halusinasyon lamang pagkatapos na siya ay ipinagbili bilang alipin ng kanyang mapanibughong kapatid. Ang mga sumunod na mga taon ng buhay ni Jose ay punung-puno ng pagdurusa at kawalan ng katarungan. At nang si Jose ay muli nang makatatayo sa kanyang mga sariling paa, siya ay pinagbintangan ng panggagahasa at dinala sa bilangguan.

 

Gayunman, sa lahat ng panahong iyon, ang Diyos ay nakamasid sa buhay ni Jose. At sa panghuli, pagkatapos ng mga taon ng kaligaligan, si Jose ay nauwi bilang alila sa tahanan ng Faraon. Dumating ang panahon, si Jose ay hinirang ng Faraon na mamuno sa buong Egipto.

 

Mga minimahal, ganyan kung paano kumilos ang Diyos; inihahanda niya ang tao para mailigtas ang natitira. Katunayan, sa bawat salinlahi, ang Panginoon ay nag-aangat ng mga kasamahan ni Jose. Kinukuha niya ang mga banal na lingkod mula sa mga taon ng pagdurusa at mga pagsubok, para mapatunayan at mapalakas ang kanilang pananampalataya.

 

Ano ang ibig sabihin nito? Sinabi ng Kasulatan na ito ng mga pinagtiisan ni Jose: “Subali’t ang Diyos sa unahan nila’y may sugong lalaki, tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose, mga paa nito’y nagdanas ng hirap ng ito’y ipangaw, pati leeg niya’y pinapagk’wintas ng kolyar na bakal; hanggang sa dumating ang isang sandali na siya’y subukin nitong Panginoon, na siyang nangakong siya’y tutubusin” (Awit 105:17-19).

 

Ang Panginoon ay mayroon ding mga kasamahan ni Jose sa panahong ito. Ito ang mga makaDiyos na lalaki at babae na kanyang hinipo at tinawag. Hindi sila naghahanap ng katanyagan at kayamanan. Ang lahat ng nais lamang nila ay mabuhay at mamatay na nagampanan ang tawag ng Diyos na ibinigay para sa kanila. At ipinangako ng Diyos na ang kanilang mga buhay ay magkakaroon ng kabuluhan sa kanyang kaharian.

 

Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid na lalaki, “Pinauna ako rito ng Diyos upang huwag malipol ang ating lahi. Dinala niya ako rito upang marami ang maligtas. Kaya, hindi kayo kundi ang Diyos ang nagpadala sa akin dito. Ginawa niya akong tagapayo ng Faraon, tagapangasiwa ng kanyang sambahayan at tagapamahala ng buong Egipto” (Genesis 45:7-8).

 

Maaring tanawin pabalik ni Jose ang mga pinagdaan niyang mga taon ng pagdurusa at magpatotoo, “Dinala ako ng Diyos sa paglalakbay na ito. Mayroon siyang layunin sa pagdadala niya sa akin sa lahat ng mga pagdurusang ito. Nakita ko na ngayon na ang lahat ng aking pinagtiisan ay nagdala sa akin sa sandaling ito. Mga kapatid, inihahanda ako ng Panginoon para magministeryo sa inyo. Siya ang gumawa ng lahat ng mga bagay na ito, upang madala kayo sa kanyang pinag-iingatang grasya katulad ng ginawa niya sa akin.”

 

Isang di-kapani-paniwalang pahayag para kay Jose. Gayunman, ano ang aral dito para sa mga tao ng Diyos ngayon? Ito iyon: iningatan tayo ng Diyos sa nakalipas at iingatan niya tayo para sa mga darating pang mga araw. At, ang pinakamalaga sa lahat, mayroon siyang walang-hanggang layunin sa likod ng lahat ng ito.. Iingatan niya kayo sapagkat mayroon siyang layunin para sa inyo. May inilalaan siyang banal na gawain para sa inyo. At yaon lamang mga sinubok, napatunayang mga mananampalataya ang makagaganap dito.

 

Hindi ito ang panahon para sa mahinang pananampalataya. Ito ang panahon na kung saan ang bawat Kristiyanong napagtiisan ang mga matitinding pagsubok ay kailangang humakbang sa unahan. Tinatawag tayo ng ating Kapitan para manindigan sa gitna ng natatakot na lipunan at mag-ukol ng panahon sa “makapangyarihang pananampalataya.” Kailangang gawin natin ang Pahayag ni Jose: “Pinauna ako rito ng Diyos upang huwag malipol ang ating lahi” (Genesis 45:7).

Miyerkules, Abril 1, 2009

ININGATAN PARA SA ISANG LAYUNIN

Nanalangin si David, “O Diyos, ako’y ingatan mo, ingatan ang iyong lingkod, ang hangad ko ay maligtas kaya sa ‘yo dumudulog” (Awit 16:1). Ang salitang Hebreo na ginamit ni David dito para sa iningatan sa talatang ito ay punung-puno ng kahulugan. Sinasabi nito, na may kakanyahan, “Lagyan mo ng harang sa paligid ko, pader ng mga tinik. Bantayan at ingatan ako. Masdan ang bawat kilos ko, lahat ng pagdating at patutunguhan ko.”

 

Lubos na naniniwala si David na iniingatan ng Diyos ang mga matuwid. At sinabi ng Kasulatan na si David ay tinulungan at iningatan sa lahat ng kanyang mga gawi. Ipinahayag ng pinagpalang lalaki, “Ang tagapagtanggol ng bayang Israel, hindi natutulog at palaging gising! Ang Diyos na si Yahweh, ay palaging magbabantay, laging nasa piling, upang magsanggalang. Di ka magdaramdam sa init ng araw, kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan. Sa mga panganib ikaw’y ililigtas nitong Panginoon, siya’y mag-iingat”(Awit 121:4-7).

 

Ang katulad na salitang Hebreo para sa iningatan ay lumabas din sa talatang ito. Minsan pa, si David ay nangusap ng banal na hadlang ng Diyos, isang sobrenatural na pader ng pag-iingat. Tiniyak niya sa atin, “Nakatingin ang Diyos sa inyo saan man kayo magtungo.”

 

Katunayan, ang Panginoon ay kasama natin sa lahat ng lugar: sa trabaho, sa simbahan, habang tayo ay namimili. Siya’y kasama natin sa sasakyan, sa mga bus, sa mga daan sa ilalim. At sa mga sandaling ito, sinasabi ni David, iniingatan tayo ng Diyos mula sa mga diyablo. Sa madaling sabi, ay pinangangalagaan tayo ng Diyos sa lahat ng bagay. Ipinangako niya na hahadlangan niya bawat maaring gamiting sandata laban sa kanyang mga anak.

 

Sa bawat panahon, napatunayan ng Diyos natin na siya ay tagapangalaga ng kanyang mga tao. Gayunman, sa anong layunin? Bakit pinipilit ng Panginoon na ingatan tayo? Nakita natin ang pahiwatig sa mga salita ni Moses: “Ibinigay niya sa amin ang Kautusan at mga tuntuning ito upang magtaglay kami ng takot sa kanya. Sa gayon, kami’y mapapanuto at iingatan niyang tulad na ginagawa niya sa atin ngayon” (Deutoronomo 6:24).

 

Isipin ang lahat ng pamamaraan na ginamit ng Diyos sa pag-iingat sa kanyang mga piniling bayan, ang Israel. Pinangalagaan niya sila mula sa sampung salot sa Egipto. Iniligtas niya sila mula sa mga hukbo ng Faraon sa Pulang Dagat. Pinagaling niya sila mula sa mga tuklaw ng mga makamandag na ahas sa disyerto. At nagpatotoo ang mga tao tungkol sa mapag-ingat na kapangyarihan ng Diyos sa kanilang mga anak at mga apo. “Iniligtas kami ng Panginoon mula sa aming mga kaaway. Binigyan niya kami ng pagkain at inumin, at iningatan ang aming mga damit para hindi maluma. Iningatan niya ang Israel sa lahat ng bagay.”

 

Ngunit yaon lamang bang mga patotoo mayroon ang mga taga Israel? Ang mga tao bang ito ay naingatan at napangalagaan para lamang mamatay sa ilang? Ipinahayag ni Moises, “Inialis niya kami sa Egipto upang dalhin sa lupaing ipinangako niya sa ating mga ninuno” (Deutoronomo 6:23). Sinasabi ni Moises sa Israel, “Tingnan ninyo ang lahat ng mahimalang pamamaraan ng Diyos na nagpalaya sa inyo mula sa inyong pagkakagapos. Ano sa palagay ninyo ang bagay na iyon? Bakit sa palagay ninyo kayo ang pinili at minarkahan bilang mahahalaga mula sa pagkakatatag ng sanlibutan?

 

Kayo ay iningatan ng Diyos para madala sa isang lugar. Nais niyang may maganap na bagay sa inyong mga buhay higit pa sa mga himala. Iningatan ng Panginoon ang mga taga Israel at naglagay ng harang sa paligid nila para sa isang tiyak na layunin: upang madala kayo sa isang lugar ng kapakinabangan. Itinuturo sila ng Panginoon sa ipinangakong lupain, isang lugar na hantungan.